Written by Ian Austria
- - -
Nagsimula ang labanan ng dalawang grupo. Hindi sila magkaaway, magkakalahi sila… kami… pare-pareho lang kaming lahat pero bakit nagkaganito? Natigil ako sa pagiisip nang maramdaman ko ang hapdi ng hiwa sa braso ko. Sadyang mabilis ang mga kalaban, nasugatan na nila ka agad ako. Ayaw ko ng nangyayari pero sa ngayon, kailangan kong ipasintabi ang pagkakaibigan at maging matapang para sa ikabubuti ng lahat… Para sa buong Reysha. Kailangan kong magpakatatag. Pumikit ako ng sandali upang tanggapin ang masakit na katotohanan, na kailangan pa naming maglaban para sa kabutihan. Dinilat ko ang aking mga mata saka ipinagpatuloy ang laban. Ayaw ko nito pero ito ang kailangan.
- - -
"Konti na lamang ang mga nakuha kong kasangkapan sa labas para sa paggawa ng gamot. Masyadong delikado para tayo'y lumabas pa." Unti-unti kong binuksan ang aking mga mata. Napalingon ako sa bukas na pinto, kahit na hindi masyadong malinaw ang aking paningin, nakuha ko pa rin na tingnan ang isang lalaki at babae sa di kalayuan. Katulad ko rin sila. May inabot ang lalaki sa babae ngunit hindi ko malaman kung ano ito dahil sa kalabuan ng aking paningin.
"Ipapainom ko na lang po sa kanya kapag s'ya nagising na." Sagot ng babae habang hawak ang isang bagay. Ako ba ang tinutukoy nila? Lumingon-lingon ako sa kapaligiran para makita kung may iba pa ba akong kasama subalit ako lamang talaga ang naririto sa kwarto. Isang manggagamot ang nakatira dito sa akin paningin. Maraming gamot ang nakalagay sa mga garapon. May iba't ibang klase rin ng dahon at halaman. Muli akong tumingin sa labas kung saan nakita kong papaalis na ang lalaki habang papunta naman dito ang babae. Palinaw na nang palinaw ang paningin ko hanggang sa makilala ko ang babae na nasa tabi na ng kama ko ngayon.
"Alexa?" Sambit ko sa pangalan n'ya. Isang matamis na ngiti lamang ang isinagot n'ya sa akin. Tama, s'ya nga si Alexa. Isa sa mga kagrupo namin pero teka... "Nasaan na ang iba?" Tanong ko sa kanya. Kung kanina ay matamis na ngiti ang ipinakita n'ya, ngayon ay isang malungkot na ngiti naman ang kanyang tinugon. Si Alexa ay walang kakayahang magsalita noon pang s'ya ay ipinanganak pero nabiyayaan s'ya ng kakayahan na makita ang mga nangyayari gamit ang enerhiya... ang enerhiya na nagsanhi ng away.
Ang enerhiya ng buwan.
Itinaas ni Alexa ang kanyang kamay, pinapanood ko lamang s'ya saka n'ya ito iniwagayway. May nabubuo na tila ba maliliit na lilang ulap sa bawat wagayway n'ya ng kanya kamay. At sa maliliit na lilang ulap ay may nabubuong imahe hanggang sa mapanood ko ang labanan ng dalawang grupo. Maraming nasugat, maraming nawalan ng buhay. Tila ba unti-unti akong pinanghihinaan sa gustong iparating ni Alexa. Sunod na ipinakita n'ya ay ang kaharian ng Reysha. Bakit ganon? Bakit madilim na sa Reysha? Nasaan na ang liwanag? Ipinakita sa akin ni Alexa ang mga kasamahan namin na nakakulong sa palasyo ng Reysha. Itinigil na ni Alexa ang pagpapakita ng mga nangyari at mga pangyayari. Umupo s'ya sa tabi ko.
Nakakalungkot.
"Natalo tayo?" Matamlay na tanong ko sa kanya. Tumango lamang si Alexa habang nakatingin sa akin. Halos mapaiyak ako nang malaman na nabigo kaming ipaglaban ang buwan. Nakakapagtaka ba na pinapagawayan namin ang buwan? Ang buwan kasi ang nagsisilbing enerhiya ng mga engkantada. Dito nagmumula ang kapangyarihan namin. Kaya naman tuwing bilog ang buwan, may ginagawa kaming sayaw para kumuha ng enerhiya ng buwan, para sa aming lahat.
"Kaya ba wala ng liwanag sa Reysha?" Tanong ko pa sa kanya. Tanong na alam ko na kung ano ang sagot. Nakuha na ng kalaban, si Myura Kazekyo ang lahat ng enerhiya ng buwan. Di nakapagtataka, sigurado akong s'ya na ang pinakamakapangyarihan na engkantado. At dahil wala na kaming makukuha sa buwan, papanghinaan na kaming mga hindi sakop ni Myura. Kahit na mawalan kami ng kapangyarihan, hinding hindi ako magpapasakop sa kanya. Hinding hindi ako magiging sakim, bulag at gutom sa kapangyarihan. Tumango lamang si Alexa saka iniabot sa akin ang garapon na naglalaman ng gamot. Inabot ko ito at ininom. Naramdaman ko na unti-unting naghihilom ang mga sugat ko.
"Salamat." Sabi ko sa kanya.
- - -
"Julius." Tawag ko sa kanya. S'ya ang lalaking kausap ni Alexa kanina at s'ya rin ang tinutukoy kong manggagamot. Ngayon ay nasa labas kami ng muntin n'yang bahay. Pagkalabas ko, napansin ko na wala na talagang liwanag ang buwan o kahit ang mga bituin. Sadyang napakadilim na ng buong Reysha. Lumingon sa akin ng saglit si Julius saka ibinalik ang tingin n'ya sa kalangitan.
"Nilisan natin ang kaharian ng Reysha dahil sakop na ito ni Miura. Mas ligtas tayo dito sa kagubatan, may kalayuan din ito doon." Pagpapaliwanag ni Julius. Nilapitan ko s'ya.
"Naiintindihan ko po." Sagot ko.
"Lumabas muna ang ibang engkantada para maghanap ng prutas. Alam kong gutom na kayo. Siguro naman ay alam mo na nadakip ang iba nating kasama?" Tinignan ako ni Julius habang naghihintay ng sagot. Tumango lamang ako saka ibinaling ang tingin sa lupa.
"Ano pong gagawin natin? Ang reyna... wag n'yo pong sabihin-" Nagulat ako nang mapagtanto ko ang mga detalye na unti-unting nabubuo sa isip ko.
"Wala na s'ya. Kailangan nating maibalik ang enerhiya ng buwan bago pa tuluyan itong maglaho."
- - -
5 years later
Lahat kami ay nagtulong-tulong kung paano matatalo si Miura ngunit ni isa sa aming mga plano ay nagtagumpay. Sadyang makapangyarihan si Miura at ang kanyang mga kasama para labanan ng mga tulad namin na wala ng sapat na kapangyarihan. At ayaw kong dumating kami sa punto na kahit isa sa amin ay wala ng kapangyarihan. Kailangan naming matalo si Miura.
17 taon na ako ngayon ngunit wala pa ring pagbabago. Madilim pa rin ang kagubatan na ito, madilim pa rin ang Reysha.
Sana magtagumpay kami... Sana.
Lumabas ako ng bahay ni Julius at naglakad-lakad. Tumingin ako sa kalangitan, kita ko ang buwan ngunit wala itong liwanag. Hindi ko napansin na napatapak pala ako sa isang malambot na lupa kaya nahulog ako sa isang malalim at madilim na hukay.
"AAAAAAHHHHH!" Sigaw ko habang patuloy pa rin ako nahuhulog. Napadaing na lamang ako nang humampas ang katawan ko mula sa pagkakahulog sa isang sahig. Maliwanag na sa parte na ito, may apoy na nagsisilbing liwanag sa dingding. Pinilit kong tumayo, masakit ang pagkakabagsak ko pero nakaya ko pa rin. Lumingon-lingon ako sa paligid. Isa itong katamtaman ang laki na kuwarto. Walang masyadong gamit maliban na lang sa mga nagkalat na libro at isang kumot na gawa sa dahon.
"Sino 'yan?" Boses ng lalaki ang narinig ko. Agad kong nilakasan ang loob ko at inihanda ang dalawa kong balaraw (dagger) na hawak ng magkabilang kamay kung sino man ang kalaban. Sa madilim na sulok ay may anino ng lalaki akong naaninag hanggang magpakita ang isang lalaki na parang kaedad ko lang at may hawak rin s'yang espada na nakatutok sa akin.
- - -
BINABASA MO ANG
Night Romance
Romance"Love conquers all." Paano kung tadhana na ang maghiwalay sa inyong dalawa? Isang babae na kailangang makipaglaban para sa kabutihan ng lahat at isang lalaki na kailangang makipaglaban para sa kanyang pamilya. Lahat ng nagmamahal, nasasaktan. At an...