CHAPTER 44

877 103 24
                                    

CHAPTER 44


"Natutulog na siya, dame. Hindi siya kumain."

"Tss, ang arte! Hayaan mo siya. But make sure to feed her tomorrow morning. Kikitain ko si Flencher bukas, kaya ayusin ninyo ang pagaasikaso sa babaeng 'yan."

"Masusunod."

Narinig ko ang malakas na pagbuntong-hininga ni Evie bago tuluyang sumarado ang bakal na pintuan. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata at tiim bagang na umayos ng pagkakahiga sa kama matapos magkunwaring natutulog.

Napatulala ako sa masapot na kisame at pinanood ang malaking gagamba na nakalambitin. Iniisip ko na, na ganyan din ang kalalagyan ni Evie sa oras na makaalis ako rito. Tsk, ilalambitin ko siya patiwarik hanggang sa maubusan siya ng hininga!

Naikuyom ko ang kamao at napahinga nang malalim. Ano naman kaya ang magaganap sa pagkikita nila ni Flencher bukas? Ano bang pinaplano nilang dalawa, sa akin at sa kapatid ko?

Flencher.

Hindi ko mawari kung ano ang eksaktong tumatakbo sa utak ng matandang iyon. Kung bakit ayaw niya pa akong patayin ng deretso sa dinami-rami ng pagkakataon. Kung bakit pagpapahirap pa ang binibigay niya sa kapatid ko. Ano ba ang gusto niyang mangyari sa dulo ng lahat ng 'to? Sa oras lang talaga na ako ang makauna sa kanya ay tatapusin ko na siya! Pakiramdam ko'y pinaglalaruan niya lamang kami. Siya lang ang nahuhumaling sa mga nangyayari!

Ilang beses akong suminghap at nagpakawala ng hangin. Ang bigat-bigat sa dibdib nang may ganitong galit. Pinagkakaisahan ako ng lahat at unti-unti ko nang natatanggap na hindi sapat ang laban ko nang mag-isa. Noon, malakas ang loob ko na magtatagumpay sa huli, subalit ngayon ay hindi ko na alam! Kung hindi lang talaga ako trinaydor. Mga bwisit!

Mariin akong napapikit at pinakalma ang nagwawala kong saloobin. Nananakit ang noo ko sa pagkakalukot nito. Gamit ang dalawa kong daliri ay marahan kong hinaplos ang aking noo sa magkaibang direksyon nang paulit-ulit, hanggang sa unti-unting gumaan ang pakiramdam ko. Ngunit nang magmulat ako ng mga mata ay bumakas sa aking alaala ang kaparehong bagay na ginagawa ko sa noo ni Ryker noon tuwing makikita ko siyang nagagalit.

"Ryker..." Marahan akong napabuga ng hangin saka tumagilid ng higa.

Alam kong malayo siya ngayon sa akin, pero bakit nararamdaman ko siya?

Imbes na kumalma ang dibdib ko ay lalo lamang nagwala sa lakas ng naging pagtibok ng aking puso.

Ano na kayang ginagawa niya ngayon? Naiisip niya rin kaya ako?

Napaasik ako bigla at napailing-iling. Hindi ko naman na dapat iyon tanungin. Mas makabubuti kung hindi niya na ako isipin pa dahil sa mga susunod na mangyayari sa pagitan namin. Pero...

Hindi ko maiwasang mag-alala sa kanya. Kumain na kaya siya? May pagkaloko-loko rin kasi si Ryker. Biruin mong ginutom ang sarili noong umalis ako nakaraang araw. Tsk!

Napahawak ako sa aking sikmura. Ako rin hindi pa kumakain. Nagugutom na ako ngunit kailangan ko itong tiisin. Makakaalis din ako.

Kapag natapos na ang lahat ng ito--kung wagi man ako o talo--sinisiguro kong hindi na ako makikita ni Ryker muli. Para na rin sa ikabubuti ng lagay niya. Nang sa gano'n ay mamuhay siya ng normal ayon sa kagustuhan niya o hindi ayon sa kagustuhan ng ama niya. Kung ano man ang mangyari sa hinaharap niya ay ilalabas ko na ang sarili ko roon, bagaman hindi ko alam kung ano ang kahahantungan ko. Inaamin kong pinagsisisihan ko na pilit ko pa siyang sinali sa gulo.

Batid kong wala siyang malay, at iyon ang masakit na katotohanan. Paano na lang... ano na lang kaya ang magiging reaksyon niya sa oras na malaman ang totoong ako? Kung malaman na niya ang pakay ko at lahat-lahat ng sa akin? Handa rin ba akong harapin ang magiging dulot niyon sa kanya?

CLUMSILY SEDUCING THE HIDDEN MAFIA HEIRWhere stories live. Discover now