Isang kotse noon ang bumabagtas sa isang madilim na kalsada. Tanging ang headlights lamang ang gabay nila. Pauwi na ng Manila galing Sta. Barbara sina Gio at Rose kasama ang kaibigan nilang si Jerome na kasalukuyang nagmamaneho ng sasakyan. Maririnig sa loob nito ang isang maliit na iringan ng magkasintahan. Si Jerome naman ay nanatiling tahimik at nakapokus lang sa pagmamaneho.
"Gio, kailagan mo nang malaman 'to. Dalawang buwan na akong buntis. Ikaw ang ama! Panagutan mo 'tong dinadala ko."
"Ano? Sigurado ka ba Rose na ako ang ama niyan? Baka naman sa iba mong lalaki 'yan at sa akin mo lang gustong ipasa ang responsibilidad?"
"Gago ka ba Gio? Ikaw lang ang naging boyfriend ko. Alam kong mali ang nagawa natin noon at pinagsisihan ko 'yon ngayon."
"Rose, alam mong hindi pwede. Nineteen pa lang ako. May mga bagay pa akong dapat unahin kesa sa mag-alaga ng bata. Hindi ka ba natatakot na baka hindi ka makagraduate kapag nalaman nila 'yang sitwasyon mo? Isipin mo na lang ang sasabihin ng mga tao. Ayokong tawagin akong batang ama."
Unti-unti ay mas lalo pa itong lumala. Hanggang sa...
"Hindi Gio. Kahit ano pang sabihin mo, pananagutan mo 'to. Hindi pwedeg lumaki ang anak natin nang walang ama!"
Hindi na alam ni Gio ang gagawin upang patigilin siya kung kaya't nasigawan niya si Rose.
"I-I'm sorry Rose. Hindi ko sinasadya. Pero as soon as makarating tayo ng Manila, ipapalaglag natin ang bata."
"Ano?! Seryoso ka ba? Hindi ko akalain na kayang maatim ng konsensya mo ang binabalak mo. Hindi ko kaya. Hindi pwede! Jerome itigil mo ang kotse. Pull over!" Ito ang utos niya sa kaibigan.
Naitigil ni Jerome ang sasakyan sa isang madilim at walang katao-taong kalsada. Isang malapad na bukirin na may nagtataasang talahib ang nakapaligid dito. Mapapansin sa gilid ng kalsada ang isang malaking patay na puno. Agad na lumabas si Rose at humarang sa harap ng kotse.
"Rose! Anong ginagawa mo? Halika na! Umuwi na tayo!" Sigaw ni Gio sa labas ng sasakyan.
"Ayoko! Hindi ako aalis rito hangga't hindi mo tatanggapin itong nasa sinapupunan ko. Kung ayaw mo, ba't di mo na lang kami sagasaan para wala ka nang poproblemahin diba?!"
"Ano Gio? Sagasaan na natin? Tutal ayaw mo namang maging batang ama diba?" Paglolokong sabi ni Jerome.
"Gago ka ba? Tumahimik ka nga diyan. Huwag kang magbibiro ng ganyan. Nasa tamang edad na tayo para makulong."
Gulong-gulo ang isip ni Gio. Hindi niya alam ang gagawin.
Galing siya sa isang marangyang pamilya. Nag-iisang anak lamang siya kung kaya't ganun na lamang siya lumaki. Laki sa layaw. Ngayong naiipit siya sa isang matinding sitwasyon, tiyak na masisisra ang kanyang imahe oras na malaman ng mga tao na nakabuntis siya sa maagang panahon.
Hindi pa lubos na nakapag-isip si Gio nang biglang paandarin ni Jerome ang sasakyan.
"Tangina! Anong gagawin mo?! Huwag mong itutuloy 'yan kung hindi malilintikan ka sa akin! Itigil mo!"
Dahan-dahang lumingon patalikod si Jerome kung nasaan si Gio. Nagulat ito nang makitang biglang nag-iba ang itsura ng kaibigan. Nangingitim ang ilalim ng mata nito at nanlilisik. Ang mga puti niya sa mata ay napalitan na ng itim. Napasandal si Gio dahil sa takot.
Ngayon, tinatapakan na ni Jeff ang gas. Nakikita ni Gio kung gaano ka-nakakatakot ang ngisi nito.
'Hindi na 'to si Jerome,' ang nasa isip ni Gio. Nag-ipon siya ng lakas ng loob at nang magsimulang umandar ang sasakyan, inililihis niya ang manibela mula sa kaibigan.
Nagpagewang-gewang ang kotse ngunit sa kasamaang palad, nabundol pa rin si Rose. Hindi natalo ni Gio ang nakakagulat na biglang paglakas ni Jerome.
Hindi nakuntento si Jerome sa pagbundol kay Rose. Inatrasan niya ito at saka sinagasaan ulit. Dumanak ang dugo sa kalsada galing sa nakahandusay na katawan ng kawawang babae. Tumigil ang kotse nang biglang nahimatay si Jerome at saka ito'y nagising muli.
"Anong nangyari?" tanong niya na parang walang alam sa ginawang karumal-dumal krimen.
"Anong nangyari? Hayop ka! Sinagasaan mo ang girlfriend ko!"
Nagtataka si Jerome sa nangyari. Ano ang pinagsasabi niya? Lumabas siya ng sasakyan upang malaman ang totoo. Nakita niya ang katawan ng isang walang buhay na babae. May dugong lumalabas mula sa hita nito. Napaatras siya sa nakita.
Saka lumabas din ng kotse si Gio.
"Nakita mo nang ginawa mo? Nakapatay ka nang tao! Hindi lang isa kung hindi pati na rin ang nasa loob ng tiyan niya!" Galit na galit na sigaw ni Gio habang nagpipigil ang mga kamao.
"Hindi ito maaari Gio... Wala akong ginawang masama. Wala akong maalala sa mga nangyari!" Nanginginig siya habang sinasapo ang ulo.
"Ano bang nangyari sa'yo ha?! Ano bang pumasok sa bulok mong kokote at naisip mong sagasaan siya?!"
"Hindi ko nga alam! Wala akong maalala! Bigla na lang ako nanghilo at saka dumilim ang paningin ko! Yun lang ang alam ko!"
"Ako ba pinaglololoko mo? Ano nang gagawin natin ngayon? Patay na siya... Patay na siya..." Pahina na nang pahina ang boses niya. Nangingilid na rin ang mga luha nito.
"Itapon natin siya! Dali! Doon sa mga talahib," turo niya. "Bago pa may makakita sa ating mga tao."
Dali-dali nilang binuhat ang ngayo'y wala nang buhay na katawan ng babae.Itatapon na sana nila ang bangkay nang makarinig sila ng sirena ng kotse. Mga pulis. May nakakita pala sa malagim na krimen. Nakita ng mga pulis ang bangkay ni Rose na buhat-buhat nila. Agad nilang pinosasan ang dalawang magkaibigan. Ngunit nang ipapasok na sa police mobile si Gio, agad niyang inagaw ang baril ng isa sa mga pulis at saka kinalabit ang gatilyo nito habang nakatutok sa sariling niyang ulo.
Sa tingin mo, sinadya kaya ni Gio na gawin ito o may mga hindi talagang maipaliwanag na bagay ang bumabalot sa kalsada ng Sta. Barbara?
Up Next: Road Trip - Part 2: Psycho
BINABASA MO ANG
Road Trip
HorreurIsang grupo na binubuo ng anim na iba't - ibang mga kabataan ang magpapalipas ng weekend sa baryo ng Sta. Barbara. Ngunit ang hindi nila alam, ang kalsadang madadaanan nila ang uubos sa kanila, isa - isa. May makakaligtas kaya? Anim na buhay, isang...