Kabanata 48Between
"Ma'am! Ang rami pala nito! Wala naman sigurong bawas 'to sa sahod namin? Haha!"
"Huy! Mahiya ka naman kay Miss Arianne!"
Mula sa malayo ay naririnig ko na kaagad ang mga boses nila. Unti-unting lumalaki ang pagkatao nila hanggang sa makarating na ulit sila sa harap namin. Tahimik lang kami ni Chester, akala mo ay hindi nagkausap kanina. Inilapag nila ang mga paper bags sa ibabaw ng lamesa.
Tumayo na ako para ilabas ang mga laman ng paper bags, para makapagsimula na kaming kumain. Nang mailabas ko na ang lahat ng mga pagkain ay binuksan ko na rin ito. Mayroong tatlong bucket ng crisscut fries, limang bucket ng Jollibee fried chicken, at apat na family pan spaghetti; magkakasama ang kanin sa gilid ng mga iyon, at may mga 1.5 litro na softdrinks.
"Sino'ng magdarasal?" tanong ko. Nang lumapat ang mga mata ko sa isa sa hindi ko masyado nakakausap na tauhan ko, tinawag ko ito. "Idy."
Agad naman itong nag-angat ng tingin sa akin nang tawagin ko siya. Lumitaw ang multo ng kaniyang ngiti, sabay hinga nang malalim.
"Sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo, Amen. Panginoon, maraming salamat at binigyan Ninyo kami ng pagkakataon upang magtipon-tipon ngayong umagahan. Sa mga walang humpay na biyaya, walang araw na hindi kami napapaisip kung nararapat ba ito para sa amin. Sa bawat pagmulat ng aming mga mata, sa bawat pagkain na nakahain sa mesa, lubos at taos-puso namin itong ipinagpapasalamat. Amen."
Nang matapos akong mag-sign of the cross ay dumilat na ako at nag-angat ng tingin. Ganoon din sila.
"Kain na!" sabi ko.
"Walang plato, paano sila kakain?" si Chester.
Nasapo ko na lang ang aking noo dahil sa kaniyang sinabi at hindi na nagsalita. Kumaripas na ako ng takbo patungo sa kuwarto kung saan kami nag-inuman at kumain ng samgyup noon nina Jaryllca.
Mabuti na lang at marami pang paperplate at mga plastic cups doon! Gaano ba ako kalutang para hindi maalala na wala pala kaming ganoon kanina?
Nang makuha ko ang mga kailangan ko ay hindi na ako nagtagal doon at lumabas na. Pati ang bag ko ay dinala ko na rin.
Mahaba-haba pa ang nilakad ko bago ako nakarating sa front. Kaniya-kaniya na sila ng pagkuha ng paperplate at nagpahuli kami ni Chester. Hindi ko na kinailangan na sabihan pa sila na kumuha na ng pagkain.
"'Wag kayong mahiya, kumuha lang kayo," sabi ko nang nagsipag-upuan na sila, hawak-hawak ang kani-kanilang mga plato. Nakatayo na kami ni Chester sa harap ng lamesa, kukuha na ng pagkain.
Natigilan ako sa pagkuha ng manok at nilingon ang lalaki sa gilid ko. "Kumuha ka na," paalala ko sa kaniya dahil hindi pa siya gumagalaw. Tinanguan niya ako at ginawa ang sinabi ko.
Umaalingawngaw ang usapan at tawanan sa puwesto namin. Mabuti na lang at hindi pa dinadagsa ang resort. Wala na ring nasa pool ngayon dahil isinarado muna pansamantala.
Habang patagal nang patagal, mas bumibilis ang pagkain ni Chester, na siyang ipinagtataka ko. Patingin-tingin tuloy ako sa kaniya. Kapansin-pansin din kasi ang paglingon niya sa kaniyang relo, halos bawat sampung segundo. At nang sa wakas ay natapos na siyang kumain, tumayo siya kaagad.
"Sir! Kain pa!" aya sa kaniya ng tauhan ko, na siyang nginitian niya lang at inilingan.
"Mauuna na ako," paalam niya sa kanila.
Nakakunot-noo na ako habang nginunguya ang huling subo sa aking plato, nakatingin sa kaniya.
"Ikaw lang?" biglaan kong tanong, napalingon tuloy siya sa akin.
BINABASA MO ANG
Playing Cards of Heart (Saudade Series #2)
RomanceSaudade Series #2 How can you win if you won't play along with the game of heart? Would you take the chance, and risk just to have no regrets? Chances. Risks. Regrets. Since then, Arianne Flores instilled in her mind that in every chance, you should...