Kabanata 3

266 17 0
                                    

"Ano ba kasi ang nangyari at humahangos ka sa pagtakbo? Mabuti na lang at agad kitang nakita."

Salubong ang mga kilay ni Adina habang patuloy pa rin na pinupunasan ang pawis ko sa noo hanggang sa aking leeg. Paano ba naman ay pagkatapos nang nangyari kanina ay mabilis ang pagkaripas ko ng takbo at hindi na nag-abala pa na pansinin kung sino ang makakakita.

Kahit ako ay nagulat sa sarili kong sinabi at ginawa. Nagsisi ako dahil dapat hindi ko na lang sinagot ang prinsipe. Nakakahiya tuloy kung sakali na magkaharap ulit kaming dalawa.

"Oh? Bakit ka umiiwas ng tingin? May... ginawa ka sigurong hindi kanais-nais, mahal na prinsesa?" pagsususpetsa niya pa.

"Ha? W-Wala, Adina! Wala akong ginawa!" mabilis kong sagot.

"E, bakit hindi ka sa akin makatingin?" humawak siya sa kanyang baywang at bahagyang dumukwang sa akin upang silipin ang aking mukha. "Ang prinsesa ay mukhang may kasalanang ginawa," bulong niya dahilan para bumuga ako ng hangin.

Muli niya akong pinunasan ng pawis pagkatapos.

"Adina..." tila nanghihina kong pagtawag sa kanya na agad naman ikinaangat ng kanyang ulo. "Sumagot ako ng pabalang sa prinsipe... paano na 'yan?" tunog walang pag-asa na na ang aking boses.

"Huh? Bakit, ano ba ang sinabi mo?" kuryosong tanong nito.

"Patong-patong na kasinungalingan ang sinabi ko sa kanya patungkol sa aking katauhan. Tinawag niya kasi akong bata at kung magsalita siya ay para bang ang tanda-tanda niya sa akin. Mukhang hindi naman nalalayo ang aming edad, kaya tinawag ko rin siyang bata. Sa tingin mo ba nagalit ang prinsipe?" inosente kong tanong sa kanya.

Natigil siya sa pagpupunas sa aking pawis at ang kanyang atensyon ay nasa akin na ng buo. Pinaglaruan ko ang aking mga daliri dahil pakiramdam ko ay pagagalitan niya ako. Ang kaninang kunot niyang noo ay unti-unting nawala at tumawa siya ng malakas dahilan para ang mga kilay ko naman ang nagsalubong ngayon.

"Bakit ka tumatawa?" takang tanong ko.

Humawak pa ito sa kanyang tiyan at napahawak na rin sa kanyang bibig upang takpan ang paglabas ng kanyang mga tawa. Napanguso ako at hinintay siyang matapos.

"Paano ba naman ay daig niyo pa ang nasa edad walo pababa kung mag-usap. Sigurado ka ba na gano'n ang paraan ng inyong pag-uusap? Ang prinsipeng 'yon ay gano'n ka kausapin?" natatawa niya pa rin na tanong.

Tahimik akong tumango.

"Basta! Iiwas na lang ako kung sakali man na magkita kami rito sa palasyo.  Nakakahiya lalo na't bisita sila rito." Pag-aalo ko na lang sa aking sarili.

"Mukha namang hindi sa’yo magagalit iyon, Prinsesa Cresentia." Aniya at umupo sa aking tabi.

"Paano mo naman nasabi? Kilala mo na ba ng matagal ang prinsipe ng Les Dolzovia?" nilingon ko siya saglit bago muling tumingin sa harap at panoorin ang ibang taga-silbi na dumadaan sa aming harap habang ginagawa ang kanilang mga trabaho.

"Hindi, ngunit base sa aking mga naririnig ay totoong masungit daw ang prinsipe. At nakapagtataka na siya pa mismo ang kumakausap sa'yo," sabi pa niya.

Pinagkrus ko ang aking braso sa tapat ng aking dibdib at napasandal na lang sa upuan. Sa totoo lang ay hindi talaga ako pamilyar sa mga anak ng iba't-ibang hari ng bawat palasyo. Kahit nga ang mapapangasawa ng aking kapatid ay ngayon ko lang nakita. Hindi ko nga rin alam ang kanyang pangalan.

At sa tingin ko ang aking mga kapatid at ang iba pang mga prinsipe at prinsesa ay kilala ang bawat isa. Nais ko rin makakilala pa ng iba ngunit imposible naman na mangyari 'yon. Kung sakali man, makikilala ko lang sila kapag naparito ang mga ito sa aming palasyo o 'di kaya kapag may kasiyahan.

Scarlet of Arrows (Book 1)Where stories live. Discover now