Simula

277 13 4
                                    

•°• ✾ •°•

Hindi kita gusto
Lalong hindi kita trip
Magkaibigan lang tayo
'Yun lang

𝙉𝙖𝙠𝙖𝙠𝙖𝙢𝙞𝙨𝙨 // eeve

•°• ✾ •°•

Simula:
Magkaibigan

Pasimple akong lumingon sa aking kaliwa.

Agad akong napahawak sa aking dibdib nang bigla ko na lamang naramdaman ang pagbilis ng tibok ng aking puso.

"Hmm? Nakikinig ka ba?" rinig kong tanong ng lalaking katabi ko. Mabilis kong inilihis ang aking tingin at itutuon na sana ito sa bintana nang dali-dali niyang iginalaw ang kaniyang katawan at pumuwesto sa harap ko.

Ilang segundo kaming nagkatitigan. Seryoso lamang ang kaniyang mga mata ngunit ewan ko ba, gusto ko na lamang mapangiti. Sa muling pagtama ng aming mga mata, mayroong kakaibang saya ang siyang kumiliti sa aking damdamin.

"Napakapapansin mo," inis kong sabi sa kaniya. Inirapan ko pa siya, umaasang hindi niya mahahalata ang unti-unting pag-init ng aking pisngi

"Ako pa ngayon ang papansin? Eh ikaw nga 'tong pasulyap-sulyap sa akin tapos bigla na lamang titingin sa malayo," depensa niya sa kaniyang sarili. "Pero teka, na-gets mo na ba 'yung sinasabi ko?"

"Oo nga, na-gets ko na. Ulit-ulit 'to."

Pinanliitan niya ako ng mga mata. Binuklat niya ang librong nakalagay sa kaniyang lamesa. Pinanood ko ang paggalaw ng kaniyang daliri habang hinahanap ng kaniyang mga mata ang pahina na naglalaman ng tungkol sa pinag-usapan namin kanina.

Nang sa wakas ay nahanap niya na ito, inilapat niya ang kaniyang mga palad sa magkabilaang pahina at iniharap ito sa akin. Tinuro niya ang isang word problem na nandoon.

Pagkakita ko pa lamang ng unang pangungusap ay sumakit na agad ang ulo ko. Tuluyan na yatang bumigay ang pinakahuling brain cell ko na naubos habang tinuturuan niya ako ng araling kaugnay nito.

"Sagutan mo nga 'to," aniya.

Ilang segundo akong tumahimik, sinusubukang unawain ang tanong.

"True," puno ng kumpiyansang sagot ko. Pinakitaan ko pa siya ng isang malawak na ngiti.

Pansin ko ang malalim na paggalaw ng kaniyang dibdib habang iniiling ang kaniyang ulo. Napasapo siya sa kaniyang noo.

Napaiwas ako ng tingin at napalunok ng sariling away.

Narito na naman ang pakiramdam na tila may kumikiliti sa aking tiyan.

"'Uy, Tim, tawag ka ni Ash!" anunsiyo ng isa sa mga kaklase namin.

Magulo ang buong klase dahil abala sila sa kani-kanilang mga ginagawa kaya kami lamang ng katabi ko ang nakarinig niyon.

Mabuti na lamang at ganoon 'yung nangyari dahil kahit mabilis, natiyempuhan ko ang pagsilip ni Ash na tila nahihiya at pinagsasabihan 'yung kaklase namin. Kung maaari nga lamang, siguro ay nahampas niya na ito dahil sa hiya.

Napatayo sa kaniyang upuan si Timothy. Inabot ko sa kaniya ang libro niya na itinago niya naman sa kaniyang bag.

"Mamaya na lang ulit, Rara," paalam niya.

"Yuck! Huwag mo nga akong tawaging Rara. Tunog-maasim," reklamo ko.

Tumawa lamang siya at muling nagpaalam. Tumango na lamang ako upang matapos na. Umalis na siya sa kaniyang upuan at naglakad papuntang pinto upang salubungin 'yung babaeng kanina pa naghihintay.

Hindi ko napansing sinusundan ko pala ng tingin ang kaniyang paglalakad. Saka ko lamang ito napagtanto nang nagkasalubungan kami ng tingin ni Ash. Ngumiti siya sa akin at kumaway.

Wala naman akong ibang nagawa kung hindi suklian ang kaniyang iniakto. Nagpasilay ako ng ngiti sa aking mga labi at marahang kumaway.

Nang wala na sila ay napabuga ako ng isang malalim na hininga.

'Yung kaninang sayang nararamdaman ko ay nawala. Mabigat na pakiramdam ang siyang pumunan nang nakita ko ang pagpintig ng mga tainga ni Tim at pagkislap ng mga mata nito nang narinig ang pamilyar na pangalan.

Dinukot ko ang aking cell phone sa bag at tiningnan ang oras. Mayroon pang ilang minuto bago mag-ring ang bell. Kinuha ko ang dulo ng aking earphones na nakakabit na sa cell phone ko at isinuksok ito sa aking magkabilaang tainga.

Nag-scroll ako sa aking music library. Nang nahanap ko na ang tamang kanta ay nilisan ko ang aming silid dala-dala ang aking pitaka.

Ilang minuto akong nakipagsapalaran sa dami ng mga kapwa kong estudyante na nais ding bumili sa canteen. Nang sa wakas ay nakuha ko na rin ang gusto kong bilhin, dumiretso na ako sa paborito kong tambayan, ang koridor sa tapat ng library.

Sakto at wala pang katao-tao rito. Sarado pa rin ang silid-aklatan at ang iba pang mga kuwartong matatagpuan dito. Mapayapa akong makakakain.

Ngunit nang akala ko ay makakakain na ako, saka ko naman nahagip sina Tim at Ash na magkasama. Abala sa pagsasalita si Tim na may pagsenyas pa sa kaniyang mga kamay. May kinomento si Ash na nagpatigil sa kaniya ngunit sa halip na makinig ay nakatitig lamang 'yung isa sa kaniya.

Hindi ko alam kung bakit pero bigla akong nanlumo. Inalis ko na lamang ang tingin mula sa kanila at umupong nakasandal sa pader.

Nilabas ko ang maliit na kuwaderno na nasa loob ng bulsa ng aking palda. Kinuha ko rin ang ballpen na nakakabit dito. Binuklat ko ito sa pahinang walang kahit na anong laman.

Nagsimula akong magsulat ng mga titik.

"Magkaibigan," basa ko sa nabuo kong pamagat.

Isang himig ang biglang sumagi sa aking isipan.

"Kung tayo'y magkaibigan lang~" kasabay ng pag-awit ko ay pagsulat ng mga lirikong aking nabuo. "Maaari bang malaman ang..."

"Kadahilanan ng saya kapag ika'y nasisilayan~" pagpapatuloy ko. "Kung tayo'y magkaibigan lang, bakit... ganito nararamdaman?"

Magpapatuloy pa sana ako sa pagsusulat nang nakarinig ako ng ingay. Napatayo ako sa aking kinauupuan at agad na nilingon ang pinanggalingan nito.

Napakunot ako ng aking noo dahil wala namang tao.

Umiling na lamang ako. Babalik sana ako sa pagsusulat nang biglang tumunog ang bell.

Pagkabalik ko sa aming silid ay naroon na pala si Tim. Muli ko na namang naramdaman ang paglukso ng aking puso pero nang maalala ko ang hitsura niya kanina kasama si Ash, pakiramdam ko ay may biglang kumurot dito.

"Erato, hindi pala ako makakasabay sa inyo mamaya. Sasabay kasi ako kay Ash, basta alam mo na 'yun," bungad niya sa akin pagkaupo ko.

"'No ka ba? Hindi mo na kailangang magpaalam kapag ganiyan. Understood na naming bebe time ka," pangangasar ko sa kaniya.

"Wala, baka magalit kayo, eh."

"Huy, hindi, ah! Pabor nga ako roon, eh. Alam ko naman kung gaano kabitin ang tatlumpung minutong recess kaya sagarin niyo na hanggang uwian." Nag-thumbs up pa ako sa kaniya habang may malawak na ngiting nakaukit sa aking mga labi.

Pilit ko mang ipakita sa kaniya na masaya ako, para naman na akong pinapatay sa loob-looban ko.

Wala na akong ibang magagawa pa dahil...

Kami ay magkaibigan lang.

Behind the Mask [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon