[Letlet]
"Ako ay nagpapasalamat sa'yong pagmamahal sa aking anak, Kulas. Sana ay ingatan mo siya katulad ng aking pag iingat sa kanya. Huwag mo sana siyang sasaktan at alagaan. Maikasal man kayong dalawa ay huwag sanang magbago ang pagmamahal mo katulad ngayon." Madamdamin na lintanya ni Mang Goryo, habang ang katabing anak nito na si Geka ay maluha-luhang nakikinig.
"Hindi ako makapaniwala na ipinagpalit niya si Geka sa isang bangka." Aniya sa mahinang boses. Nabalitaan niya na binigyan ni Kulas si Mang Goryo ng isang bangka.
Si Mang Goryo ay ama ni Geka na mapapangasawa ni Kulas. Katulad nga ng nangyayari rito sa kanilang isla.
Pinagpapalit ang mahal.
Napasimangot siya ng maalala si Balug. Ang sabi nito ay mahal siya nito, katulad ng sinasabi ni Kulas kay Mang Goryo, mahal daw nito si Geka. At iyon na nga, kapalit nito ay bangka. Ngayon nga ay manhikan na at sa sunod na buwan ay nakatakda na ang pag iisang dibdib ng mga ito.
"Nakakainggit naman sila." Kumikinang ang mata na sambit ni Birang habang nakatingin sa dalawang magkasintahan na sumasayaw sa gitna ng karamihan.
Ganito sa isla nila. Bago mag isang dibdib ang magkasintahan ay kailangan sumayaw ng mga ito ng tatlong magkakasunod na gabi.
"Anong nakakainggit? Hindi ba't nakakatakot?" Hindi niya maintindihan kung ano ang nakakainggit sa dalawa.
Gusto ni Birang na ipagpalit sa bangka?
"Bakit naman ako matatakot?" Taka na tanong nito.
Nilibot niya ng tingin ang paligid. Nagkakasiyahan ang lahat kaya maingay ang paligid. "Ipagpapalit ka lang sa bangka dahil mahal ka? Nakakatakot pala kapag nagmahal ka o mahal ka. Ilalayo ka sa pamilya mo kapalit lang ng bagay."
Maisip palang niya na ilalayo siya kay Lola Asun kapalit ng ilang bagay ay natatakot na siya.
Si Lola Asun nalang kasi ang pamilya niya-hindi pala dahil nariyan na ang Kuya Lucian niya.
Malakas na natawa si Birang kaya kunot ang noo na tiningnan niya ito. "Anong nakakatawa-" Hindi na niya naituloy ang sasabihin ng hilahin siya nito kung saan malayo sa mga taong nagkakasiyahan.
"Teka, Birang. Bumalik tayo ro'n, baka malasing si Lola kailangan ko siyang pigilan uminom ng uminom ng tuba." Nang akmang babalik siya ay pinigilan siya nito.
"Ang pagmamahal hindi tungkol sa pagpalit o tungkol sa materyal na bagay." Tinuro ni Birang ang dibdib niya kung saan nakatapat ang kanyang puso. "Tungkol iyan sa nararamdaman nito."
Pumilig ang ulo niya. "Anong kinalaman ng dibdib natin do'n?"
Ngumiti si Birang at tila nangangarap na tumingin sa langit, nilagay pa nito ang dalawang palad sa tapat ng dibdib.
"Kapag naramdaman mong bumilis ang tibok ng puso mo dahil sa isang tao ay 'yon ang pagmamahal." Tumingin na ito sa kanya. "Iyong kapag nakita mo siya ay wala kang nakikitang iba." Dagdag pa nito.
Napalunok siya at napa-atras.
"H-Hindi 'yan totoo..." Gusto n'yang takpan ang bibig ni Birang. Paano ay kung ano-ano ang sinasabi nito!
Sumeryoso ang mukha nito. "Hindi mo malalabanan ang pag-ibig, Letlet."
Namutla siya at napaatras. Tila gusto n'yang tumakbo palayo...
Hindi niya matanggap na nararamdaman niya 'yon sa isang tao.
[Lance]
Kunot ang noo na tiningnan niya ang upuan kung nasaan kanina si Letlet.