Kabanata 1. Ang Paglilitis

395 20 36
  • Dedicated kay Sa lahat ng pinaghanguan ko ng mga bathala!
                                    

"Kaos!"

"Pumarito ka sa Kabathalan ngayon din!" Dumadagundong na hiyaw ng kanyang amang si Alpha, ang hari ng sanlibutan at tagapangala ng Paraiso.

Sa buong kasaysayan ng Pag-iral ay ngayon lamang nagalit ng ganito ang dakilang ama. Mukhang hindi biro ang pagtawag nito. Mukhang nagbabatid ng matinding problema.

Samantala...

Sa Sansinukuban, sa Daigdig

"HAHAHA! Sige pa! Takbo! Takbo! Babaeng lumpo!" Aliw na aliw na pag-udyok ng malokong bathala habang nanonood sa ibabaw ng bundok, nakadapa sa damuhan at nakapangalumbaba.

Binubuyo nya kasi ang isang Tyrannosaurus Rex na habulin ang isang iika ikang tao. Ngunit sa bawat pagkakataong lalamunin na ng hayop ang dalaga'y ililgtas nya ito't ipapahabol muli.

Ganito ang tipikal na pinagkakaabalahan ni Kaos. Ang maglagi sa Daigdig at makipaglaro sa mga nilalang dito. Sya kasi ang Bathala ng Kaguluhan, at kaya nyang gumawa ng mga kahindik hindik na bagay kung kanyang gugustuhin.

"KAOS!"

Napatayo ang makulit na bathala sa hiyaw ng kanyang dakilang ama. Kinakabahan kung ano kaya ang pakay nito.

Kaya't tuluyan na nyang pinalayas ang hayop at pinabayaan na ang babaeng lumpo. Dali-dali syang lumipad patungo ng kanilang Katayuan.

Sa Kastilyo Bathalan

Ang Kastilyo Bathalan ang tahanan ng walong anak ni Alpha. At sa pagkakataong ito'y aligagang naghihintay ang pamilya sa pagdating ng pinakasuwail...

At paglitaw na paglitaw ni Kaos ay-

"KAOS! Anong katampalasan ang ginawa mo sa Maestrada?!" Pambungad ng kakambal nyang si Ordir, ang bathala ng kaayusan. Nababalot ng puti at ginintuang baluti, at bitbit sa kanan nyang kamay ang ginintuan nyang timbangan.

"Anong ibig mong sabihin? Ilang taon na akong hindi bumibisita doon!" Matapang na sagot nya pabalik. Kahit mapanukso't mapanlinlang sya'y nagsasabi sya ng totoo sa pagkakataong ito.

"Umamin ka na! Bago ka pa maparusahan ng lubusan!" Pagmamakaawa ng pinakabatang bathala, si Celesce; ang bathala ng kalikasan. Ang kanyang bestida'y hinabi mula sa iba't ibang uri ng dahon, bulaklak at halaman.

Hindi pa din lubos na maintindihan ni Kaos ang mga nangyayari. Kaya't agad nyang isinuot ang kanyang maskara upang mapigilan ang paggawa ng hindi maganda, napipigilan kasi nito ang kanyang pagsabog at pagwawala.

"Napag-alaman naming nawasak ang Maestrada. Isang makapangyarihang itim na mahika ang umubos sa lahi ng mga Maesrah." Pagpapaliwanag ni Aliseiram, ang bathala ng Kaalaman. Ang bughaw na baluti ay nilalapatan ng iba't ibang uri ng hiyas, hawak nya sa parehong kamay ang bolang kristal na nagpapakita ng mga nangyari sa Maestrada.

"Ikaw lang ang may kakayahang gumawa nito Kaos. Kaya umamin ka na bago pa dumating ang dakilang ama!" Gatong pa ng bathala ng Kapanahunan na si Ances. Nababalot ng ulap ang kanyang katawan. Mayroon ding mga yelo at bahagharing nagsisilbing pananggalang.

"Bakit mo nagawa ito? Anong kasalanan sa iyo ng mga Tagasubaybay?" Pahabol pa ni Valentina, ang bathala ng Pag-ibig. Nagsisilbing saplot ang hinabing talulot ng mga rosas.

Hindi pa din umiimik si Kaos, nagpipigil at nanahimik sa isang tabi.

At bago pa magkagulo ang magkakapatid na bathala'y dumating na ang kapita-pitagang dakilang ama, si Alpha. Hindi maaaninag ang kanyang itsura, isa lamang syang aura ng liwanag.

"KAOS! Anong kalapastanganan ang ginawa mo sa Maestrada?!" Halos yumanig ang buong Kastilyo Bathalan sa alingawngaw ng kanilang ama.

Dulot ng takot ay hinubad ng mapanuksong bathala ang kanyang maskara at sinubukang ipagtanggol ang sarili.

"Dakilang Ama! Hindi ko po alam ang ibinibintang ninyo sa akin! Ako po'y naglalagi sa Sansinukuban kani-kanina lang!" Napaluhod sa takot ang binata. Kahit ano kasing tuso nya'y matindi ang respeto at pagmamahal nya dito.

"Ama, mawalang galang na po. Mukhang nagsasabi ng totoo si Kaos." Pangungumbinsi naman ni Mikael, ang bathala ng gabi't panaginip. Nababalot ng nagniningning na bituin at mga tala ang kulay kadiliman nyang balabal habang nakasukbit ang nagliliwanag nyang karit na nagngangalang Bulan.

"Kahit kailan, tagapagtanggol ka ng mapaglarong kuya mo. Talaga bang naniniwala ka sa kanya?!" Pangontra naman ng bathala ng kalakasan at kagitingan na si Thorrhon. Ang katawan nya'y nababalot ng mga armas at kalasag, tanda ng kahandaan sa pakikipaglaban.

"Magsitigil kayo! Paparusahan ko kayong lahat kung hindi kayo hihinto!" Gigil na pagpigil ni Alpha sa dalawa nya pang lalakeng anak.

At mula sa kung saan ay sumabog ang nakakabulag na liwanag, at umalingawngaw ang tinig ng nag-iisang pinagmulan ng lahat; ang Tigmamanukan.

"MGA BATHALA! Anong kaguluhan ang nagaganap?" Nakakatulig na usap ng dakilang ibon. Sa sobrang lakas ng pwersa nito'y napayuko't napapikit ang mga bathala, ngunit hindi sapat ito sa likas na kapangyarihan ng nag-iisang pinagmulan.

"Pinakamamahal naming Tigmamanukan! Ang kakambal ko pong si Kaos ay nagkasala sa Pag-Iral! Winasak at inabo nya pong lahat ng nasa Katayuang Maestrada!" Nangingilabot na sagot ni Ordir. Kahit nanginginig sa kaba'y ipinaliwanag nya pa din ang kanyang napag-alaman.

"Nakasisigurado ka ba sa iyong paratang Ordir?! Naniniwala ka ba sa kaibuturan ng iyong damdamin na ang kakambal mo ang may sala sa kalapastanganang ito?"

"Opo, Pinakamamahal naming Tigmamanukan! Naniniwala po ako!" May diin na paliwanag ni Ordir.

Dulot ng akusasyon ni Ordir ay dismayadong ipinataw ng dakilang ibon ang pinakamahirap nyang desisyon simula nang magsimula ang lahat...

"Sa gayon, dahil sa paratang ninyo'y ipinagbabawal ko nang makihalubilo ang bawat nilalang sa iba pang mga Katayuan! Kayong mga bathala'y mananatili na rito sa Kabathalan!"

"At ikaw naman Alpha, bilang kabayaran sa kalapastanganan ng iyong panganay na anak ay mananatili ka na sa Paraiso bilang walang wakas na tagapangalaga nito!"

"At Kaos! Dulot ng pagkakanulo ng iyong mga kapatid na bathala'y isinusumpa kita sa loob ng iyong maskara! Tuluyan ka lamang makakalaya sa pagkakataong makumbinsi mo ang iyong pamilyang wala kang kasalanan!"

Kaya't kahit labag sa loob ng malokong bathala'y nahimlay sya sa loob ng kanyang mahiwagang maskara, naghihintay ng nilalang na makakasira sa sumpa...

Maskara ni KaosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon