PRESENT DAY.
St Luke's Hospital, Private ICU Room.
2nd day, 11:30pm.Kanina pang tulala si Xander habang nakatayo't nagmamasid sa magkatabing kama na kinaroroonan nila Cathy at Zion. Tulala lang siya't hindi na malaman ang mararamdaman. Kung anong ipinagaspas niya sa pagpapaharurot ng sasakyan pabalik sa Manila ay siya namang ikinapirmi ng kanyang paa sa sahig. Anong oras na ba? Bakit parang hindi na gumagalaw ang kamay ng orasan?
Naghina rin siya nang husto sa pagaakalang hindi na niya maaabutan ang mag-ina. Huminto ang pulso ng mga ito't kinailangang ibalik ng makinang dekuryente. Wala siya sa mga oras na iyon ngunit habang binabagtas niya ang kahabaan ng highway ay para narin niya itong nakikita sa isip. Para siyang baliw na humahagulgol, para siyang sira. Hanggang sa huling sandali ba nama'y inutil parin siyang hindi madamayan ang kanyang pamilya?
Pero humupa na ang kanyang pagtangis. Ngayo'y tanging lutang na isip nalang ang natitirang nakamasid sa gitna ng pagod at paulit-ulit na pagiintindi.
Malalim na ang gabi ngunit hindi lamang siya ang gising. Naroon din sa may malayong upuan ang balisang si Nanay Charito na nakatitig sa mga pasyente at tahimik na nagmumuni-muni. Kanina pa siya nitong hindi iniimikan. Kahit nga noong dumating siyang nagmamadali'y hindi man lang siya nito nilapitan. Sila na lamang ngayon at ang yaya ni Zion ang nakabantay sa kwarto habang ang iba nama'y namaalam muna't umuwi.
Isasandal na sana niya ang lupaypay niyang braso sa pader nang bigla namang tumayo sa pagkakaupo ang ginang. Napalingon tuloy siya rito habang unti-unti itong nagagawi sa kanyang tabi. Nang makalapit ay mataman siya nitong tinitigan at kunot-noong inusisa ang kanyang itsura.
"Anong mangyayari sa kanila?" Mahina ngunit may diin nitong tanong.
"... Bakit hindi pa sila nagigising?"
Wala siyang maisagot dito. Kahit anong pilit ng nanguusig nitong mga mata'y wala rin siyang maiimik. Paano? Ni siya nga'y hindi rin mabigyan ng kasagutan ang tanong na gustung-gusto niyang maintindihan nang lubos.
"Magsalita ka," malutong nitong sabi.
"Hindi ko po alam..." malamya niyang tugon.
"Hindi mo alam?!"
Napailing tuloy ito sa pagbulalas ngunit hindi parin ito natinag sa pandidikdik.
"... Ang pamilya mo ang pinanggalingan ng sumpa, Xander. Alam mo 'yan. Alam kong alam mo 'yan."
Hindi na siya muling kumibo. Wala namang saysay kung makikipagtalo siya sa biyenan sa gitna ng galit nito. Tahimik na lamang niyang itinungo sa sahig ang ulo't doon ipinukol ang blankong tingin. Upos na talaga siya. Pagod na siya't bigo sa paghahanap ng solusyon kaya't hinayaan na lamang niyang ang lantang panlabas ang sumalo ng lahat ng nais nitong sabihin.
"Naiintindihan mo ba ang nararamdaman ko?" Umpisa nito sa marubdob na pagdadalamhati. "Nasasaktan ako bilang ina."
"... Dinala ko ang batang 'yan sa sinapupunan. Pinakain, dinamitan, pinagtapos ng pag-aaral... binigyan ng pangarap..."
"... Buong buhay ko ibinigay ko para lang mapabuti ang mga anak ko, tapos ganito lang ang mangyayari kay Cathy nang dahil sa'yo?!"
Nanggigigil sa salita ang luhaang babae na kulang nalang ay pisikal siyang saktan. Pero hindi man mahapdi sa balat ang ano mang banat nito'y ang puso naman niya ang nadadagdagan ng sugat. Patung-patong. Kaunti na lamang at wala na itong mapaglalagyan.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomanceFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...