Keanu was still processing what he just heard. Nakatitig siya kay Tadhana na parang hindi man lang apektado sa mga sinabi nito, samantalang siya, maraming tanong. Pero may isang tanong na nangingibabaw sa kaniya.
"Nahirapan ka ba?"
Nilingon ni Tadhana si Keanu nang magsalita ito. "Ha?" tanong niya dahil hindi siya sure sa narinig.
"Tinatanong ko kung nahirapan ka bang magbuntis o manganak," pag-uulit ni Keanu.
Kumunot ang noo ni Tadhana sa tanong ng lalaking nasa harapan. Chill itong nakaupo at parang wala lang ang tungkol sa nalaman. "Bakit iyan ang tanong mo?"
"Ha?" Keanu was confused. "Ano ba ang inaasahan mong tanong ko?"
"Kung anak mo ba talaga ang ipinakita ko sa 'yo," casual na sagot ni Tadhana at sumandal pa sa sofa na inuupuan sa Starbucks bago uminom sa hawak na cup. "Hindi ka man lang ba magdududa?"
Keanu's shoulder raised. "Hindi ko alam. For some reason, a part of me knows you're not lying. May parte sa akin na alam kong hindi ka sinungaling, na hindi mo ako lolokohin sa ganitong bagay, na . . . na hindi ka magloloko sa ganito."
Hindi na sumagot si Tadhana at umiwas ng tingin kay Keanu. Hindi naman kasi ito ang plano niyang tagpo. Kung tutuusin, wala ngang nakakakilala sa ama ni Sarki kundi siya lang mismong nagluwal.
"Uulitin ko," pagkuha ni Keanu sa atensiyon ni Tadhana. "Nahirapan ka ba?"
Kinagat ni Tadhana ang ibabang labi nang maalala ang pagbubuntis at pagle-labor. "Hindi naman ako nahirapan sa pagbubuntis sa kaniya. Mabait na petut naman si Sarki. Masyado lang akong lamunera kaya tumaba ako. Pero noong nanganak ako, pinahirapan ako. Mahigit sampung oras akong nag-labor." Mahinang natawa si Tadhana.
Hindi sumagot si Keanu at seryosong nakatitig lang sa kaniya. Hindi niya talaga ito nakilala dahil nagbago ang itsura.
Bukod nga sa itim na itim na ang buhok nito at naka-clean cut pa, wala na rin ang mga piercing sa tainga. Mukha rin itong professional na parang nagtatrabaho sa bangko dahil napakalinis tingnan.
Nagbago rin ang built ng katawan nito, hindi katulad two years ago na mukha pa itong totoy. Ang Keanu na nasa harapan ni Tadhana ay nag-mature in a good way.
Pero siyempre, hindi niya sasabihin iyon dahil baka mag-feeling ang hinayupak.
"Puwede ko bang makita?" tanong ni Keanu na ikinagulat ni Tadhana. "Kung okay lang naman sa 'yo."
"Bakit? Kukunin mo ba anak ko? Kung kukunin mo, hindi ako papayag. Tangina, lalaban ako sa korte," pagbabanta ni Tadhana.
Mahinang natawa si Keanu. "Bakit ko kukunin sa 'yo, e ikaw ang mommy niya? Gusto ko lang makita ang produkto ng kalaswaan natin two years ago."
Umiiling na natawa si Tadhana sa sinabi ni Keanu at tumingin sa relo. Mayroon pa siyang dalawang oras na vacant bago ang next class. Nag-isip na rin muna si Tadhana kung handa ba siyang ipakita si Sarki sa ama.
"Huwag na, sayang oras mo. 'Di ba, mayroon kang business trip dito? Nakita mo naman na siya sa picture, e." Inayos ni Tadhana ang bag at plastic na pinamili. "Aalis na rin ako, may klase kasi ako ng five. At saka huwag kang mag-alala, hindi naman ako maghahabol sa 'yo. Hindi mo kai—"
"Gusto kong makita, Tadhana."
Kagat ni Tadhana ang ibabang labi at walang sabing tumayo. "Sure ka? Bilisan na natin kasi may exam ako ng five, hindi ako puwedeng ma-late. Ikaw, wala ka bang ibang commitments?"
"Wala." Umiling si Keanu.
Naunang naglakad si Tadhana at naramdaman niyang nasa likuran si Keanu hanggang sa magsabay sila sa paglalakad. Nakasimpleng itim na pants si Keanu, naka-GAP hoodie na gray, naka-rubber shoes na puti na may green–oo, Stan Smith.