[Letlet]
Sinadya n'yang agahan ang gising. Agad na hinanap niya ang salamin at nakangiting naglagay ng lipstick sa labi.
"Magandang umaga, Lola!"
Naibuga ni Lola Asun ang kape na iniinom. Masyado yatang nagandahan sa kanya. Tama nga si Birang. Nakakaganda ang lipstick.
Napahagikgik siya.
"Lola, pupuntahan ko lang si Birang!" Hindi na niya hinintay na magsalita ang Lola niya, agad na umalis siya ng bahay na halos mapunit ang labi sa pagkakangiti.
Lahat ay napapatingin sa kanya kaya mas lalo siyang napapangiti. Katulad ng Lola niya ay tiyak na nagulat ang mga 'to sa kagandahan niya.
Gumanda rin sa wakas!
Nang makita si Birang ay agad niya 'tong nilapitan. "Ay aswang!" Nakahawak sa dibdib na sambit ni Birang ng makita siya.
Aswang?
Teka nga, siya ba ang tinutukoy nito? Nalukot ang mukha niya.
"Aba, Birang, ang ganda ng umaga ko kaya wag mong sirain!" Maka-aswang naman 'to, parang di araw-araw nakikita ang sarili sa salamin.
Sinuri ng mabuti ni Birang ang mukha niya. "Anong ginawa mo sa mukha mo?" Natatawang tanong nito.
"Naglagay ng lipstick." Hinawakan niya ang pisngi kung saan naglagay din siya ng lipstick. "Maganda naman di'ba?"
Malakas na natawa ito.
"Ang sabi mo sa akin, pwedeng ilagay ang lipstick sa pisngi at talukap ng mata, kaya naglagay ako." Bukod kasi sa labi ay naglagay din siya sa pisngi at talukap ng mata.
Tumigil sa pagtawa saglit si Birang, pero ng tumingin uli ito sa mukha niya ay natawa na naman ito.
"Isang pang tawa, pipili ako ng ibang mapapangasawa ni Kuya Lucian." Banta niya na agad nitong kinatigil.
Pinahid ni Birang ang luha sa gilid ng mata na naluha sa sobrang pagtawa.
"Ito naman, pasensya na. Ikaw naman kasi, bakit ka naglagay ng ganyan kakapal na lipstick mukha mo." Nilapitan siya ni Birang at hinawakan ang mukha niya saka nilakumos na ewan.
"Mali ba ang ginawa ko?" Akala pa naman niya ay nasamid ang Lola Asun niya dahil nagandahan sa kanya. Pero mukhang kabaligtaran 'yon, mukhang natakot yata 'to.
Makalipas ng ilang sandali ay tumigil na si Birang sa pag ayos sa mukha niya. Nang tumigil si Birang sa ginagawa at tumingin sa kanya ay nakita niya na natigilan 'to.
"P-Panget ba? H-Hindi bagay?" Tanong niya.
Umiling si Birang. "Uwi ka tapos saka mo tingnan sa salamin niyo." Tumingin sa likuran si Birang. "Sandali, tawagin ko si Balug para siya ang magsasabi kung bagay ba o hin—"
Hindi na niya hinintay na matapos si Birang. Kumaripas na siya ng uwi pabalik sa bahay nila.
Sigurado na tuluyan ng masisira ang araw niya kapag nakita niya si Balug. Umasim ang mukha niya ng maalala ang huli nilang pagkikita.
Hindi lang niya ito ti-tsinelasin sa oras na banggitin nito ang salitang kuto at lisa.
"Letlet! Ke-aga aga ay inuuna mo ang gala!" Namewang ang matanda. "Gisingin mo ang Kuya Lucian mo at mag almusal na kayong dalawa!"
Sinundan niya ng tingin ang Lola Asun niya. Hindi siya pinuri? Malamang ay hindi nga bagay sa kanya ang maglagay ng lipstick sa pisngi at talukap ng mata.
Sana pala ay sa labi nalang siya naglagay.
Napabuntong hininga siya. Sa paglalagay pa nga lang sa labi ay hirap na hirap na siya. Paano ay palaging lagpas. Hindi bale, sa sunod ay sigurado na makakapaglagay din siya ng lipstick ng hindi lumalagpas.