Kabanata 40

107 4 0
                                    

HABANG binabalikan ang mga naging desisyon ko noon ay hindi ko maiwasang magsisi. Maraming sana ang hindi ko nagawa. Sana ay pinilit ko si Calem na sabihin sa akin ang lahat. Sana ay hindi ako naghintay na sasabihin niya rin sa akin ang mga nagaganap, ang mga alam niya. Sana ay alam ko ang lahat bago ako nagdesisyon. Sana ay pinag-isipan kong mabuti bago ko tuluyang sinunod ang puso ko. Sana ay noong narinig ko ang lahat ng iyon sa mahal na reyna ay naghinala na ako.

Kung hindi lamang ako hangal ay hindi sana sa ganito nauwi ang lahat.

Sa pag-ihip ng maalat na simoy ng hangin ay tinangay nito ang mahaba at nakalugay kong buhoy. Ang kalmadong karagatan sa aking harap ay hindi nakatulong sa bigat ng aking damdamin. At sa pagdaan ng mga malalayang ibon sa himpapawid ay pumatak ang luha sa aking mga mata, naiinggit na tila masaya sila roon habang ako ay patuloy pa ring nakakulong sa nakaraan. Nagdurusa.

Tapos na ang paninisi ko sa kung sino ang may kasalanan ng lahat ng nangyari sa buhay ko, kasunod niyon ay ang pagtanggap at sa huli sana'y paglimot ngunit hanggang ngayon ay nakakulong pa rin ako sa ikalawang proseso. Paulit-ulit ko pa ring tinatanggap ang lahat. Hindi ko magawang makausad. Patuloy pa ring nagdurugo ang aking puso. Na para bang hindi na talaga ito matatapos.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganitong tadhana ang nakalaan sa akin. Malinaw na malinaw pa rin ang lahat sa aking isipan, ang lahat nang naramdaman ko noong gabing iyon.. kung saan tuluyang nagbago ang buhay ko. Ang gabing umagaw ng lahat sa akin.

MULI kong tiningala ang malaking palasyo sa aking harapan nang tuluyan kaming huminto. Maliwanag na maliwanag ito ngayon.

"Narito na tayo," wika ko kasabay ng pagbaling sa prinsipeng kasama ko.

Mahigpit niyang hinawakan ang kamay kong kanina niya pa hawak habang naglalakad kami pauwi mula sa buong araw na pamamasyal. Muli ay ginabi kami kaya wala nang masyadong nilalang sa paligid, walang pumapansin sa amin. Tatlong araw na lang bago ang paligsahan kaya sinulit namin ang araw na ito, ang huling araw na magkakasama kami ng matagal dahil napagpasyahan kong manatili muna sa aming tahanan at magpahinga. Nagtatampo na kasi si Ina sa lagi kong pag-alis, nais niya akong makasama ng matagal kaya pagbibigyan ko.

Dinala niya ito sa kaniyang labi, masuyong hinalikan habang ang mga mata'y matamang nakatutok sa akin. Matamis akong ngumiti habang pinagmamasdan siyang gawin iyon. Napupukaw ang damdamin ko sa tuwing gagawin niya ito.

Kahit buong araw na kaming magkasama ay parang sandali lamang iyon, tila kay bilis ng oras. Parang kahapon lamang noong nagkaayos kami. Gusto ko pa siyang makasama ng mas matagal ngunit ayaw ko namang maging makasarili. Mayroon naman kaming habang buhay upang magsama kaya ayos lang na minsan na lamang magkita pagkatapos nito.

"Ayaw pa kitang pakawalan, mahal ko," malambing niyang wika. Hinatak ako palapit sa kaniya.

Kinagat ko ang ibabang labi upang maiwasan ang sobrang pagngiti. Niyakap ko siya na siyang sinuklian niya ng mas mahigpit, ayaw talaga akong pakawalan.

"Ganoon din ako, Savion. Pakiramdam ko ay sandali lamang ang buong araw, kanina'y maliwanag lamang ngunit ngayo'y madilim na. Hindi kapani-paniwala, kay bilis ng oras."

"Kung maaari nga lamang ay hindi na kita iuwi," aniya pa kaya natawa ako.

Kumalas ako sa kaniya dahil baka totohanin niya pa ang sinabi. Isa iyong maling desisyon kaya dapat iwasan. Lahat ng bagay ay may limitasyon, sa amin ay ito. Huwag magpadalos-dalos kung gusto naming makuha ang pagpayag ng aming mga magulang sa aming pagmamahalan.

"Magkikita pa rin naman tayo kaya ayos lamang ito sa ngayon." Isang dampi ng halik sa kaniyang labi bago ako nagpaalam. "Ako na mauunang umuwi dahil baka hindi na talaga kita iwan dito," natatawa kong wika.

Ashtrea (Exo Losairos Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon