Love at the Club

4 1 3
                                    


TAHIMIK lang na nakaupo si Aya sa isang tabi habang palihim na binabantay ang kaibigang si Jana na nagsasayaw sa gitna ng dance floor. Siniguro niyang hindi ito lumalayo sa paningin niya.

"Mag-isa ka lang ba?" tanong ng boses-lalaki sa kanya.

"May kasama ako," direktang sagot niya nang hindi lumilingon dito.

Hindi na ito nagsalita. Naramdaman niyang may naupo sa likuran niya. Bigla na lamang ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib nang hindi niya maintindihan. Lilingunin na sana niya ito nang biglang mawala sa paningin niya si Jana.

"Shit!" mura niya sa sarili.

Tumayo siya para hanapin ito. Natagpuan niya ito sa gitna ng dance floor at napapalibutan ng mga lalaki. Nairita siya sa mga lalaking dumidikit sa kaibigan at pasimpleng tsinatsansingan ito

"Oh, Aya! Sayaw tayo!" pasigaw na yaya nito sa kanya nang hawakan niya ito. Napangiwi siya nang maamoy ang alak mula sa hininga nito.

"Upo muna tayo doon," yaya niya na kinailangan pang lakasan ang boses dahil sa sobrang lakas ng tugtog.

"Ayoko. Nag-e-enjoy pa ako rito, eh," parang batang reklamo nito.

"Miss, sandali lang. Nagsasayaw pa kami ng kaibigan mo," pigil ng isang lalaking kasayaw ni Jana.

"Wala akong pakialam," sagot niya at marahas na hinila si Jana.

Humarang ang kasama nito sa kanila. "Alam mo, Miss, kung gusto mong maupo, ikaw na lang. Nag-e-enjoy pa ang kaibigan mong makipagsayaw sa amin, eh," wika nito sa kanya bago bumaling kay Jana. "Di ba, babe?" mapang-akit na tanong nito.

Kinilabutan siya sa pagkamanyakis ng dating nito. Tiningnan niya ang kaibigan. Nainis siya nang makitang tila kinikilig pa ang bruha.

"Alam n'yo, kung mambibiktima kayo, huwag ang kaibigan ko, okay?" sagot niya sa lalaki. Mahigpit niyang hinawakan si Jana, "Halika na! Umuwi na tayo."

Sinubukan niyang dumaan sa kanan para lagpasan ang lalaki subalit muli na naman itong humarang sa kanila. "Umuwi ka kung gusto mo. Ako na ang maghahatid sa kaibigan mo, alright?" anito sabay kuha ng kamay ni Janasa kanya.

"Kapag hindi ka umalis sa harapan ko, makakatikim ka talaga sa akin," matigas na banta niya rito. Hindi niya alam kung narinig ba nito ang sinabi niya pero tinitigan niya ito nang masama.

Ngumisi lang ito at akmang hahawakan siya ngunit mabilis siyang nakailag at sinipa ito sa harapan. Natigilan ang mga nagsisipagsayawan malapit sa kanila at napaatras.

Nasapul ng lalaki ang nasaktang ari nito kaya nabitawan nito si Jana. "You bitch!" galit na singhal nito. Agad kumilos ang mga kasamahan nito at lumapit sa kanila.

Kinabahan siya sa nakaambang panganib para sa kanya--sa kanila ni Jana. Itinago niya ang kaibigan sa kanyang likuran.

"Hoy!"

Lahat ay napatingin sa nagmamay-ari ng boses na iyon na kumausap sa kanya kanina lang.

"O-M-G!" usal niya sa kanyang sarili kasabay ang paglunok ng sarili niyang laway. Para siyang namamalik-mata nang makita ang hitsura ng lalaki. Para bang lumabas mula sa kanyang laptop ang isa sa mga bida ng Japanese gangster dramas na pinapanood niya gabi-gabi. Bagama't hindi niya ito masyadong mamukhaan dahil sa iba't ibang kulay ng ilaw, alam niya sa sarili niyang type niya ito.

"Kazu!" sambit ng lalaking sinipa niya sa harapan. Ang galit na hitsura nito kanina ay napalitan ng tila panginginig sa takot.

Kazu...Japanese name pa talaga! kinikilig na sigaw ng utak niya.

Love at the ClubTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon