Ika-28 ng Pebrero, 2015// 4:42 ng hapon
Pinasadahan uli ni Alex ng tingin ang payat na katawang nakahiga sa kama at saka tinignan ang oras sa suot niyang wristwatch. Tatlong oras na siyang nagbabantay sa kwartong inilaan kay Laurie sa hospital na iyon.
Ang tanging pagkakataon na naalala niyang nakasalamuha niya ang babae ay nang magkita sila sa High streets kasama si Mariella. Sinong mag-aakalang dahil sa kaso ay makikilala. Higit pa marahil ang alam niya kaysa sa naaalala nito sa sarili.
Mula sa medical record na ipinasa ng mismong hospital na kinaroroonan nila ngayon, may selective amnesia si Laurie sanhi ng aksidenteng kinasangkutan nito. Ito ang naging dahilan kung paanong nagawang magpanggap ni Don Luis bilang Nikko Luis. Isa sa mga nakalimutan ni Laurie ay ang mismong aksidenteng bumago sa buhay niya.
Ang higit na interesenteng bahagi ng nakaraan ay ang pagkakaroon nito ng agoraphobia. Tipikal sa mga taong may agoraphobia ang ayaw makihalubilo, madaling ma-depress at kadalasang natatakot sa ibang tao. Bakit ito aalis ng mental hospital sa ganoong kalagayan samantalang mas pabor dito ang magkulong, magmukmok at mapag-isa?
Nitong mga nakaraang linggo ay nakita uli ang sintomas ng agoraphobia kay Laurie. Marahil ay hindi kinaya ng utak niya ang pagkakakulong ng inaakala nitong si Nikko Luis. Sa sobrang depresyon, nagkulong ito sa lumang silid sa mismong apartment niya; hindi kumain, hindi lumabas.
“Alex!”
Nalingunan ni Alex sina Billaron at Trillanes sa pinto. Sinenyasan niya ang mga ito para manahimik. Tumayo siya at lumabas ng silid kasama ng mga ito.
“Mayaman pala yang si Hagos? Pwede tayong magpabalik-balik gamit ang helicopter ng ninong niya. Kahit lumipat na ang buong Makati police force dito--” natigil ito nang makita ang pagkusot ng mukha ni Alex.
“Nahanap niyo ba?”
Inatasan niya ng misyon ang mga ito kaninang madaling-araw. Pinabalikan niya ang apartment ni Laurie lalo na ang silid kung saan ito natagpuan.
Nangingiting nag-high-five ang dalawa. “Kami pa?” halos sabay na pagyayabang nila.
Inabot niya ang maliit na kahon mula kay Billaron. “Paano mo nalamang nandun yan?”
Ngumiti si Alex. Inabala niya ang sarili sa pagbukas ng kahon. Tumambad sa kanya ang pendant na hugis-bungo at bulaklak. Kontento niyang isinara uli iyon nang makitang tama ang dala ng dalawa. “Hindi ako sigurado. Nagkataon lang.”
“Muntikan kaming mahuli. Baka nga napansin na ng mga taga-forensic na wala na yan 'dun.”
“Hayaan niyo na. Ang importante hawak na natin 'to.”
“May kinalaman ba yan sa pagpatay kay Santos?” Hindi maikakailang napansin ni Alex ang lungkot sa boses ng kasamahang pulis. Kahit kasi bago si Santos, marunong itong makisama. Isa pa, bawat isa sa kanila sa departamento nila, kapamilya.
“Sana.” saglit na natahimik ang tatlo nang marinig ang mahihinang ungol sa loob ng silid.
“May ipapakiusap pa ako.”
Tumango agad ang dalawang kasama niya.
Ika-28 ng Pebrero, 2015// 7:05 ng gabi
“Saan niyo ako dadalhin?” pinipigilang pumalag ni Don Luis pero nagtataka siya sa ginagawa ng mga pulis sa paligid niya. Lalo niyang ipinagtaka nang susian ni Arriane ang posas sa mga kamay niya at hayaan siyang maglakad. Pinakiramdaman niya ang dalawa pang pulis na kasama nila.
BINABASA MO ANG
Puting Anino
غموض / إثارةKill... Write... Send Sino si Puting Anino? [First Alex Gonzalez novel]