MAKE IT RIGHT : The fall!

0 0 0
                                    

Highschool days...

"WAIT nga! Ba't ang tahimik niyo?" puna ni Cyan sa mga kaibigang halos hindi pa nasisimulan ang pagkaing in-order nila sa isang fastfood na napili nilang puntahan.

Si Arie ay nakatingin sa labas ng salaming pintuan ng fastfood at tila malalim ang iniisip nito. Si Luca naman ay halos madurog na ang sausage sa katutusok nito habang si Keeve ay nakatingin sa kanya ng walang kahit anong ekspresyon sa mukha nito.


Wala pa ring umimik sa tatlo. Naninibago si Cyan sa ikinikilos ng mga kaibigan. Tatlong araw matapos ang graduation nila ay nagkayayaan silang magkita-kita sa bayan para makapagbonding gaya ng nakagawian nila. Pero sa hitsura ng mga kaibigan niya ay tila malalim ang iniisip ng mga ito.


"Arie! May gusto ba kayong sabihin? Ayaw niyo ba sa—"


"Sa ibang bansa na raw ako magka-college. Sa Canada," putol ni Luca sa kanya. Mahina ang boses nito, bakas ang kalungkutan. "Si Arie, sa Maynila na rin mag-aaral. I just don't know kung saan mag-aaral si Keeve. And you."

May kung anong kumurot sa dibdib ni Cyan. So, iyon ang dahilan nang kawalan ng gana ng tatlo. Ang usapan kasi nila ay sa iisang unibersidad sila mag-aaral ng kolehiyo ngunit tila hindi na iyon matutupad. Hindi napigilang malungkot ni Cyan. Sinalubong niya ang tingin ni Keeve.

"Keeve, ikaw rin ba?" mahina niyang tanong.

Tango lamang ang itinugon ni Keeve. Hindi niya inaasahang maging ito ay sa ibang lugar din pala mag-aaral. Sa kanilang apat ay ito ang nagmamatigas na ayaw niyang mag-aral sa ibang bansa.


"Gusto kong ituloy ang plano ngunit ayokong may mangyari kay Mommy kung ipagpipilitan ko ang gusto ko," malungkot ring sabi ni Arie. May sakit ang Mommy nito at tila totoong kailangan na nitong sa Maynila ituloy ang gamutan. "I'm sorry."



"My Dad told me na kung hindi ako papayag sa gusto niya ay mananagot kayong tatlo. Ayokong madamay kayo sa kalupitan niya. You know him, right?" Si Luca. Hindi nga naman lingid sa kaalaman nila ang kalupitan ng Ama nito. Kulang na nga lang ipagsigawan nitong ayaw niya sa kanila bilang kaibigan ng unico hijo niya.


Hindi napigilang maiyak ni Cyan. Hindi lang dahil hindi sa iisang unibersidad sila mag-aaral kundi ang katotohanang siya ang maiiwan at mawawalan ng mga kaibigang matagal rin niyang nakaramay.



Apat na taon mula nang magkakilala sina Arie, Keeve at Cyan. Nagkakilala ang tatlo nang minsang magsama-sama sila sa iisang team noong intramurals. Simula noon ay naging matalik na silang magkakaibigan. Laging magkakasama sa lunch break at kahit sa pag-uwi. Magkakalapit lang din naman ang kanilang mga barangay. Nasa third year na sila nang masama sa kanilang grupo si Luca. Transferee ito noon at naghahanap ng bagong kaibigan.

Si Luca ay anak ng negosyanteng si Mr. Teranio. Mayaman ang mga ito at minsan nga'y naiimbitahan ang tatlo sa mga special events sa bahay nina Luca. Iyon nga lang at hindi naiiwasan ni Mr Teranio na iparamdam ang disgusto sa mga kaibigan ng anak. Kaisa-isang anak kasi si Luca kayat gusto ng ginoong pag-aralin ito sa ibang bansa, malayo sa mga kaibigang hindi nito gusto para sa anak.


Si Arie naman ay anak ng isang Head Teacher. May kaya din naman sa buhay sina Arie. Pangalawa ito sa tatlong magkakapatid at nag-iisang babae. May sakit ang Mommy nito na kailangang maipagamot sa mga espesyalista sa Maynila.

Si Keeve ay anak sa labas ng isang konsehal kaya't hindi ganoon kaayos ang trato sa kanya ng mga kapatid nito sa Ama. Ang ka-MU nga dati ni Cyan na kapatid nito ay wagas kung gawing utusan si Keeve, dahilan upang mawala ang pagkagusto ni Cyan. Ayaw niyang tinatrato ng ganoon ang kaibigan.

Sa ilang taon nilang pagsasama ay naging sandalan nila ang bawat isa. Laging gumagaan ang problema nila kapag sila ay magkakasama. Nasanay silang may laging aagapay sa isa't isa kapag hindi na kaya. Kaya ganoon na lamang kasakit para sa kanilang hindi nila hawak ang kapalaran. Mga kabataan lamang silang ang nais ay sundin ang mga magulang na siyang umaaruga sa kanila.


Sabagay, kung si Cyan din naman ang nasa sitwasyon ng mga kaibigan ay mas susundin niya ang kanyang ina. Kaya kahit masakit ay kailangan nilang tanggapin ang katotohanang, hindi nila kontrolado ang lahat ng bagay.


Lumapit kay Cyan ang mga kaibigan at yumakap. Sa kanilang apat ay ito ang pinakaemosyonal. Nang gumaan na ang pakiramdam nila ay inenjoy na lamang nila ang natitirang oras na magkakasama.

Bago pa man umalis si Luca papuntang Canada, si Arie papuntang Maynila at si Keeve papuntang America ay nilubos na nila ang pagbonding. Minsan ay namamasyal sila. Minsan nama'y tumatambay sa bahay nina Arie o di kaya ay kila Cyan. Hanggang sa dumating ang araw ng pag-alis ni Keeve na siyang unang maihihiwalay sa kanila.

Sumama sina Arie at Cyan sa paghatid kay Keeve sa terminal ng bus papuntang airport. Si Luca ay hindi pinayagan ng ama kaya't hindi nakasama. Tanging tiyuhin lang naman ni Keeve ang sumama rito kaya't nagawang sumama ng dalawa.


"Mag-iingat ka doon, Keeve. Lagi kang tumawag. Kung bakit ba naman kasi ayaw mong gumawa ng social media accounts," ani Arie nang nasa terminal na sila. Bakas ang lungkot at pagtatampo sa tono nito.


"Oo naman. Huwag kayong mag-alala, magiging okay ako. Sana kayo rin," nakangiting sagot ni Keeve. Lumalabas ang beloy sa kanang pisngi nito sa tuwing ngumingiti o di kaya ay nagsasalita.


Si Cyan ay hindi makapagsalita. Iyak lang ito nang iyak na para bang hindi na muling makikita ang kaibigan. Kahit mapang-asar at minsa'y masungit si Keeve ay nakakalungkot pa rin ang paglayo nito. Wala nang pakialam si Cyan sa mga nakatingin sa kanila. Panay na rin ang pagsinghot niya na parang bata.

Bigla ay yumakap sa kanya si Keeve. Hinaplos nito ang buhok niya at marahan siya nitong hinagkan sa noo. "Tahan na. Lagi akong tatawag. Lagi kaming magpaparamdam sa'yo. Stop being our cry baby."

Hindi pa rin nagsalita si Cyan. Hiningi ni Keeve na iwan muna sila ni Arie. Ang Tito Fred nito ay kumukuha na ng ticket upang makasakay na sila sa nakaparadang bus.


"Cyan, tumingin ka sa mga mata ko," utos ni Keeve kay Cyan.

Unti-unting nag-angat ng tingin si Cyan. Halos mamugto na ang mga mata nito. Nagsilbi kasing kapatid at Tatay sina Luca at Keeve sa kanya. Paano na lang siya ngayong iiwan siya ng mga ito?


"Magbabakasyon ako every year. Kami ni Luca. Promise, babalikan ka namin dito. Okay?" Muli nitong hinaplos ang buhok ni Cyan.

Marahang tango ang itinugon ni Cyan. Pinunas nito ang mga luha sa pisngi at pagkuwa'y dumukot sa bag nito ng isang bagay. Isang kwintas na nabili niya nang minsang namasyal sila sa isang mall. Nakaukit ang initial ni Keeve sa pendant ng kwintas na iyon. Regalo sana niya sa darating nitong kaarawan ngunit ngayon na lamang ang pagkakataong maibibigay niya ito.

"P-pasensiya ka na. 'Yan lang ang nakayanan ko. Advance happy birthday! Mag-iingat ka doon palagi." Pilit na pinasigla ni Cyan ang boses.




Napangiti si Keeve nang abutin ang kwintas. Agad nitong isinuot at biglang humalik sa pisngi ni Cyan na ikinagulat naman nito. Hindi na ito nagsalita at  dali-dali nang sumakay sa nakaparadang bus.


Sa gulat ay nahawakan na lamang ni Cyan ang pisnging hinalikan ng kaibigan. Maybe that was a goodbye kiss from her dear friend. Sana lang ay matupad ang pangako nito.


"Si Keeve?" tanong ni Arie na may hawak na paper bag. Tila pagkain ang laman niyon.

"S-sumakay na," utal na sagot ni Cyan.


"Ano? Ibibigay ko pa sana itong binili ko para sa kanya. Baka magutom siya sa biyahe," maktol ni Arie. Siya namang pagdating ng Tito Fred ni Keeve dala ang ticket. Nagtanong rin ito kung nasaan na ang pamangkin. Nang malamang sumakay na ay nagpaalam na rin ito.




"Anong sinabi ni Keeve sa'yo kanina?" tanong ni Arie nang naglalakad na sila papunta sa paradahan ng jeep.



"W-wala. Pinatahan lang ako at ang sabi ay magbabakasyon raw sila taon-taon," sagot ni Cyan. Hindi na niya sinabi ang ginawa ni Keeve dahil baka kung anong maisip nito.



Ngumiti si Arie at hinawakan ang kamay ni Cyan. "Akala ko kung ano na. Tara na!"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 29, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Make It RightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon