Si Eunice

4 0 0
                                    

AKO nga pala si Eunice. Pitong taong gulang at nag-iisang anak ng mag-asawang  Jonathan at Evangeline. At dahil sa nag-iisang anak kaya sunod sa layaw. Perpekto naman ang buhay ko at wala na akong mahihiling pa. Hanggang sa dumating si Ella Jane.

Naaalala ko pa nang iuwi ni Mommy at Daddy si Ella Jane. Kalong-kalong pa siya ni Mommy. Ang liit-liit. Kasing liit lang siya ng mga baby doll ko. Ang taba rin ng pisngi niya at mamula-mula. Natutulog siya ng mga oras na iyon, parang hindi gumagalaw.

Inilapag siya ni Mommy sa crib. Nakita kong ingat na ingat sina Mommy at Daddy sa paghawak kay Ella Jane. Mahal na mahal nila ang bunso kong kapatid.

Nang mapag-isa kami ni Ella Jane ay dahan-dahan ko siyang nilapitan sa kaniyang crib, pagkatapos ay inugoy-ugoy ko upang hindi siya magising. Nang alam kong mahimbing na talaga siyang natutulog ay kinuha ko ang nail cutter sa drawer namin. Gamit ang nail cutter, kinurutan ko nang maliit na bahagi ng balat ang braso niya. Nagulat ako at napaatras nang umiyak si Ella Jane. Nagtataka ako. Bakit siya umiyak?

Ang baby doll ko kasi, kahit ilang beses kong binabalatan ay wala akong maririnig na tinig mula sa kaniya. Nakakapagtaka.

Agad namang dinaluhan ni Mommy at Daddy si Ella Jane. Nakita ko pang ginamot ni Mommy ang sugat na ginawa ko sa kaniya. Kitang-kita ko, kitang-kita ng dalawang mata ko ang dugong tumulo sa braso ng kapatid ko. Napakapula. Nakaramdam ako ng kakaiba.

“Eunice, ano ba’ng nasa isip mong bata ka?!” bulyaw ni Daddy sa akin. Nagitla ako. First time lang ni Daddy na pagtaasan ako ng boses.

“H-hindi. . .w-wala akong kasalanan, Daddy. Hindi ako ang may gawa,” mariin kong tanggi at marahas na umiling. “Si Angela ang may gawa, siya ang may kasalanan!” kaila ko pa at nagsinungaling.

“Sinong Angela? Tayo-tayo lang ang nandito. Sinungaling ka nang bata ka, ah!” Lalong nagalit si Daddy at marahas akong pinalo sa puwetan ko gamit ang kaniyang mga kamay. Takot na takot na talaga ako sa kaniya. Para siyang hindi Daddy ko.

Napaiyak na ako. “Nandiyan siya! Nandiyan si Angela, nasa likuran ko siya!” muling katuwiran ko.

Sa isipan ko ay nakabuo ako ng isang pigura ng babaeng kasing edad ko. Nakasuot siya ng bestida at may mahabang buhok. Maganda rin ang mukha niya na kagaya sa barbie doll ko.

“Nakikipagtigasan ka pa sa aking bata ka!” bulyaw muli ni Daddy at marahas akong kinaladkad sa aking kuwarto. Pagkatapos ay itinulak niya ako sa aking kama. Napasubsob ako roon. “Simula ngayon, grounded ka ng isang linggo!” aniya pa bago ini-lock ang pinto ng aking silid.

Umiyak ako nang umiyak habang nakasubsob ang mukha ko sa aking unan. Hindi ko maunawaan ang kasalanan ko at kung bakit ginagawa sa akin ito ng aking ama? Maging si Mommy ay hindi ako pinagtanggol sa pagmamalupit ni Daddy sa akin. Nagtatampo ako sa kanila!

“Kasalanan mo ang lahat ng ito, Angela!” sigaw ko sa aking sarili.

“Sorry na, Eunice, hindi ko naman sinasadya,” anang boses sa aking tabi. Agad akong napabangon at nakita ko sa aking harapan ang pigurang nabuo sa aking isipan; si Angela.

“T-totoo ka talaga, Angela?” Hindi ako makapaniwala.

Nakangiti namang tumango si Angela sa akin at hinawakan ang mga kamay ko. “Simula ngayon, bestfriend na tayo, ha?”

Lumipas ang isang linggo na hindi ako nainip sa aking kuwarto. Tinotoo ni Daddy ang pasya niyang ikulong ako roon. Maliban pang sina Mommy at Daddy ay naging abala na sa kapatid kong si Ella Jane, hindi na talaga nila ako mahal.

“Pero mahal kita, Eunice,” singit ni Angela na ikinangiti ko naman. Nawala man ang pagmamahal ng mga magulang ko ay napalitan naman ito ng isang matalik na kaibigan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 19, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

My Psychological Thought (One Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon