Soleng
Ang lahat sa atin ay may mga kwentong hindi malilimutan. Maaring ito ay dahil sa sobrang saya ng mga alaalang nakakabit dito o ‘di naman kaya ay sobrang lungkot, nakatatakot o nakahihiya. Ako rin ay may sariling ‘di malilimutang kwento. Isang kwentong gustung-gusto ko na sanang ibaon sa nakaraan ngunit, tulad ng isang bangungot ay lagi ako nitong sinusundan… Ayaw akong patahimikin. imulan natin ang paglalahad sa ganito…
May mga sampung taon na rin buhat nang una akong makadalaw sa probinsya ng aking lolo sa Tinigban, Aroroy. Tandang-tanda ko pa. Kinailangan pa naming sumakay ng bapor para makarating doon. Maaari rin namang bangka ngunit malaki ang magiging kamahalan sa pamasahe. Pagkarating sa daungan ay sumakay naman kami ng bus tapos ay dalawang oras na namangka upang marating ang liblib na nayon na iyon na kung tawagin ay Tingban.
Ibang-iba ang lugar kumpara sa Maynila. May mga bahay pa rin na walang kuryente. Maaga ang oras ng pagtulog kaya naman maaga rin kung magsigising ang mga tao. Madalang ang mga bumibyaheng sasakyan, karaniwan ay mga kalabaw lamang na may hila-hilang kariton. Kakaunti lamang ang mga lokal kaya naman halos magkakakilala ang lahat at paniguradong mapupuna kaagad ang mga dayo. Gaya ko.
“Oning, apo mo ba ang batang ‘yan?” tanong ng isang may edad na babae sa aking lolo. Tumango ito.
“Ingatan mo kasi ay takaw-pansin. Halatang dayo,” sabi pa ng babae. Hindi ko maunawaan ang ibig niyang ipahiwatig sa babala niyang iyon. Palipat-lipat lamang ang tingin ko sa kanilang dalawa ng aking lolo.
Lumipas ang mga unang araw ng aking bakasyon sa probinsya. Masaya naman. Sariwa ang hangin at lahat ng pagkain. Kinakitaan nga ako ng bahagyang pagtambok ng pisngi tanda na hiyang ako sa lugar. May mga nakilala rin akong mga batang kasing edad ko. Madalas nila akong yayaing manghuli ng bulig sa ilog o ‘di kaya naman ay mamitas ng sampalok sa bukid. Lalo tuloy akong nalibang.
Ang sabi ng lolo ko ay maari kaming mamasyal ng aking mga kalaro sa kahit saan sa Tinigban sapagkat ligtas naman ang lugar. Maliban lamang sa isang bahay. Huwag na huwag daw kaming gagawi roon. Hindi raw kasi pangkaraniwan ang babaeng nakatira roon.
“Aswang po?” tanong ko.
“Ang sabi,” sagot ni lolo sa akin.
Miminsan ko pa lang nakita sa munting nayon na iyon si Soleng. Ang babaeng “aswang.” Mga nasa kulang tatlumpo na raw ang edad nito. Madusing ang hitsura. Bigla na lang tatawa nang pagkalakas-lakas, maya-maya’y aatungal naman at kapag nagsawa ay magagalit. Babatuhin ang sinumang lumapit. Wala na raw itong pamilya. Walang nakakikilala. Panay haka-haka lang ang alam ng mga lokal tungkol sa kanya. Babaeng bayaran daw noon kaya makasalanan. Pinarusahan daw ng Diyos kaya lahat ng naging anak sa mga lalaking gumamit dito ay namatay.
Ngunit may isa pang bersyon ng usap-usapan ang mas nakapangingilabot. Bago umano naging Ebang mababa ang lipad si Soleng ay isa raw muna itong matinong dalaga. Nakapag-aral kahit papaano. Pero may isa raw pangyayaring nakapagpabago sa ikot ng buhay nito. Ano ‘kamo? Napagsamantalahan umano ito ng isang aswang. Ang mas masaklap pa, nagbunga raw ang pananamantalang iyon ngunit kung mayroon man talaga at kung nasaan ang bata ay walang nakaaalam.
Hanggang doon lamang ang nalaman ko tungkol kay Soleng. Ayaw na ring magkwento pa ng mga taga-Tinigban tungkol sa kanya. Ngunit hindi ako ang tipo ng batang madaling punan ang kuryosidad. Alam kong gusto ko pang mas lalong makilala ang babaeng “aswang.” Kaya naman nang sumunod na araw ay inaya ko ang aking bagong kaibigan na si Manolo na pumuslit sa iniilagang bahay na iyon ni Soleng.
“Ayoko nga. Paano kung kainin tayo nu’ng aswang?” tanggi ni Manolo.
“Tuli na tayo at lahat naniniwala ka pa rin sa aswang?” buska ko dito.
“Ang bilin kasi sa akin ng nanay ko huwag daw akong pupunta roon.”
“Bakit daw?”
“Nangangain daw ng mga bata ‘yung babaeng nakatira roon. Binibiyak ang sikmura saka kinakain ang mga lamang-loob.”
Natawa ako. “Siya, kung ayaw mo, ako na lang. Patutunayan ko sa’yo na walang aswang.”
Noong hapon ding iyon ay palihim kong tinungo ang sinasabing bahay ng “aswang.” Habang naglalakad ay kinapa ko sa aking bulsa ang isang puso ng bawang na kinuha ko sa aming kusina. Bagaman at ‘di ako naniniwala sa aswang o kung ano mang maligno ay iba pa rin syempre ang sigurado.
Nag-aagaw na ang liwanag at dilim nang marating ko ang bahay. Gawa lamang ito sa pinagtagni-tagning sako at karton. Makalat ang paligid. May mga plastik na nakasabit kung saan-saan habang ang iba naman ay nakakalat sa lupa kasama ang mga tuyong dahon. Pakubli-kubli akong lumapit sa bahay hanggang sa masilip ko si Soleng na nakasalampak sa sahig na sinapinan lamang ng sako. Nakatitig ito sa kawalan. Walang ekspresyon ang kanyang mukha ngunit, mahigpit na nakakuyom ang kanyang mga palad. Ano kayang iniisip niya? Kung talagang aswang siya ay bakit wala siyang mga pangil? Walang matutulis na kuko? Walang pakpak?
Bigla ang ginawang pagsulyap ni Soleng sa akin at kitang-kita ko kung paanong biglang nanlisik ang kanyang mga mata. Paano niya nalaman ang kinalalagyan ko? Tumayo ang balahibo ko at lalo akong nangilabot nang magsimula siyang humakbang papalapit sa akin. Huwag… Huwag… Hindi ako makasigaw dahil tila nakulong sa lalamunan ko ang aking boses. Ilang ulit akong lumunok. Napatingin ako sa kanyang mga kuko at sa aking isip ay tila ba unti-unting humahaba ang mga ito. Kumikislap sa talim. At sa kanyang bibig naman ay tila ba lumilitaw na ang kanyang mga pangil. Sa isip ko ay biglang umalingawngaw ang sinabi ni Manolo. “Nangangain daw ng mga bata ‘yung babaeng nakatira roon. Binibiyak ang sikmura saka kinakain ang mga lamang-loob.”
Halos mabingi na ako sa lakas ng kabog ng aking dibdib. Ilang dipa na lamang ang layo ni Soleng sa akin nang magawa kong iatras ang aking mga paa sa kabila nang panginginig ng aking mga tuhod. Ngunit, tila naman lalong bumilis ang mga paghakbang ni Soleng. Binilisan ko rin ang aking pag-atras ngunit sa isang maling tapak ng aking paa ay nadulas ako at napahiga. Tumama kung saan ang aking siko at ito ay nagdugo. Napaiyak ako sa hapdi ngunit, higit lalo na sa takot. Abot-kamay na ako ni Soleng nang magawa kong sumigaw. Ubod nang lakas.
Biglang nagsuluputan ang mga lokal sa kung saan-saang panig. Noong una ay iisa pa lamang ang sumaklolo sa akin, hanggang sa naging dalawa, naging tatlo, dumami nang dumami hanggang sa ‘di ko na mabilang. Nagpaulan sila ng mga bato kay Soleng at ang babaeng “aswang” ay walang nagawa kundi proteksyunan ang kanyang sarili gamit ang kanyang mga bisig. Humihiyaw siya sa sakit sa tuwing tatamaan siya ng malalaking bato. Napaluhod siya sa lupa at sa muli niyang pagtayo ay dumampot na rin siya ng bato. Gumaganti na rin si Soleng sa mga lokal. Ang mga sumaklolo sa akin ay unti-unting nabawasan hanggang sa tuluyan nang maglaho ang mga ito.
Kami na lamang ni Soleng ang naiwan sa lugar na iyon. Nakatingin kaming pareho sa mukha ng isa’t isa. Larawan ako ng matinding takot. Ang sa babaeng “aswang” naman ay ng matinding lungkot. Hindi na nanlilisik ang kanyang mata. Wala na rin ang mahahaba at matatalim niyang kuko maging ang kanyang mga pangil. Isa na lamang siya ngayong pangkaraniwang babaeng tinakasan ng bait. Tinitigan niya ako at kitang-kita ko kung paanong ang mga mata niya ay nanubig. Nang mula sa kung saan ay dinampot ako ng aking lolo. Nagagalit siya sa akin, matigas daw ang ulo ko. Sinabi na raw na huwag kong pupuntahan ang bahay ng babaeng “aswang.” Bitbit na niya ako palayo kaya naman hindi ko na nakita ang pagtalikod ni Soleng at ang paghakbang niya sa isang masukal na direksyon. Iyon na pala ang huling beses na makikita siya sa Tinigban.
Ngayong binabalikan ko ang kwentong ito ay hindi ko maiwasan na matakot at mapahiya sa aking sarili. Si Soleng… ano ba ang naging kasalanan niya sa akin at sa mga lokal upang danasin niya ang ganoong kalupitan? Isa lamang siyang babaeng naging biktima ng pagkakataon at ng kanyang sakit sa pag-iisip. Pang-unawa ang kanyang kailangan, hindi panlilibak at kung anu-anong mga haka-haka. Kung tutuusin, mas nakapangingilabot pa ako kaysa kay Soleng sampu ng lahat ng mga nanakit sa kanya. Kung tutuusin, mas masahol pa kami sa mga aswang.