Napaunat ako at napadilat nang maramdaman ko ang magaslaw na kilos ng aking ina. Tila mayroon siyang kadiskusyon. Ewan. Hindi ko alam. Basta nararamdaman kong masama ang loob niya tuwing ganoon ang kanyang pagkilos. Sa ganoong mga tagpo ay tumatalikod na lang ako. Hindi ko sila nakikita. Madilim dito sa kinaroroonan ko.
Mayroon din namang pagkakataon na ramdam kong masaya si Nanay. Naririnig ko siya. Binubulungan niya ako ng matatamis na salita. Lagi niyang sinasabing 'Mahal na mahal kita, anak.' Napakasarap sa pakiramdam. Kinakantahan niya ako ng mga awiting kaysarap sa pandinig. At sa kanyang malamyos na tinig, ako'y nahihimbing.
Dumating ang aking ama. Sabik ako sa boses ni Tatay. Pero sa tuwing maririnig ko siya'y madalas pabalang ang kanyang tono. Hindi ko alam kung bakit na naman sila nagtatalo. Hindi ko mawawaan. Hindi ko pa naiintindihan. Hindi ko pa sila nakikita.
At sa ganoong mga tagpo'y maiiwan na naman ang aking ina sa sulok, nakaupo, nakayukyok..lumuluha.
Makakalimutan na naman ni Nanay ang pagtakbo ng oras. At siya'y malilipasan na naman ng gutom. Sa ganoong mga pagkakataon ako biglang papalahaw ng iyak. Maninipa. Manununtok.
Saka pa lamang matatauhan si Nanay. Yuyuko. At hahaplusin ang kanyang maumbok at kabuwanan na niyang tiyan.
"Patawad, anak." sabi niya bago impit na napasigaw. Narinig ko ang paghangos ng aking ama. Nagkagulo sila habang ako'y patuloy na nagwawala.
Alam kong hindi sinasadya ni Nanay na ako'y gutumin. Mahal niya ako. Mahal na mahal.
Ramdam ko anuman ang kanyang emosyon. Masaya ako kapag siya'y masaya. Umiiyak ako kapag siya'y may iniinda. Nagwawala ako kapag siya'y nagugutom.
At ngayong unti-unti kong nasisilayan ang mundo, ako'y napauha!
Ramdam kong mababawasan na ang araw na magtatalo ang aking mga magulang ngayong nakalapat na ang aking dibdib sa dibdib ni Nanay, habang sakop kami ng mainit na yakap ni Tatay...