Beneath the Lurking Horizon
"Apo."
"Po?" tanong ko sa lunduyan ng aming sayawan.
"May boyfriend ka na ba, iha?"
Napabungisngis na lamang ako at bahagyang inilayo ang balikat ng lola ko sa 'kin. "Ako pa po talaga tinanong ni'yo niyan, Mommy?"
Sabay na lamang kaming natawa at muli niyang ibinalik ang pagkakasandal ng kaniyang ulo sa aking dibdib, patuloy pa rin ang pag-ugoy namin sa kalmadong tugtugin ng paligid.
"Eh, sino iyong kanina pang nakatingin sa 'tin? Hindi mo ba jowa 'yon?"
Nanliit ang mata ko nang maka-ikot kami at mahagilap ang tinutukoy niya, si Oreo?
Tinanggal ko agad ang titig ko rito nang sinalubong ko ang kaniya. Iyong mga tinginan niya kasi, parang sinusuong iyong kaluluwa mo. Mga tingin na parang alam niya ang mga maiitim mong sikreto; kahit pa alam mong wala kang masamang ginagawa, mukha kang makasalanan: nakakakaba, nakalulunod.
"H-Hindi po, 'my. Hindi naman a-ako nagdala riyan, eh. Si Ate Hyuna."
"Bakit hindi? Magandang lalaki naman, eh."
Guwapo nga, mukha namang mangangako ng kasal bago gawin iyong mahalagang misyon kuno tapos hindi na pala babalik.
Huminto kami nang tumigil ang kantang sumasaklob sa silid. At doon muling naalala ang dami ng taong nanonood sa aming dalawa sa loob ng humigit-kumulang tatlong minuto.
Bumalik ako sa sariling diwa nang hilahin ako ni Mommy sa isang gawi, mukhang nakapili na agad siya.
Nagpatianod na lamang ako nang mapansin kung saang puwesto ang tinatahak nito.
No, no. This can't be happening. . .
"May I?" Inilahad ng lola ko ang palad niyang nakatalikod sa lalaking nasa harapan namin, pareho kami ngayong nakatingala sa katangkaran nito.
Sumulyap ako sa lahat ng taong naghihintay na um-oo ito, habang ako ay sinusumpa na sana hindi ito totoo; ngunit hindi ako puwedeng gumawa ng iskandalo sa pagkakataong ito, hindi. Hindi sa kaarawan ni Mommy.
Matalas na lamang akong napatitig sa kanang kamay ng lola ko na parang kaya kong manipulahin ang kahit anong bagay na makahahadlang sa pagtanggap nito subalit huli na nang palakpakan na ng mga bisita ang nagpatunay na wala na ngang ibang paraan.
Hinawakan niya ang mga daliring nakabaluktot sa kamay ni Mommy upang ilapit ito sa kaniyang labi at halikan. Nakarinig pa ako ng mga impit na tili at bulungan na ni kesyo sana sila na lang.
Mahiya naman sila sa mga lola nila.
"Binibini?"
"Oh, bakit?" matapang na sagot ko sa kaniya dala na rin ng gulat.
"Your hands."
Pumaling ang ulo ko sa kamay kong napakahigpit ng kapit sa kaliwang kamay ni Mommy. Napapahiya ko naman itong binitawan at hinagip ng ngiti ang lola ko.
Nilingon ko silang dalawa na naglakad muli sa gitnang bahagi ng lugar kung saan kami naroon kanina bago ipinatong naman ng lalaking ito sa balikat niya pataas ang braso ng lola ko.
BINABASA MO ANG
Cup Bearer's Wine
FantasyCup Bearer's Wine: VoraciousGanymede's collection of stories as wine; and yet, it is not typically one-shot stories as you expected to be. It will reminded that, every part of this book could be the "preview" of my upcoming novels. So I hope you wil...