Whispers of Horror (Volume 1)
Ian Joseph Barcelon
©All Rights Reserved 2014-No parts of this story may be reproduced without written permission from the author-13 Pure fiction horror stories collection-Written by Ian Joseph Barcelon
Buto [5]
Bata pa lamang ako, alam ko na na may kakaiba sa ‘kin. Oo, kakaiba ako sa ibang bata. Nung una, ayoko ng sinasabing ‘regalo’ sa ‘kin. Hindi ko matanggap. Pero kalaunan, nakasanayan ko na rin. May third eye ako, ‘yon ang sabi ni mama. Hindi niya rin alam kung bakit meron ako nito. Wala naman daw sa lahi namin ‘yon.
Sinubukan kong mag-research sa Internet kung pa’no iyon nabubuksan. Ngunit, samu’t-saring paliwanag ang nababasa ko. Minsan nga, ayoko nang paniwalaan, kaya’t hinayaan ko na lang ito. Baka sadyang may mga tao lang na pinagkalooban ng ganitong katangian.
Iba’t iba ang nakikita ng sinasabing ‘ikatlong mata’ ko. Minsan nung bata pa lang ako, bago matulog, palagi akong nakakakita sa bintana namin ng maitim na tao. May hawak siyang sigarilyo at mabuhok. Sinabi ko iyon kay mama. Nang tingnan niya, wala naman daw. Alam kong natakot siya dahil isinara niyang mabuti ang bintana at nilagyan ‘yon ng crucifix. Minsan naman, tuwing magsisimba kami, dahil antukin ako, palagi akong pinapagalitan ni mama. Pero nang makilala ko si Jessa, isa sa mga batang multo na nakatira sa simbahan, palagi ko na siyang palihim na kausap. Kaya ‘yon, hindi na ‘ko nakakatulog kapag nagsisimba kami.
Ngunit, nagamit ko rin ang kakayahan kong makita ang hindi nakikita ng normal na mga mata upang makausap at mabigyan ng daan upang maging mapayapa ang ilang nilalang sa mundo na hindi matahimik. Isa na nga rito ang nangyari noong 2005 . . .
“Enteng,” narinig kong tawag sa ‘kin ni mama. Kasalukuyang nasa kuwarto ako n’on, gumagawa ng projects bilang nasa kolehiyo pa lamang ako noon.
Pinapasok ko si mama hanggang sa kinuwento niya sa ‘kin ang tungkol sa pinauupahang bahay ng tiyahin ko sa Cavite. Sinabi ni Tita Carol kay mama, hindi raw nagtatagal ang mga nangungupahan dahil sa may iba’t ibang kababalaghan daw na nangyayari sa bahay na iyon. Ikalimang beses na raw itong nangyayari. Dahil sa alam ng tiyahin ko ang kakayahan ko, humingi siya ng tulong sa ‘min ni mama.
Sumunod na linggo, nagpunta kami sa bahay na tinutukoy ng tiyahin ko. Nabili niya kasi ito sa isang Intsik. Namangha ako nang makita ang bahay. Hindi pa ganoon ang hitsura n’on nang huli ko 'yong makita. Dati, wala pa iyong dalawang palapag. Samantalang nasa ikatlo na nang magpunta kami. Ngunit, hindi lamang iyon ang napansin ko. May nakita akong bata sa ikatlong palapag. Nang sabihin ko ang nakikita ko kina mama, sinabi nilang wala naman daw. Sinegundahan pa ‘yon ng tiyahin ko na noong nakaraang linggo pa umalis ang mga nangungupahan.
Kahit na sanay na akong makakita ng bagay-bagay na hindi nakikita ng iba, hindi ko alam kung bakit pero gumapang sa ‘kin ang kakaibang kilabot. Pumasok na kami sa loob. Yari sa mga lumang bricks—iyong klase ng makikita mo sa mga lumang simbahan—ang dingding ng bahay. Hindi na ‘ko nagtaka dahil mahilig naman si tita sa mga lumang style.
BINABASA MO ANG
WHISPERS OF HORROR [Volume I]
Short StoryWhispers of Horror Volume I. Collection of 13 short horror stories. [Status: Ongoing]