“ANYA, kanina ka pa hinahanap ni Kathleen!”
Wala sa loob na napatingin ang dalaga sa nagsalita—si Rachel, ang kanilang production manager.
“Bakit?” tanong niya, bagaman ang isip ay nasa lalaking nakausap kanina.
Hindi pa rin makapaniwala ang dalaga na nagkita na naman sila ng macho dancer. Masyado nang coincidence ang nangyayari! Hindi kaya stalker iyon?naisip niya.
“Di daw niya makita ’yung in-edit mong segment tungkol sa mga taga-Call Center.”
“Hindi ba ibinigay ni Seb? Pinanood niya kagabi, ah,” wala sa sariling sagot niya. Ang sabi niya noong kumain kami sa mall, hindi raw niya alam ang Barangka Drive sa Mandaluyong, pero doon pa ito mismo napadpad sa kalye namin kanina.
“O, ’yung folder mo nalaglag!“ si Rachel uli at pinulot ang nagkahulugan niyang papel at iniabot iyon sa kanya. “Wala ka yata sa sarili, Sister? May problema ba?''
“Wala. Pagod lang siguro ako.” Malamang na alibi lang din ang pagpunta niya sa punerarya. Sinusundan talaga niya ako. Hindi na mapakali ang dalaga.
“Medyo namumutla ka nga. Magpahinga ka na lang muna. Baka nasobrahan ka sa pagpupuyat.”
“Oo nga, eh. Salamat,” aniya. Tumalikod na si Rachel. Umupo ang dalaga at nahulog sa malalim na pag-iisip.
Paano kung si Ryan pala ang serial killer? Kinilabutan si Anya.
''TALAGA BANG kailangan nating mag-pick up ng call boy?'' di-makapaniwalang tanong ni Hugh kina Anya at Laly.
Nasa loob ng kotse ang tatlong magkakaibigan. Paikot-ikot lang sila sa Quezon Memorial Circle. Halata sa mukha ng lalaki ang kaba. Takot itong masangkot sa kahit anong gulo o iskandalo.
“Eh, paano naman natin makakausap ang call boy kung di natin siya pi-pick-up-in? Sa tingin mo papayag ang mga iyan na basta na lang natin kausapin sa daan, naghihintay nga sila ng customers,” katuwiran ni Anya. Ang ginagawa nilang iyon ay parte pa rin ng documentary na gusto niyang gawin. Gusto niyang magtanong-tanong tungkol sa trabaho ng mga ito, ng mga bading na customers nito at kung ano ang opinion nila sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga gays sa Metro Manila.
“Alam ko marami ditong tumatambay sa Circle,” ani Laly.
Umikot muna sila ng isa pang beses sa Elliptical Road bago nagdesisyong tumigil sa harap ng isang lalaking nakaupo sa may waiting shed.
“Paano pag hindi pala call boy ’yan?” excited na bulong ni Laly.
“Malalaman natin kapag lumapit dito sa kotse,” sagot naman ni Hugh. Mayamaya ay tila may naisip ito. “Shit, baka tandaan ang plate number ko!”
BINABASA MO ANG
AGENT OF MY HEART
Chick-LitPublished by Bookware, 2006 Macho dancer meets young matrona. Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa kanila? Pero ang tanong- totoo nga ba ang pakilala nila sa isa't isa? Paano kung pareho lang pala silang nagpapanggap? Alamin! Happy reading...