Summer

710 32 4
                                    

Katapat ko ngayon ang taong matagal ko ng minamahal. May sasabihin kasi siyang importante sa akin. Hindi ko tuloy maitago ang kaba na bumabalot sa aking dibdib. May pakiramdam ako na sasabihin na niya ang tunay niyang nararamdaman.

Sa akin. Sana.

“Summer, may sasabihin sana ako sa ‘yo,” malumanay niyang sabi na lalo pang dumagdag sa tensyon na nararamdaman ko. Nakatingin siya nang diretso sa mga mata ko at kapansin-pansin ang sensiridad nito.

Kahit na nasa parke kami, pakiramdam ko ay kami lang ang taong naroroon. Hindi na ako makapaghintay sa sasabihin niya. Bilisan mo na. Sabihin mo na ang tatlong salitang iyon na babago sa pananaw ko sa pag-ibig. Please, sabihin mo na, kasama ang pangalan ko. Dahil kung magkataon na alukin mo ako, ‘Oo’ kaagad ang isasagot ko.

“May gusto ako…” Lumunok muna siya bago ulit magsalita.

Napapangiti na kaagad ako kahit hindi ko pa alam ang sasabihin niya. May parte kasi ng utak ko na umaasa na mahal niya ako. Hindi ako assuming, siguro ay may dahilan rin naman kung bakit pwede niya akong mahalin. Matagal-tagal na rin ang pinagsamahan namin bilang magkaibigan at sana sapat na iyon para tumbasan niya ang pagmamahal ko.

“Kinakabahan ako,” nakangiti niyang sabi pero halata pa rin ang kaba niya.

“Sige lang, sabihin mo na,” nakangiti ko ring sabi.

Hindi na makapaghintay ang puso ko sa tatlong salitang iyon. Gusto kong tumalon, gusto kong magpakasaya kapag nagkataon.

“May gusto ako…”

Sabihin mo na at hindi ako mag-aatubiling sabihin na mahal kita. Hinding-hindi ka magsisisi na ako ang pinili mo. Mamahalin kita ng sobra-sobra. Matagal kitang hinintay at sana maging worth it ang paghihintay na iyon.

“May gusto ako kay Alice…”

Napayuko ako habang unti-unti ay nadudurog ang puso ko. Tila sinaksak ng ilang beses, paulit-ulit at walang sawa.  Hindi ko magawang magsalita dahil sa sakit. Limang salita pero mas higit pa ang sakit na mararamdaman ng paso sa apoy. Gusto kong magwala, gusto kong tumakbo pero ayaw kong makita niya na mahina ako.

Napawi lahat ng pananabik at ngiti ko. Akala ko ito na ang matagal kong hinihintay na pagkakataon pero ito pala ang papatay sa akin nang dahan-dahan hanggang sa mamanhid na ako sa sakit. Akala ko mananalo na ako sa lotto pero nakalimutan ko, swertihan nga lang pala at iilan lang ang pinapalad na maging masaya.

Napayukom ako ng kamay habang tila gripong umaagos ang mata ko ng luha. “Summer, bakit ka umiiyak?” tanong niya na puno ng pag-aalala.

Pinahid ko ang luha sa mukha ko bago ko muli binalik ang tingin sa kanya. “Wala ito. Masaya lang ako para sa ‘yo dahil tamang babae ang napili mo.” Ngumiti ako para itago ang sakit na nararamdaman ko pero tila traydor ang mga luha ko dahil pinapakita nito na nasasaktan na ako.

“Maraming salamat, Summer. Ang totoo n’yan ay gusto ko sanang magpatulong sa ‘yo na manligaw kay Alice kung ayos lang.”

Kapag napagtripan ka nga naman ng pagkakataon, ako pa ang ginawang tulay. Ito na ‘ata ang pinakamasakit na pagpapakamatay, ang makita na masaya ang taong mahal mo sa iba nang dahil sa ‘yo.

Gusto ko kaagad maka-move on. Gusto ko bumalik sa dating ako, nang wala pa si Mayo. Kung alam ko lang na ganito pala ang kahihinatnan ng lahat, ‘edi sana may natira pa ako para sa sarili ko. ‘Edi sana okay pa rin ang lahat.

Kaso tumaya ako sa lotto ng pag-ibig at isinugal ko ang lahat, ang buong buhay ko.

Love means happiness. You won’t achieve true happiness if you haven’t experienced pain. Masakit magmahal at mahal magkasakit.

“Ano, tutulungan mo ba ako?”

“O-o,” sagot ko. Hindi na ako nakatanggi. Kung hindi ako makakamove on, kailangan ko na lang siguro maging manhid para at least, bawas ang sakit.

Unfortunate Hearts Series: SummerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon