Chapter XXXIV

5.6K 1.1K 147
                                    

Chapter XXXIV: Freely Gathering the Treasures

Pumasok ang grupo ni Finn sa pinakauna nilang nakitang kuweba. Kasalukuyan silang mabagal na naglalakad habang pinakikiramdaman ang kanilang paligid. Kahit na sinasabi ng mapa na walang halimaw o panganib sa bulkan ng Bluemir bukod sa magma nito, nag-iingat pa rin sila. Walang mali sa pag-iingat, at ayaw magsisi ni Finn kung sakaling may mangyaring masama sa kanila dahil lang masyado silang naging kampante.

Hindi nila alam kung may mga patibong sa paligid kaya sinabihan din ni Finn sina Eon, Poll at Paul na huwag basta hahawak nang kung ano-ano.

Lumilingon-lingon si Paul sa makipot na daanan ng kuweba, at wala siyang nakikita ngayon bukod sa pangkaraniwang mga bato, haligi, kisame at sahig. Wala pa silang nakikitang kahit anong kayamanan, at marahil dahil iyon sa nasa bukana pa rin sila ng kuweba at hindi pa nila nararating ang pinakaloob ng bulkan.

Makaraan ang ilang sandaling maingat na paglalakad, nagkaroon ng iba't ibang liwanag ang loob ng kuweba. Napahinto sina Finn sa paglalakad, at napatingin sila sa mga batong naglalabas ng iba't ibang liwanag. Hindi mapanganib ang mga batong iyon, bagkus, mga kayamanan iyon na magagamit sa iba't ibang propesyon lalong-lalo na sa pagpapanday.

Ganoon man, ang mga batong ito ay hindi pa ang totoong kayamanan na maaari nilang matagpuan sa bulkan na ito. Mga bato lang ito na nasa pagitan ng Knight Grade hanggang King Grade na kalidad ng kayamanan.

“Bakit tayo huminto, Master? Mayroon ka bang naramdamang mali sa bahaging ito ng kuweba?” Tanong ni Eon. Sinulyapan niya si Finn bago muling pinagmasdan at pinakiramdaman ang kanilang paligid.

Nanatiling nakatingin si Finn sa mga batong nagliliwanag at matapos ang sandali pang pag-iisip, nagsalita siya, “Mayroon lang akong naalala. Sinabi noon ng iyong guro na kung nais kong marating ang divine realm, hindi maiiwasan na kailangan kong bumuo ng hukbo na pamumunuan.”

“At bilang pinuno, kailangan kong magbigay ng mga kagamitan, sandata at kayamanan sa aking mga tagasunod. Kakailanganin ko ng maraming kayamanan sa hinaharap, at hindi sapat ang lahat ng kayamanan na mayroon ako dahil mauubos at mauubos ang mga iyon pagdating ng panahon,” aniya pa.

Napakarami niyang kayamanan sa Myriad World Mirror, at totoo iyon. Ganoon man, hindi walang hanggan ang kayamanang pagmamay-ari niya. Kung sakaling bubuo siya ng hukbong kanyang pamumunuan sa hinaharap, kailangan niyang tustusan ang mga pangangailangan ng kanyang mga tagasunod para sa pakikipaglaban.

Kung gusto niya ng isang malakas na hukbo ng kawal, dapat niyang bihisan ang mga ito ng matitibay na baluti at bigyan ng mapangwasak na mga sandata. Mayroon na siyang mga kaalaman sa paggawa ng mga kayamanan, hindi pa lang sapat ang kakayahan niya ngayon dahil kumpara sa mga nilalang na nasa divine realm, mahinang-mahina pa siya.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Finn. Tinawag niya ang kanyang tatlong soul puppet, lumitaw ang tatlong lagusan at lumabas sa tatlong lagusan sina Reden, Heren at Ysir. Yumukod at tumungo ang tatlo sa kanyang direksyon upang magbigay-galang.

Naglabas si Finn ng malalaking supot na yari sa balat ng halimaw. Hinarap niya ang tatlo niyang manika at binigyan ng tig-iisa ang mga ito.

“Kolektahin ninyo ang lahat ng kayamanang makikita ninyo. Mula ngayon, lahat ng mapakikinabangan nating kayamanan ay kukuhanin natin. Magagamit ko ang mga iyan sa hinaharap kaya hindi ko palalampasin ang oportunidad na ito,” utos ni Finn sa tatlo niyang manika.

Sumaludo ang tatlo sa kanya at mas lalo pang tumungo bago sabay-sabay na tumugon, “Masusunod, Master!”

Humarap na muli si Finn sa direksyon papasok sa kaloob-looban ng bulkan. Nagsimula na siyang maglakad at habang naglalakad siya, nagsasalita siya.

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon