HALOS manigas na sa nerbyos ang babaeng katabi ni Ryan kaya inakbayan niya ito. “Relax lang po kayo, para walang makahalata,” bulong niya. “Baka may makakita sa akin dito, isumbong ako sa mga anak ko,” kabadong pahayag ni Tess.
Ito ang kanilang sekretarya sa opisina. Nasa late forties na ito, may katabaan pero pleasant ang mukha. Mother figure talaga.
Kinausap ni Atty. Castro si Tess na tumulong sa undercover assignment ni Ryan at mag-pose bilang isa sa mga customers, para diumano paghinalaan ang binata. Ayon kasi kay Alwyn ay napupuna na ng mga kasamahan na hindi nagpapa-table sa mga customers si Ryan.
“Puro naman kasi mga mukhang hayok sa laman ang gustong kumuha sa ’kin,” rason niya sa meeting nila noong isang linggo.
“Gan’on talaga. Guwaping ka, eh,” sabad ni Kutz. Nagtawanan ang lahat ng agents na naroroon.
Si Tess ang isa sa mga naunang solusyon na naisip ng ahensya para maging back-up ni Ryan. Nag-pose itong customer, nagdamit-sosyal at pumunta sa bar. May dala pa itong kotse at driver— na walang iba kundi ang kaibigan niyang si Bruce. Ang problema ay bigla ngayong nakaramdam ng nerbyos ang may-edad na babae.
“Wala pong makakakilala sa inyo sa ayos niyong ’yan, huwag po kayong mag-alala,” ani Ryan, at binigyan pa ng isang ladies' drink ang kasama.
Malayo nga naman hitsura ni Tess nang gabing iyon sa pang-araw-araw na ayos nito. Sa opisina ay uniform ang suot nito, nakapusod ang buhok at de-salamin. Pulbo lang ang ginagamit nito at manipis na lipstick. Samantalang nang oras na iyon ay isang makintab na bestida ang suot ng ginang, kulay maroon. Nakaayos pa ang buhok na parang si Cindy Lauper. Makapal din ang makeup nito.
“Mukha akong haliparot,” bulong uli ni Tess, na naku-conscious na sa napakasikip daw nitong damit.
“Hindi naman, ah! Sosyal nga ho kayong tingnan.” Napatingin ang binata sa mga bagong pasok na customers.
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakatingin sa kanya si Anya!
GUSTO NANG UMALIS ni Anya. Hindi na maiguhit ang expression ng mukha niya, at halata na iyon ng mga kaibigan niya.
“Porque ba may ka-table na customer si super macho dancer, ayaw mo na rito?” pambubusko ni Hugh.
Enjoy na enjoy talaga ito sa pang-aalaska sa kanya. Kung puwede lang talaga niyang batukan ang kaibigan!
“Anastacia, tutal nandito na rin lang tayo, mag-table din tayo!” hirit naman ni Laly.
“Wala na ako sa mood.” Totoo iyon. Bigla siyang nawalan ng ganang ituloy ang planong paghahanap ng mai-interview dahil sa nakita niya.
Dahil kay Ryan? Nalilito si Anya sa nararamdaman. Hindi niya kaanu-ano ang lalaking macho dancer, pero apektado siya nang makita itong may kasamang matrona!
BINABASA MO ANG
AGENT OF MY HEART
أدب نسائيPublished by Bookware, 2006 Macho dancer meets young matrona. Ano nga ba ang kapalarang naghihintay sa kanila? Pero ang tanong- totoo nga ba ang pakilala nila sa isa't isa? Paano kung pareho lang pala silang nagpapanggap? Alamin! Happy reading...