Chapter LXVIII: Slaying the Devils (Part 4)
Hindi nagtagal ang pamimilipit ni Eon sa sakit. Pilit siyang tumayo at lumaban habang unti-unti siyang nanunumbalik sa rati niyang kondisyon. Kinontrol niya ang kanyang palakol na bumalik sa kanya, at kahit na bakas ang pamimilipit sa sakit sa kanyang ekspresyon, humakbang siya at pilit na inatake ang mga diyablo na malapit sa kanya. Para bang sasabog ang mga ugat sa kanyang katawan. May tumutlong dugo sa kanyang ilong, gilid ng labi at gilid ng mga mata pero wala siyang pakialam. Nagngingitngit pa rin ang kanyang ngipin habang ang kanyang mga hakbang ay mabibigat.
Tumindi pa ang kanyang aura, tuluyan na siyang nakatapak sa 9th Level Heavenly Emperor Rank pero hindi pa roon nagtatapos ang pagtaas ng kanyang aura, nagpatuloy pa rin ito habang patuloy pa rin ang pagpupumilit ni Eon na labanan ang matinding pananakit ng kanyang mga kalamnan, ugat at buto dahil sa tila ba nasusunog niyang dugo.
Ilang sandali pa, hindi na nakayanan ni Eon ang nagkukumawalang kapangyarihan sa kanyang katawan. Nabitawan niya muli ang kanyang sandata at ilang napakalakas na atungal ang kumawala mula sa kanyang bibig na nagpatilapon sa lahat ng malapit sa kanya kabilang na sina Poll at ang grupo ni Roger.
ROAR!!!
Isa iyong atungal ng dragon. Nakuha ng halos lahat ng miyembro ng New Order ang pag-atungal ni Eon, at maging si Finn na bumubuo ng sealing formation ay muntik nang mawala sa konsentrasyon dahil sa biglaang pangyayari.
Samantala, agad na sumaklolo ang ilang mga miyembro ng Bloody Puppeteers na kanina pa rin nakaantabay sa mga maaaring mangyari. Pinrotektahan at sinuportahan nila sina Poll upang hindi malapitan ang mga ito ng mga diyablo.
Tungkol kay Eon, nanatili siyang nakatayo roon habang ang kanyang katawan ay naglalabas ng mapaminsalang enerhiya. Malaki na ang ipinagbago ng kanyang aura, mula sa dating kakila-kilabot, nadagdagan na ito ng mapangwasak na maikukumpara na sa aura ng isang Chaos Rank.
Tama, sa wakas ay nagawa na ni Eon na makatapak sa Chaos Rank, at nagawa niya ito sa natural na paraan nang hindi kumakain o gumagamit ng kayamanan. Hindi lang isang antas ang itinaas ng kanyang antas, nagawa niya pang tawirin ang Heavenly Emperor Rank at ngayon ay isa na siyang ganap na Chaos Rank.
Nagawa niyang makamit ang lakas na gusto niyang makamit sa kasalukuyan, at ngayon mahinahon niyang pinakikiramdaman ang kanyang bago at mas mapangwasak na enerhiya.
Gusto pang hangaan at purihin ng iba sa loob-loob nila ang mabilisang at direktang pagtapak ni Eon sa Chaos Rank, ganoon man, hindi sila binibigyan ng mga diyablo ng kahit isang segundo para gawin iyon. Tuloy pa rin ang pagsugod ng mga diyablo sa kanila habang tuloy pa rin sila sa kanilang pakikipaglaban at pagpaslang sa mga ito.
Hindi na rin nagsayang ng bawat sandali si Eon. Muli niyang kinontrol ang kanyang palakol. Nakatapak na siya sa Chaos Rank pero hindi pa rin mababakas sa kanyang mukha ang pagdiriwang o kasiyahan.
Malamig pa rin ang kanyang ekspresyon at ang kanyang mga mata ay nananatiling seryoso at matalim.
“Hindi pa rin sapat ang lakas na ito para ma-protektahan ko ng lubos si Master. Ang kailangan ko ay lakas pa at kapangyarihan!” Aniya at nagpatuloy na siya sa kanyang pagpaslang sa mga diyablo.
Hinawi niya ang mga diyablo gamit ang kanyang palakol. Bawat pagwasiwas niya ay marami ang namamatay at napupuruhan. May mga nakakaiwas ngunit marami pa rin ang hindi pinapalad na makaligtas sa mga pagwasiwas ni Eon.
BANG! BANG! BANG!
RUMBLE!!
Dahil sa pagpapatuloy ng kaguluhan, nagkakaroon na ng mahinang pagyanig ng lupa at ang mga buhawi ay humahagupit na rin. Mas lalong tumitindi ang mga atake ng mga miyembro ng New Order dahil nagsisimula na rin silang gumamit ng enerhiya.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 9: World of Alchemy]
FantasíaSynopsis: Sa bagong yugto ng buhay ni Finn, isang panibagong pakikipagsapalaran at paglalakbay ang kanyang mararanasan kasama sina Poll, Eon, at Paul sa loob ng isang misteryosong mundo. Bagong mga kalaban, kakampi, at katunggali ang kanyang makikil...