Fries and Sundae by mercy_jhigz

388 20 4
                                    

NOTE: Hello, 2022. The past year was a tough one for ABC Writes because we lost a good friend. Ate mercy_jhigz, we (Asherina and Barbs) miss you every day. We love you and we will never forget you and our friendship. 

Ngayong bagong taon, sabay-sabay po nating basahin ang huling kwento na isinulat ni ate Casper. Isinulat ito ni Ate noong September 12, 2020, at kaming dalawa pa lang ni Asherina at Barbs ang nakabasa nito. Gusto naming i-share sa inyo ang One Shot Story na nagpatawa at nagpakilig sa amin. Sana magustuhan niyo.

***

SHANE

LUMAKI AKO SA simpleng pamumuhay. Panganay sa anim na magkakapatid. Si Papa, nagtatrabaho bilang electrician. Si Mama, nasa bahay lang. Kaya sobrang hands on ni Mama sa aming magkakapatid.

Ang aking mahal na ina ang nasusunod sa mga damit na sinusuot tuwing may okasyon, mapa pasko man o kaarawan. Halos mga bestida ang sinusuot ko dati—mga damit na napipilitang isuot lang. Masyado pa akong bata noon para pagtuunan ng pansin ang hindi ko pagkahilig sa pambabaeng damit o ang kasiyahan tuwing napagkakasunduan ng aking mga kababata na panglalaking laro naman ang aming laruin at hindi bahay-bahayan.

Nasa ikalimang baitang ako noong bilhan ako ng aking ina ng pantalon. Hindi ko maipaliwanag ang aking kasiyahan noong panahon na yun. Parang habang suot ko siya, ibang tao ako, masaya, parang nasa tamang mundo lang. Pantalon lang naman yun pero ang laking binago sa buong pagkatao ko. Simula noon, hindi na ako nagsuot ng bestida. Nahalata din siguro ni Mama na hindi ako masaya sa mga pambabaeng damit na pinapasuot niya kaya simula sa unang pantalon na binili niya, naging taon-taon na.

Nasa High School ako noong naging malinaw sa akin na hindi nga ako katulad ng ibang babae. Ang mga ka-edad ko, ang pinagtutuuan ng pansin ay mga pangkulurete sa mukha nila. Ako, wala man lang alam sa hawak nila. Yung mga kaklase ko, sinasayang ang vacant period para mag abang ng mga gwapong dumadaan. Tapos sabay-sabay na titili pag sila ay napansin. Nakakalito ang kanilang mga pagkilos. Para sa akin, normal na tao lang naman yung dumaan. Hindi ako kinilig na umabot sa puntong magtititili ako kahit pa nga ngumiti yung isa akin.

Pagtuntong ng kolehiyo, doon na mas naging malinaw kung ano ang pinipilit ng tsismosang kapitbahay sa akin.

Tomboy ako.

Dahil sa aking pananamit at hindi ako nabuntis noong ako ay High School ang naging basehan nila. Pero mas naging malinaw ang sinasabi nila habang tumatagal ako sa kolehiyo. Dito, maeami na ang magkasintahan na parehas babae. Walang pag aalinlangan ang pagpapakita ng pagmamahal. Hindi mo makikita ang pagkailang sa kanila at higit sa lahat, masaya sila. Hindi ko mapigilan na pagmasdan sila tuwing breaktime. Inilalagay ang sarili kung ako ba ang may kasamang babae din? At magkahugpong ang aming mga kamay?

Matatanggap kaya ng pamilya ko?

Bukod sa tanong na yan, parang may kung anong kasiyahan ang lumukob sa akin. Baka nga umpisa pa lang, kabilang na ako sa kanila. Nakatago lang dahil hindi ko rin naman alam na posible pa lang pusong lalaki ako sa katawan ng isang babae. Ang pagkainis sa bestida at pagkagiliw sa pantalon ay senyales na pala dati na hindi ko naman pinansin.

Pero matatanggap nga ba nila ako?

Parang dito ka nga rin mapapatanong. Bakit hindi nila ako tatanggapin? Kasalanan ba na magpakatotoo? Kasalanan ko ba kung piliin kong maging masaya?

Pinili ko munang magseryoso sa pag-aaral. Kasi kahit ano mang pagkatao ang pinaglalaban ko ngayon, sa huli, panganay pa rin akong kapatid na kailangan tumulong sa pag aaral ng iba ko pang kapatid. Ang tumulong sa pamilya pag nakapagtapos. Kaya nga, 'di ba? Mas pinili ko ang kurso ko ngayon? Dahil dito, may trabaho agad. Hindi katulad ng parati kong napapakinggan. Kung sakaling gusto ko ang pinili ko, hindi ako mapapakain nang pagsusulat. Kaya inisip ko ang pamilya ko bago ang sarili ko.

Fries and SundaeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon