Kabanata 6

69 7 3
                                    

•°• ✾ •°•

Oo 'di mo naman malalaman
Ang nilalaman ng aking isipan
Hangga't sabihin ko malamang
Pero mas mabuting
Manahimik na lang

𝙥𝙖𝙧𝙪𝙥𝙖𝙧𝙤 // syd hartha

•°• ✾ •°•

Ikaanim na Kabanata:
Pagkakamali

Pagkabalik ko sa aming silid-aralan, agad akong binati ni Tim.

"Nakapagsulat ka ng kanta? Parinig!" bungad niya sa akin sa may pintuan.

Kusang nagtagpo ang aking mga kilay. Parang kanina lang ay hindi ako pinapansin nito, ah?

"Bati na kayo ni Ash?" Hindi ko namalayan ang biglang pagbuka ng aking mga labi.

"Pinuntahan ni Ash kanina. Ayun! Umiral ang karupokan niyan," singit ng isa sa mga kaklase namin. "Bati na sila. May paghawak na nga sa---"

"Hoy, may assignment daw! Pakopya naman."

Bago pa man matapos ng kaklase namin ang sasabihin niya ay kinalabit na siya ng katabi nito upang magtanong tungkol sa isa sa mga takdang aralin.

Nanlaki ang aking mga mata nang naaalala kong hindi ko pa nga rin pala ito nagagawa. Mabilis akong tumakbo papunta sa aking kinauupuan at kinuha ang aking kuwaderno.

"Mali, covalent bond 'yan kasi nagshe-share sila ng valence electron, oh."

Napahawak ako sa aking dibdib dahil tila tumalon ito sa pagkagulat namg narinig ko si Tim. Muli kong tiningnan 'yung tanong at tama siya. Binura ko 'yung ionic na nakasulat at pinalitan ng covalent.

Mabuti na lamang at nandito siya.

Nagpatuloy ako sa pagsagot. Masiyadong tutok ang atensyon ko kahapon sa pagsulat ng kanta na hindi ko na naalala pang mayroon nga pala kaming assignment.

Muli ko na namang narinig ang boses ni Tim na pinuna ang sagot ko. Kasunod n'on ay ang pagbuntong-hininga niya.

"Teka nga, puro mali sinasagot mo riyan. Tuturuan muna kita," alok niya.

Napatingin ako sa orasan, dalawang minuto na lamang bago mag-bell. Tapos limang minuto pa pagkatapos n'on umaakyat ang guro namin sa susunod na asignatura.

"Ilang minuto na lang, magbe-bell na, oh. Hayaan mo na 'yan. Hindi ko naman kasalanang pinanganak akong bobo sa Science, eh," sagot ko sa kaniya.

"Napakakulit naman talaga, Erato," may pagbabanta sa kaniyang tono. "Ilang minuto pa naman, eh. Madali lang namang intindihin 'yun."

"Eh..."

Ayaw kong pumayag. Alam ko naman kasi na kapag nagpaliwanag siya, tanging ang katangian lamang ng kaniyang mukha ang pag-aaralan ko imbes na 'yung aralin. Sa halip na makinig, lilipad lamang ang utak ko papunta sa paksang tungkol sa kaniya.

Pero wala naman na akong nagawa pa nang nagsimula na rin siyang magsalita tungkol sa lesson.

Sinusubukan kong makinig ngunit nahahati talaga ang atensyon ko papunta sa iba't ibang bahagi ng kaniyang mukha.

Ang kaniyang mga mata ay nakatuon lamang doon sa papel na pinagsusulatan niya ng mga termino na may kaugnayan sa Agham. Pero kahit na ganoon, natatanaw ko pa rin ang ganda nito.

Kung mata lamang ang pagbabasehan, siguradong marami ang matatakot sa tingin nito, lalo na kung hindi nila ganoong kakilala si Tim. Kadalasan kasi, lagi lamang siyang seryoso at aakalain mo na wala siyang emosyon o kaya naman ay maraming problemang pinagdadaanan.

Dahil sanay na akong ganoon lamang ang tingin niya, madali ko na lamang nakikita ang lungkot sa kaniyang mga mata kapag dismayado siya sa kaniyang sarili, sa ibang tao, at sa babaeng gusto niya. Sa tuwing nangyayari iyon, hindi ko maiwasang makaramdam din ng lungkot.

Gusto kong ipaalala sa kaniya ang lahat ng magaganda niyang katangian at sabihin na labis ko siyang ipinagmamalaki. Ngunit sa mga panahong may pinagdadaanan siya, mas nanaisin niyang sarilihin lamang iyon. Kaya naman ang magagawa ko na lamang ay iparamdam sa kaniyang hindi siya nag-iisa at kung handa na siyang magbahagi ng kaniyang problema, narito lamang ako at handang makinig.

Hindi naman ako ang taong gusto niya. Hindi naman ako 'yung taong alam kong pinakakakailanganin niya sa mga panahong down siya. Hindi naman ako 'yun pero sana, ako na lang. Dahil gagawin ko ang lahat upang mapataas lamang ang kumpiyansa niya sa kaniyang sarili at palagi kong ipaparamdam sa kaniya na mahal na mahal ko siya.

Kaso...

Kaibigan lamang ang turing niya sa akin.

Ganoon din dapat ako pero biglang nagbago.

Hindi ko alam kung kailan, kung paano, at kung bakit. Basta, isang araw, nakaramdam na lamang ako ng emosyon para sa kaniya na hindi maaari.

Hindi ko naman maaaring sabihin sa kaniya dahil alam kong maiilang siya. Hindi ko kayang isakripisyo ang pagkakaibigan namin kapalit ng pag-amin ko sa kaniya. Wala namang mangyayari kahit sabihin ko ang totoo dahil huli na ang lahat.

Mas pipiliin ko pa ang makita siyang nagkakagusto sa iba kaysa panoorin siyang unti-unting lumayo ang loob sa akin at kahit na anong gawin ko upang ipilit, hindi na siya magiging abot-kamay pa.

Simula nang mapagtanto ko ang nararamdaman ko, agad ko nang tinanggap na hanggang kaibigan lamang ako. Ngunit sa mga pagkakataong nasasaksihan ko siyang nasasaktan dahil sa babaeng mahal niya, hindi ko maiwasang hilingin na sana, ako na lang ang pinaglaanan niya ng pagmamahal.

Alam ko namang gusto rin siya ni Ash pero pansin ko ang pag-aalinlangan niya at pagdududa rito. Kaya alam ko na kaya kong itrato si Tim nang higit pa sa kung paano siya tinuturing ni Ash.

"'Uy, nag-i-space out ka na riyan, ah?" Napabalik ako sa ulirat nang tinapik ni Tim ang balikat ko.

Agad akong namula sa lapit ng distansiya namin mula sa isa't isa dahil sa biglaan niyang pag-angat ng kaniyang mukha upang harapin ako. Dali-dali kong idinako ang aking tingin sa malayo.

"Na-gets mo ba ang sinabi ko?" tanong niya. Awkward akong ngumiti. Napasapo siya sa kaniyang ulo. "Sige, uulitin ko, ha. Pero pakinig ako ng kanta mo pagkatapos."

"Ay, huwag na pala. Gets na gets ko na!" pagsisinungaling ko. Ayaw kong iparinig sa kaniya ang kanta ko dahil baka malaman niya ang lihim ko.

"Damot," komento niya at napanguso.

"Oo na. Mamayang uwian," pagsuko ko.

Kahit na isa ako sa mga nakatakda upang maglinis ngayon, naghintay pa rin si Tim sa tapat ng silid-aralan. Kasama niya naman ang iba naming mga kaibigan ngunit ewan ko ba, hindi ko maiwasang mapangiti sa ideyang hinihintay niya ako.

"Hoy, 'te, ingat sa mga ganiyang ngitian. Madalas, ayan 'yung laging may kasunod na sakit na nakakagimbal ng buong pagkatao mo."

Napatikom ako ng aking mga labi at agad na tinapos ang duty ko.

Pagkalabas ko ay binungad sa akin ni Tim ang kaniyang kanang palad. Kinuha ko ang aking cellphone sa bulsa at agad na hinanap 'yung ni-record ko kagabi. Nilipat niya ang dulo ng kaniyang earphones sa saksakan ng akin. Nang nakaayos na siya ay pinlay ko na iyon at hinayaang sa kaniya muna ang aking cellphone.

Pinanood ko siya habang seryoso siyang nakikinig sa kanta. Kinakabahan ako. Sana matapos na agad dahil habang tumatagal, bumibilis at lumalakas ang kabog ng dibdib ko.

"Akala ko naman, malungkot 'yung isusulat mo. Masaya pala," komento niya. "Ang galing, parang kuwento lang tapos mala-fairy tale."

Nakahinga ako nang maluwag nang narinig ko ang komento niya.

Naaalala ko na mayroon akong kakilalang nagsusulat ng mga kuwento. Pinabasa niya sa akin ang isa sa mga likha niya at 'yun ang ginawa kong paksa sa kanta na pinarinig ko kay Tim.

Hindi pa ako handang iparinig sa kaniya ang himig ng pag-ibig ko.

Behind the Mask [ ✓ ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon