PABATID: Ang maikling kuwento na ito ay mayroon ng nobela sa bago nitong titulo na, "Aguha: Gabay sa Nawawalang Tala" sa ilalim ng Paper Ink Publishing kasama ang iba pang manunulat na may husay sa dyanrang pantasya. Inuulit ko, ito lamang ay pahapyaw sa kuwentong ito at maaasahan din na may magbabago bunga ng pagpapalawak ng kuwento.

Masaya akong ipaalam sa inyo ang hakbang kong ito bilang isang manunulat. Ito ang isa sa una kong maisusulat na nobela at sa panibago ring kategorya, kaya sana ay magustuhan ni'yo pa rin iyon sa kabila ng baguhan pa lamang ako at marami pang daang babaybayin.

Inaasahan ko rin ang pagsuporta ni'yo sa iba kong kasama at tangkilikin natin ang ating mga manunulat na patuloy na isinasalang ang kanilang mga pluma upang maibigay sa atin ang pinakamagandang porma ng tinta sa papel!

...


Mirror Pages

Mabibigat na kilos ng paghinga ang tanging maririnig sa paghahabol ng hanging sinagpang sa baga nito nang panandalian. Mabuway pa ang paglabas ng bawat nalalanghap habang malakas na tumatama sa mga balat nito ang lawiswis ng hanging malamig.

Nakayuko lamang ang kaniyang ulo habang patuloy pa rin ang pangangapos na unti-unting naging banayad ang galaw; subalit hindi rin nagtagal, nahalinhinan ito ng mabibilis na pagtaas at baba ng kaniyang balikat: nag-umpisang tumunog ang maliliit nitong mga hikbi at pumuslit ang mga likidong nagmula sa kaniyang mga mata.

Ang mga luhang ito ay pumatak sa kaniyang mga kamay na matindi ang pangangatog sa takot, nadamay pa ang hawak nitong matalim na armas na pinagtutuunan niya ng emosyong rumaragasa sa loob-loob.

"Iuwi mo na 'ko. . ." Bakas sa kaniyang tinig ang takot at pagmamakaawa ngunit ang maitim na pigurang nasa kaniyang harapan ay hindi man lamang natinag. Sa halip, lumapit pa ito nang napakalapit hanggang sa marating ng kaliwang dibdib nito ang dunggot ng kutsilyong hawak niyang nasa baba pa rin ang paningin.

Inalog-alog niya sa direksyong kaliwa't kanan ang kaniyang ulo at napalunok upang sandaling matigil ang pananangis sa kasalukuyang pangyayari: itinatanggi ang gusto nitong mangyari. "H-Hindi. . . Ayaw ko. Pakiusap, pauwiin mo na ako."

"Do it."

"I won't!"

Hindi na sumagot pa ang baritonong boses na nanggaling dito, iniwan ang hagulgol na nagmistulang despertador na gumigising sa malalim na gabi.

Muli, sumipol ang agaas ng hangin sa pinaka-ibabaw na palapag ng gusaling inaapakan ng kanilang mga paa, kitang-kita ang maulap na kalangitan na tinatago muna nang pamantala ang makikinang na bato sa kalawakan.

Walang anu-ano, umalpas sa kamay nito ang hawak at tuluyan na rin ngang bumigay ang mga tuhod nito sa matigas na sahig. Sobrang pangangatal ang idinulot sa kaniya ng magkasabay na pangamba at pagbabago ng panahon sa maginaw na temperatura.

Natuyo na ang mga tubig na kaya pa namang lumabas sa kaniyang katawan, nahimasmasan na rin siya at inipon ang natitirang lakas sa mga pantig na gustong banggitin. "You're not supposed to end up like this."

Nakabibinging katahimikan ang nagkamayaw sa pangungusap na binitawan. Matigas na lamang niyang isinara ang talukap ng mata at gumawa ng kamao gawa ng mga daliring nagtiklupan: pinipilit na tatagan ang sarili para sa mga susunod pang sasabihin sa kabila ng pagod na nadarama.

"This is not what I have planned."

Singasing nito ang tila isang timbang may mayelong tubig na binuhos sa kaniya sa kinauupuan.

Cup Bearer's WineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon