Kanina pa palakad-lakad sa harap ko si Adina at tila hindi mapakali habang ako naman ay nakaupo lang sa damuhan at pinapanood siya. Bubuntong-hininga ito at pagkatapos ay hahawak naman sa kanyang noo habang hinihilot-hilot ito.
"Kasalanan ko naman 'yon, Adina. Hindi ako tumitingin sa dinadaanan dahilan para mabangga ko siya."
Ako na mismo ang nagbukas ng usapan dahil mukhang hindi niya 'yon magawa sa sobrang pag-iisip ng puwedeng mangyari.
"Mahal na prinsesa, hindi siya basta-basta na taong nakabangga mo. At alam mo ang aking ibig sabihin," aniya.
Sumagi muli sa isip ko ang nangyari kanina sa loob ng bulwagan. Sa tingin ko ay hindi nalalayo ang kanyang edad sa akin. Ang kanyang tindig at ayos ay sobrang nakakahanga. Ang makita ang isang prinsipi mula sa palasyo ng Les Dolzovia ay sadyang nakakahanga. Hindi ko aakalain na makakatagpo ako ng isa bukod sa mapapangasawa ng aking nakakatandang kapatid.
"Isa siyang-"
"Prinsipe," pagputol ko sa kanya. "Alam ko, Adina. Nakita ko ang simbolo na nakalagay sa kanang dibdib niya."
Doon lang siya nakahinga ng maluwag at pabagsak na umupo sa aking tabi.
"Hindi niya naman ako kilala, Adina. Wala naman nakakakilala sa akin. Isa pa, simple naman ang suot kong damit at hindi na siya mag-iisip pa kung sino ako."
Huminga siya ng malalim tila napanatag na sa aking sinabi.
"Babalik ako sa loob upang tingnan kung nasa paligid pa ba ang prinsipe. Kapag wala na ay babalik ako sa 'yo para masulit mo ang gabi na ito." Paniniguro niya pa.
Tanging tango lang ang aking nasagot at mabait na hinintay siya sa ilalim ng puno na pinag-iwanan niya sa 'kin.
Nilibot ko ang aking tingin at hindi mapigilang sumilay ang ngiti sa aking mga labi. Tuwing may mga okasyon lang naman ako pinagbabawalan ni ama na lumabas ng aking silid. Sa totoo nga ay hinahayaan niya akong maglibot sa buong palasyo basta ay hindi ko tatangkain na lumapit sa tarangkahan. May mga nakasunod naman na bantay at siyempre, hindi mawawala si Adina na nakaalalay sa akin.
Laging gano'n ang nangyayari sa akin, ngunit kapag nandiyan na ang mga bisita galing sa ibang kaharian ay kailangan kong sundin si ama na manatili sa loob ng aking silid. Marami rin na ipinagbabawal sa akin at alam kong ginagawa lang nila ito upang protektahan ako.
Ngunit iniisip ko rin kung para saan ba at dapat nila akong protektahan?
Naaninag ko na may naglalakad palapit sa puwesto ko. Si Adina lang naman ang nakakaalam na nandito ako kaya agad akong napangiti.
"Adina, ang bilis mo naman bu-"
Napawi ang aking ngiti at mabilis na napatayo ng mapagtanto na hindi si Adina 'yon kundi ang prinsipe mula sa kaharian ng Les Dolzovia. Mabilis ang tibok ng aking puso dahil sa kaba.
Tumigil siya sa paglalakad at nakatayo ito hindi kalayuan sa akin. Nakapasok ang dalawang kamay nito sa loob ng kanyang pantalon at diretso ang tingin sa akin. Na-blangko ang aking isip at hindi alam kung ano ba ang dapat gawin.
"What are you doing here?"
Hindi ako nakasagot. Nanatiling gulat ang nabibigay kong tingin sa kanya. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nagkaroon ng kausap na lalaki bukod sa aking ama at mga kapatid. Hindi ko siya pamilya at lalong-lalo na isa siyang estranghero sa akin kahit pa sabihin na prinsipe ito.
Mahigpit ang pagkakakapit ko sa laylayan ng aking damit dahil sa takot kahit pa tinatanong niya lang naman ako kung anong ginagawa ko rito.
Nasaan na ba si Adina?
YOU ARE READING
Scarlet of Arrows (Book 1)
FantasyScarlet of Arrows Trilogy (Season 1) Originally Started: July 2014 Started: November 30, 2021 Status: on-going ✿✿✿✿✿✿ Ang buhay na mayroon si Cresentia ay hindi katulad ng mga batang prinsesa sa isang palasyo. Sa batang edad na labing-limang ta...