Naghintay Ako ng Ulan

220 13 14
                                    


"Naghihintay ako ng ulan . . ."

Para sa isang gaya niyang punong-puno ng pangarap sa buhay, alam ng lahat na mas gugustuhin pa niyang mangarap na lang kaysa gawin ang lahat sa realidad. Iniisip niyang lahat ng bagay ay posible. Lahat ng nasa isipan niya ay maaaring mangyari.

Pangarap niyang makalipad, pangarap niyang magkakotse, pangarap niyang maging piloto, pangarap niyang maging mayaman, pangarap niyang maging masaya—na humantong ang lahat ng ipinangarap niya sa pinakamababang bahagi ng buhay bilang isang pariwara at tulak ng droga.

Ngunit sa lahat ng pangarap niya, nasa huwisyo man siya o wala, makasama lang si Lisa ang walang papantay sa lahat ng nasa listahan niya.

Naalala pa niya noong katorse anyos pa lamang sila—panahon kung kailan napagtanto niyang ang pangarap ay posible palang katabi na niya. Malawak ang ngiti niya kasama si Lisa—doon sa bahay niya kung saan manonood sila ng mga pelikula sa mga lumang bala. Bakasyon at walang magawa kundi ang tumambay sa bahay. Manonood, kakain, magpapakasaya sa buhay.

Sa pelikula niya unang napanood kung paano maghalikan ang isang babae at isang lalaki—doon sa gitna ng malawak na damuhan, doon habang umuulan. Sa mga sandaling iyon bumaon sa kanyang pagkatao ang lahat.

Si Lisa—ang dalagang palaging kasama sa mga oras na pakiramdam niya ay mag-isa siya sa mundo. Tumatak sa isipan niya ang mahaba nitong buhok na hindi na inabala pang suklayan, ang labi nitong pinangingiliran pa ng mantsa ng nginunguyang tinapay na may palaman . . . si Lisa, sa mga sandaling iyon, ay pinangarap niyang mahalikan sa gitna ng damuhan habang bumubuhos ang ulan.

Si Lisa, ang panaginip niya sa kanyang kawalan.

At buong buhay niya, ang simpleng pag-ibig ang pinakamagulong bagay na hindi niya kahit kailan naintindihan.

Muli niyang ibinalik ang tingin sa pinanonood na pelikula at muling pinangarap ang munting bagay na kahit minsan sa buhay ay hindi niya makuha-kuha.

Sa bawat bakasyon, naging gawain na ng dalawa ang manood ng pelikula nang magkasama. Manonood si Lisa ng nakakakilig na pelikula, siya naman ay panonooring kiligin si Lisa at pinapangarap na sana'y nasa pelikula sila.

Habang lutang sa droga, iniisip niya kung kailan darating ang segundong lalapitan siya ni Lisa at idadampi nito ang labi sa kanya. Iniisip niyang ang tagpong iyon ang tatalo sa lahat ng matitinding pangarap niya. Binibilang niya ang araw kung kailan nga ba uulan sa tag-araw. Hinihintay niya ang segundo kung kailan mababanggit niya ang mga katagang "Ako na mayroong ikaw."

Dumaan ang napakaraming araw at hindi siya kahit minsang nagtangka.

Sa dami ng pasimpleng paghawak sa kamay ng dalaga . . .

Sa pasimpleng pag-akbay sa balikat nito tuwing sila ay magkasama . . .

Sa dami ng mga birong tinawanan nilang dalawa . . .

Sa dami ng seryosong mga salitang nasasambit lamang niya tuwing lumulutang siya sa alapaap . . .

Sa dinami-rami ng sandali sa kanilang bawat nakaw na panahon, ni isang beses lang sa kanyang buhay kasama si Lisa ay hindi niya nilisan ang kanyang makatotohanang ilusyon.

Naghintay siya ng ulan. Iyon para sa kanya ang magandang pagkakataon.

Sa pagbuhos ng mga patak ng tubig niya ihahayag ang kanyang itinatagong pag-ibig.

Subalit ang paghihintay sa katuparan ng pangarap ay masyadong malupit. Natutuyo ring gaya ng halamang hindi nadampian ng tubig sa gitna ng tag-init. Walang dumating na ulan sa kanilang napakaraming bakasyon. At ang pangarap niyang halik ay naging isa na lamang bahagi ng kanyang imahinasyon.

Naghintay Ako ng UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon