"Ako'y nangangako na lahat nang aking salaysay ay pawang katotohanan lamang..."
Inulit ko ang nilalahad ng babaeng aking nasa harapan. Mid-50's, isang opisyal sa women's desk office.
Nakataas ang kanang kamay at daretsong nakatingin sa aking mga mata. Mula sa pagkakakunot ng kanyang nuo, mababatid kong hilig niyang mangilatis ng mga tao. Nababagay lamang sa kanyang trabaho.
Daretso din sa kanyang malalalim na mata ang aking tingin. Nakikipag-sukatan, kung hanggang saan niya ako kayang basahin at kilatisin. Patuloy ako sa pag-ulit ng kanyang mga binibitawang mga salita. Marahan na tinatandaan ang bawat panunumpang aking binibitawan.
Makikita sa aming gilid ang isa pa niyang kasama na kumukuha nang aming litrato, marahil ito'y magsisilbing patunay na ako'y nanumpa sa ngalan ng batas.
"Salamat, maaari mo nang ibaba ang kamay mo," wika niya nang matapos ang aking panunumpa.
Tipid akong tumango bago sinunod ang kanyang sinabi. Muli, pinagmasdan ko ang kabuuan ng opisina nila.
May mga nakapaskil na achievements ng kanilang branch, mga tropeyo na talagang nakakaagaw ng atensyon. Mga polisiya at mga paalala na nakapaskil sa pader, malapit sa bukana ng kanilang opisina.
May mga litrato rin ng mga naunang opisyales at ng mga kinakatawan ng gobyerno sa ating bansa. Automatikong napataas ang aking kilay nang dumako ang aking paningin sa litrato ni Emilio Aguinaldo. Hindi siya karapat-dapat na tingalain.
"Ia-update na lang po namin kayo, Mrs. Perez. Sa ngayon ay magpahinga na po kayo ng anak niyo," batid ng imbestigador na ngayon ay tapos na sa pagtipa sa keyboard.
Kung hindi ako nagkakamali ay alas dose na nang umaga. Mahigit limang oras na kami sa kanilang opisina, natagalan kami sa pagproseso ng mga papeles dahil nagpabalik-balik kami sa kung saang-saang ahensya at barangay.
Gusto nang pumikit ng aking mga mata at magpahinga. Mukhang napagod ata ako kakabuhos ng mga luha at hikbi. Mabuti na lang at hindi ganong kabarado ang aking ilong.
"Maraming salamat po, Ma'am. Salamat po sa oras," pagpapasalamat ng aking ina.
Naisin ko mang magpasalanat, ngunit hindi ko magawang ibuka ang aking bibig. Mabuti nalang at nahaharangan ng face mask ang aking bibig.
Sinuklian kami ng ngiti ng mga opisyales, subalit makikita sa kanilang mga mata ang pag-aalala sa akin. Bakas ang awa sa kanilang mga ekspresyon.
Kahit ako din. Naaawa sa sarili ko. Ang bata ko pa para maranasan ang lahat nang ito.
Tumayo nalang ako at sumunod sa aking ina palabas nang kanilang opisina. Naabutan namin ang aking step-mother na naghihintay sa isang upuan. Bakas ang pagod sa kanyang mukha ngunit mas nangibabaw ang pag-aalala at lungkot sa kanya.
Nang makita siya ay nais ko ulit umiyak. Nais kong ibuhos ulit ang lahat ng sakit na dinanas ko. Lahat ng pagtitiis na aking sinarili sa loob ng sampung taon. Ngunit wala na ata akong mailuluha ngayon. Halos buong araw ko na itong binuhos.
Ngayon lang ako nakaramdam ng pananakit sa aking mata dahil sa sobrang pag-iyak. Kulang nalang ay labasan na ito ng dugo.
Napalingon ulit ako sa aking step-mother. Pati siya at mga kapatid ko ay nadamay pa sa aking problema. Ang malas ko talaga. Bakit kasi nabuhay pa ako sa mundong ito?
Nang makita niya kami ay agad din siyang napatayo. Nag-usap sila saglit ng aking ina at naiwan ako sa aking kinatatayuan.
Pagod na ako.
Physically and mentally.
Ang daming bagay ang tumatakbo sa aking isipan. For the first time in a while, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin.
Hindi ko alam kung anong mangyayari pagtapos ang lahat ng ito.
Makakamit ko ba ang hustisya?
Makakangiti pa kaya ako ng tunay matapos ang lahat ng ito?
Mawawala na ba ang takot at pangamba ko?
Magiging payapa na ba ang buhay ko?
Sa totoo lang, hindi ko alam. Kahit sa imahinasyon, hindi ko makita ang aking sarili na makakamit ang mga ito. Masyadong malabo.
Hindi naman ito basta-basta kwento lang na maaari kong bigyan ng happy ending kung gugustuhin ko. Hindi naman ito palabas para ipakita na laging nananalo ang bida sa mga problema na kanyang kinahaharap.
Ni hindi nga malapit sa isang storya o telenobela ang aking buhay. Dahil hindi ko naman makita ang kagandahan nito, puro sakit at pighati lang.
Sa loob ng labing pitong taon, hindi ako ang inaakala nilang kakilala na nila.
Hindi nila kilala ang taong nasa likod ng aking pekeng mga ngiti. Hindi nila kilala ang rebeldeng anak na naging resulta ng pagmamalupit at paghihigpit ng isang magulang.