Kabanata 10
Sobrang bilis ng mga sumunod na pangyayari. Hindi nga ako makapaniwala na nagawa ko pang maalala ang lahat ng iyon habang nakatayo ako rito ngayon sa loob ng library at tinatanaw ang mga bituin mula sa bintana.
Si Gold ang unang pumasok sa eksena, pagkatapos ay sa sobrang pagkalito at takot niya sa ginagawang pagsisigaw ni Ate Hannah ay dali-dali niyang tinawag si mama. Ang isiping darating si mama at maririnig niya ang kuwento ni Ate Hannah na hindi ko alam kung saan nagmula ay nagpasiklab ng matinding takot sa akin. Kahit wala naman akong ginawang masama, takot na takot ako habang naghihintay.
Kaya naman pagdating pa lamang nito ay umiiling na agad ako habang nangingilid ang mga luha sa takot.
"H-Hindi ko po ginawa ang sinabi niya, mama..."
"Sinungaling!" sigaw ni Ate Hannah.
Bahagyang magulo ang kanyang buhok at may mga sugat na ang kanyang braso na ikinagulat ko. Naalala ko ang paghahawi niya kanina sa ipis. Doon siguro niya siguro iyon nakuha.
Pinakalma ni mama si Ate Hannah. Ilang minuto pa ay dumating na rin si papa na talagang lumiban muna sa trabaho dahil sa nangyari. Mas lalo akong natakot at kinabahan dahil doon. Wala akong ibang magawa sa tabi kundi umiyak, takot na takot na maniwala ang aking mga magulang sa kasalanang sinasabi ni Ate Hannah na hindi ko naman ginawa.
"Jewel..." nagbabanta ang tinig ni papa matapos niyang marinig ang kuwento ni Ate Hannah habang umiiyak.
Umiling-iling ako. "Hindi ko po ginawa, papa!"
Nakatingin lang sa akin si papa na para bang naguguluhan na siya at hindi na alam kung ano ang gagawin.
"Hon, alam mong hindi magagawa ng anak natin 'yan..." sabi ni mama.
Pinatatahan niya si Ate Hannah na natigilan at napatingin sa kanya. Tila siya nagulat dahil hindi naniniwala sa kanya ang mama ko. Nang mag-angat siya ng tingin sa akin, sobrang sama na talaga ng loob ko sa kanya.
Inutusan ni papa ang kapatid kong si Gold na samahan muna si Ate Hannah sa loob ng guest room para makausap nila ako nang maayos. Ngunit bago tuluyang umakyat ay nirekomenda ng kapatid ko na tingnan na lang ang CCTV para makasiguro at matapos na ang lahat. Nanlaki ang mga mata ni Ate Hannah. Nakita kong tiningala niya ang kisame para hagilapin kung totoo bang may mga CCTV para lang mamutla nang makumpirmang mayroon nga.
Medyo nakahinga ako nang maluwag dahil doon. Gayon pa man, hindi pa rin ako makapaniwalang sinisi niya ako at pinagsalitaan ng kung ano-ano kanina.
Sa huli, dahil sa CCTV footage, napatunayan din na walang katotohanan ang lahat ng kinuwento niya.
Galit na galit si mama. Ganoon din si papa. Kaya naman, ang pagsisinungaling ni Ate Hannah ang naging sapat na dahilan para paalisin siya sa trabaho kahit pa ilang ulit siyang humingi ng tawad sa mga magulang ko.
"I knew there was something wrong with that girl. Bukod sa sinungaling ay higad rin pala!" namumula sa galit na sabi ni mama.
Nakita rin kasi nila sa CCTV 'yong pagyakap na ginawa ni Ate Hannah kay Zach. Maging 'yong pag-iyak ko habang tumatakbo sa hallway pagkatapos silang makita. Hiyang-hiya ako sa mga magulang ko dahil doon pero mukhang wala lang iyon sa kanila. Mas pinagtuunan nila ng pansin ang iba pang footage.
Natigil ako sa pagtapik ng bintana nang bumukas ang pinto. Mabilis akong napalingon.
"Z-Zach..." kinakabahang sambit ko.
Alam kong alam niya ang nangyari kanina. Sa ugali pa lang ng mga magulang ko, siguradong kinuwento na nila sa kanya ang tungkol doon pagdating niya. Lalo na't hanggang ngayon ay akala pa rin nila nobyo ko siya.
BINABASA MO ANG
TVD #5: The Day She Confessed
Teen FictionJewel Aeon Tabusares, a young high school student from the lowest section, decides to confess her feelings to Zachiro Montague on the heart's day. Unfortunately, she got dumped. -- The most intelligent student in their school, Zachiro Montague, has...