[4] Probinsya

301 13 0
                                    

Whispers of Horror (Volume 1)

                                    Ian Joseph Barcelon

©All Rights Reserved 2014-No parts of this story may be reproduced without written permission from the author-13 Pure fiction horror stories collection-Written by Ian Joseph Barcelon

Probinsya [4]

Humiga kaagad ako sa kama kahit na hindi pa ‘ko nakakapagbihis. Nakakapagod kasi ang napakahabang biyahe namin ni mama. Mabuti nga, nakarating na kami ngayon sa bahay ng tiyahin ko. Tuwing bakasyon, isa hanggang dalawang linggo kami nanatili dito sa probinsya ni mama. Dito sa Samar, kung saan naninirahan si Tita Elena.

Isang simpleng bahay lang ang bahay ni Tita Elena. Sa labas, sa may bakuran, marami siyang puno ng mangga at bayabas. May maliit pa nga siyang garden sa likod bahay kung saan naman nakatanim ang ilang iba’t ibang bulaklak niya. Masasabi kong mahilig sa mga halaman ang tiyahin ko. Biyuda siya at namatay ang anak niya kaya siguradong napakalungkot n’on sa kanya. Kaya nga taon-taon, buwang Abril o ‘di kaya Mayo ay dumadayo kami ni mama para bisitahin siya.

Dito sa maliit na baryo kung saan nakatira si tita, maraming mga kuwento. Hindi naman maiiwasan ‘yon lalo pa’t probinsya ito. Nariyan ang tungkol sa mga maiitim na elemento, aswang, maligno o ‘di kaya kapre. Iyon ang mga paborito kong kuwento sa tita ko tuwing sasapit ang gabi bago kami matulog.

Nang sumunod na araw, sinamahan kong mamalengke sila mama. Ayoko namang maiwan sa bahay—walang wifi, tv o kompyuter. Kaya naman naisipan ko na lang na sumama. Hapon na, malapit na ang pagkalat ng dilim, naglalakad kami pauwi. Isang bata ang tumakbo, sumisigaw, na sinundan ng ilan pang mga bata. Sa tingin ko, nasa anim o pitong taong gulang na sila.

Dahil sa kakilala ng tiyahin ko ang sumisigaw na bata, napatigil kami para itanong kung ano ang nangyayari. Sinabi ng bata na kinuha daw si Etzel, 'yung batang kalaro nila ng isang maitim na tao sa gubat. Hinihintay kong matakot o magulat si tita, pero sa halip, naglakad siya at sinamahan ang bata papunta sa magulang ni Etzel. Humawak ako kay mama; nanatiling nakasunod kami kay tita. Hindi nagtagal, napuno na ng taong nakikiusyoso ang paligid. Mabilis na kumalat ang balita sa mga kalapit na bahay.

Ganap ng kalat ang kadiliman sa paligid. Dapat, nakauwi na kami sa bahay, kumakain ng hapunan. Pero ngayon, may hawak na kahoy si tita, ang ilang mga matatanda ring naroon, mga magulang, pati na si mama. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit may dala silang kaldero, kutsara at ilang metal na gamit sa kusina. Sinindihan nila ng apoy ang kahoy at magkakasamang naglakad papunta ng madilim na gubat.

Hindi ko alam kung ano’ng nangyayari, pero natatakot ako. Sa sinabi pa lang ng bata sa ‘min na isang maitim na tao ang kumuha kay Etzel. Maririnig din ang iyak ng nanay ni Etzel habang ang ama nito, na pipilay-pilay maglakad ay pilit na pinapatahan ang asawa. Kahit na may dala kaming apoy, sobrang napakadilim pa rin ng gubat. Parang lugar ‘yon na kahit na tanghali, o mataas ang araw, ay hindi miminsang tinatamaan ng sikat ng araw. Malalaki ang mga puno at mamasa-masa ang sahig. Dumagdag pa sa takot ko ang malamig na ihip ng hangin sa kagubatan.

Lumipas ang matagal na paglalakad namin, nakarating kami sa lugar na sinasabi ng mga bata kung saan kinuha si Etzel. Isa sa mga kaybigan ni Etzel na nakilala naming si Kingking na kasabayan namin ni mama na maglakad, na nang kuhanin si Etzel ay sumigaw na lamang ito hanggang sa hindi na nila nakita. Gumapang ang kilabot sa akin. At gumapang din ang takot sa isipan ko na kung pa’no kung hindi na makita pa si Etzel?

Nagsimulang mag-ingay ang mga kaldero, kutsara at mga kawali. Sobrang ingay ng paligid na kanina ay tahimik lamang. May isang matandang lalaki, na nangunguna at sumisigaw ng “Ibalik mo ang bata! Ibalik mo ang anak ng mag-asawang ito!” Kung sino man ang tinutukoy niya sa kanyang sinasabi, o pinapatungkulan sa kanyang sinisigaw, wala akong ideya.

Muli, nagpatuloy ang paglalakad namin sa walang hanggang dilim ng kagubatan. Alam kong lumalalim na ang gabi dahil nakakadama na ako ng pagbigat ng talukap ng mga mata ko. Pero dahil sa nangyayari, nananatiling gising ako. Wala rin akong nararamdamang gutom bukod sa pagkatakot.

Matapos ang matagal na paglalakad at paghahanap, narinig naming sumigaw ang nanay ni Etzel. Tumakbo ito papunta sa isang bahagi ng gubat. Sa tapat ng napakalaking puno, nakita ang katawan ng batang si Etzel. Wala siyang malay sa tingin ko. At dahil maganda ang puwesto namin kung saan kitang-kita ko si Etzel, napansin kong balot siya ng malagkit na berdeng likido sa buong katawan. Nagtaka ako kung ano iyon.

Inuwi na namin si Etzel sa bahay nila. Nagkaroon muna ng padasal ang tahanan nila Etzel bago umuwi ang lahat. Alas-diyes na nang makarating kami sa bahay. Matapos naming kumain ng hapunan, dumiretso na kami sa kuwarto. Hindi ko napigilang itanong sa tiyahin ko kung ano ang nangyari kay Etzel. Sinabi niyang kinuha raw ng maligno si Etzel. Mabuti na lang daw at hindi pa sumisikat ang araw, dahil kung hindi daw namin nahanap si Etzel bago sumikat ang araw, malamang ay wala na ang bata. Tinanong ko kung bakit ngunit sinabi niya lang na ganoon din ang nangyari sa kanyang kaybigan na hindi na nahanap pa sa kagubatan, at iyon din ang paniniwala ng matatanda sa kanilang baryo. Ang mga maligno daw, taon-taon ay kumukuha ng buhay sa kanilang lugar. Suwerte na raw na natagpuan si Etzel. Tinanong ko rin si tita kung bakit may dala silang apoy at mga maiingay na bagay; sinabi niyang iyon ay para takutin daw ang malignong kumuha kay Etzel.

Bago matulog, nagkumot ako hanggang sa itaas ng ilong ko. Napatingin ako sa bukas na bintana. May napansin akong itim na imahe sa mga puno sa labas. Nang kumurap ako, nawala ‘yon. Balot na balot ako ng takot bago matulog nang gabing ‘yon.

WAKAS.

WHISPERS OF HORROR [Volume I]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon