KUNG AKO BA SIYA?
Kay tagal kong naghintay, pero hindi napagbigyan
Nang siya’y dumating, nalaman kong kayo’y nagtanan
Saglit nagkakilala, iyo agad minahal
Naiwan ako sa ere, puso ay supalpal
Alam kong matangkad siya at mas mukhang gwapo
Kumpara sakin, maliit at mukha pang suplado
Ano ba talagang meron siya na wala ako
Upang puso ko ay maiwang wasak at baldado
Makinis kanyang mukha, matangos pa ang ilong
Ilong at kutis ko ay pinoy, pamporma lang ay maong
Singkit na mga mata, makisig na katawan
Sandali lang! Ako pa ba ay may panlaban??
Aking pag-ibig pinadama din sa pagsulat
Pero araw-araw, kayo’y online at magka-chat
Hindi nagpatalo, binigyan kita isang dosenang rosas
Biglaan, trak ng bulaklak pumarada sa inyong labas
Alam kong mahilig ka sa himig ng musika at banda
Kaya aking pinag-aralan pagtugtog ng gitara
Nakita ko na lang siya, kinantahan ka kasama ang barkada
Gitarista aking tinahak, iyo palang gusto ay bokalista
Sinasabayan kita mula pagpasok at pag-uwi
Traysikel lang masaya na basta tayo’y magkatabi
Nang siya’y dumating, dala ang mamahaling Ducati
Hindi pa dyan natatapos, may Porsche pa pag-uwi
Ano pang magiging laban nitong makata, sa yaring manunuyo
Kung ang panlaban ko lang, mga salitang galing sa puso
Puso ko na matagal nang naghintay sa’yo
Pero naiwan lang sa ere, ito lamang tanong ko
“Kung ako ba siya, mapapansin mo rin ba ako?”
TAGA-ILOG09 04/05/2015
BINABASA MO ANG
Bulong ng Damdamin #Wattys2015
PoesíaMga tulang binubulong ng damdamin. Mga tulang nais sambitin, sa mga taong nais 'tong intindihin, lalo na sa taong aking mamahalin.