Araw-araw
'Maaraw at maaliwalas?', bumangon si Jhay sa kanyang kama at napatingin sa orasan na nakapatong sa kanyang lamesa na katabi ng kanyang kama.
'Alas-siete na.'
Siya'y umunat-unat at dahan-dahang bumaba papunta sa sala ng kanilang bahay.
Puting dingding, mga picture frame ng kanilang pamilya, siya, ng kanyang ina, kapatid at ama.
Sofa set at TV sa kanilang sala. Halamang malago na naka-kalat sa bawat sulok na nakakubli sa mamahaling porselanang paso.Nang makitang walang tao sa kanilang sala, ay nagpatuloy siya sa paglalakad patungong hapag-kainan. Roon ay kanyang nakita ang ama'ng may hawak-hawak na dyaryo at seryosong nagbabasa.
"Magandang umaga, pa." Bati niya sa kanyang ama. "may balita po ba kay mama? Nakausap mo na po ba sya?"
"Magandang umaga din, Jhay, hijo." Pagtango nito, at sa kanyang pagkalito, ay parang lumungkot ang mukha ng kanyang ama, na sing bilis ng kidlat, ay bigla rin nawala "wala pa, hijo, busy ata siya ngayon."
"Ah, ganon po ba. Bili lang po ako ng pandesal." Paalam niya at tanging pag-tango na lamang ang naging sagot ng kanyang ama.
Naglalakad na siya patungong bakery.
May tindahan siyang nadaanan, tindahan nila Mari at isang Basketball court, na kung saan ay araw-araw naglalaro sila Reden, JR, Ian at Rome.
"uy, Jhay! Tara, laro tayo!" tawag sa kanya ng mga ito. Bilang sagot rito ay kumaway nalang siya at umiling. "sige, sa susunod ha. Aasahan namin iyan." Natawa na lamang si Jhay sa iminungkahi ng kanyang mga kaibigan.
Malapit na siya sa bakery.
Isa sa paboritong puntahan niya ang Bakery nina Aling Marla. Halimuyak ng bagong gawang pandesal at iba't ibang klase ng tinapay. Paboritong kainin ito ni Jhay, kapares ng mainit na kape sa umaga.
'sabi kagabi uulan ng malakas? Aba't ang araw nga't nakakasilaw pa sa mata.' Napa iling na lamang siya sa naisip.
"Tsss, ano na kaya ang susunod dito?"
Napalingon si Jhay sa babaeng nagsalita. May hawak itong malaking dyaryo na humaharang sa kanyang mukha.
"Bakit ba kasi ang hirap ng crossword na 'to ngayon?! Tssss." Napabaligwas paatras si Jhay dahil sa gulat nang biglang padabog na ibinaba ng babae ang hawak hawak na dyaryo.
Napansin ng dalaga ang pagkakatitig ng binata. "Anong tinitingin-tingin mo dyan?" Turan nito sa pinaka masungit na salita.
"W-wala." Pag papatuloy niya, at muling naglakad. "Emma, magandang umaga, isang balot ng pandesal." Ngiti niya sa babae, si Emma, anak ni Aling Marla.
"sige, pakihintay lang sandali, Jhay." Tumango na lamang siya at pasimpleng dumungaw sa kaninang dalaga na kanyang nakita. Napa-iling na lamang siya, nang mapansing nakakunot na ang mukha ng dalaga.
"Eto na, Jhay, oh."
"Eto ang bayad, Emma."
"Nako 'wag na, bigay na ni mama ito. Pang isang taon na ng--"
"Emma!" Sigaw ng dalaga, dahilan para hindi matuloy ni Emma ang dapat na sabihin. Parehong naka tingin naman si Jhay at Emma sa kanya.
"H-Hea?" Sambit ni Emma.
"Anong sabi ko sayo?" Nagpupuyos sa galit ay lumapit si Hea kay Emma "Asan na yung tustado kong pandesal? Tsk tsk"
Nanlalaki ang mga mata "Ay, hala, oo nga pala." Tumakbo papasok sa loob si Emma.