Chapter LV

6K 1.1K 111
                                    

Chapter LV: The Courageous and the Cowards

Dahil sa biglaang pag-anunsyo ng may-ari ng mundo na kinalalagyan ng mga adventurer mula sa Crimson Lotus Realm, maraming nagbago ng plano. Agad na bumuo ang mga rogue adventurer at namumuno sa bawat puwersa ng hakbang kung ano ang kanilang gagawin. Ngayong mayroon na silang mapa at huling destinasyon, hindi na nila kailangan pang mangapa sa mundong ito. Mayroon na silang pagpipilian at panatag na ang ilan sa kanila na makababalik pa sila sa Crimson Lotus Realm.

May mga nagdesisyon na agad nang gamitin ang teleportation stone para makapunta na agad sila sa Trial of Heavens habang mayroon namang naghintay pa ng kaunting panahon, at may ilan din namang hindi na nagbalak pang magpatuloy sa paglalakbay dahil kontento na sila sa kanilang naging paglalakbay sa mundong ito.

Hindi na nila nais na magpatuloy dahil gusto nilang mapanatili ang kanilang buhay. Sila ang mga adventurer na walang gaanong pangarap at hindi nakikipagkompetensya, at ang tanging hangad lang nila ay makamit ang antas na kanilang gusto para makapamuhay sila ng maayos.

At sa tarangkahan papasok ng Trial of Heavens, lumitaw ang napakaraming pigura ng mga kawal at adventurer. Napakarami nila at halos masakop na nila ang bakanteng ektaryang lupain sa harap ng tarangkahan.

Pinangungunahan ng dalawang punong komandante ng magkaibang puwersa ang malaking grupong ito, at iyon ay sina Kyuru ng Crimson Guardian at Xernok ng Crimson Beast. Naabot na nila ngayon ang ranggong Chaos Rank, at natural nila iyong nakamit dahil sa kanilang nakuhang karanasan sa pakikipaglaban. Naging malakas silang dalawa dahil lang sa walang tigil na pakikipaglaban at pakikipagsapalaran, patunay lang na ang kanilang potensyal at talento bilang mga adventurer ay hindi pangkaraniwan.

Siyempre, hindi lang silang dalawa ang nakaabot sa ranggong iyon. Nariyan din si Faktan, ang magkakapatid na sina Lobos, Mobos at Nobos, at ang pinuno ng Nightrage Gang--si Tayk Rombursa.

Mas dumami pa ngayon ang kanilang bilang kumpara noong kasama pa nila sina Finn sa Beast King Forest. Nakakalap pa sila ng iba pang mga rogue adventurer at grupo, at nakipagsanib puwersa na rin sila sa iba pang mga punong komandante ng Crimson Lotus Alliance. At ngayon, napagdesisyunan nila na ito na ang tamang sandali para magtungo sa Trial of Heavens upang tapusin ang pakikipagsapalaran nila sa mundong ito at upang makamit ang oportunidad na sinasabi ng may-ari ng mundong ito.

Tumingala si Kyuru sa kalangitan. Makapal ang itim na ulap at walang tigil ang pagkulog at pagkidlat, pero ang mas nagbibigay ng kilabot sa kanilang lahat ay ang malaking pulang dragon na kasalukuyang lumilipad sa paligid ng tore habang nagbubuga ng apoy.

“Isang huwad na divine beast. Marahil makatotohanan ang hitsura ng fire dragon na iyan ngunit hindi iyan maikukumpara sa aktwal na divine beast. Mababa ang kalidad ng purong dugo na dumadaloy sa kanyang mga ugat at isa pa, hindi iyan totoo at gawa lamang ng ilusyon,” paglalahad ni Kyuru habang nakatingin sa dragon. “Gawa ng formation na kinatatayuan ng mataas na toreng iyan.”

Bahagyang tumango si Xernok bilang pagsang-ayon. Marahas niyang tiningnan ang dragon at nagkomento rin, “Hindi pa rin natin dapat balewalain ang dragon na iyan. Kahit na isa lamang iyang ilusyon, hindi pa rin natin kayang labanan iyan kung tayo-tayo lamang. Kailangan muna nating sukatin ang lakas niyan dahil kahit na mababang antas ng Chaos Rank ang isang iyan, mayroon pa rin siyang kapangyarihan ng isang divine beast.”

Umismid si Kyuru at nanghahamak niyang tiningnan ang dragon na umaatungal sa himpapawid. Inilabas niya ang kanyang aura at nagwika, “Hindi na mahalaga iyon. Ang kailangan lang nating gawin ay matalo ang halimaw na iyan para makapasok sa tore. Pagkatapos noon, dadaan na tayo sa pagtatasa at makukuha na ng ating pangkat ang oportunidad na nararapat sa atin.”

Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon