Hindi ko alam kung paano ako nakarating dito sa tapat ng bahay ni Lanz. Parang gumana lang ang adrenaline ko at nagawa kong makapunta dito nang hindi ko namamalayan. Samantalang kung maayos ang utak ko ay maliligaw talaga ako sa pasikot-sikot ng daan papunta rito.
Binuksan ko ang gate niya dahil tinuro niya naman sa 'kin nun kung paano ang sikret na pagbukas nito kapag walang magbubukas sa akin sa labas ng gate.
Nakapasok ako sa loob nang wala siyang kamalay-malay. Sinabi rin kasi niya sa 'kin ang sikretong daanan ng bahay niya kapag na-lock raw ako sa labas nito at hindi ako makapasok sa loob.
Pagdating ko sa sala ay nakakaamoy na ako ng pabango ng babae. Amoy jasmine na nahaluan ng vanilla. Basta mabango.
Nakakaamoy ako ng selos. Para sa 'kin yun talaga ang amoy ng nakakaselos. Hindi ko ma-explain ang nararamdaman ko.
Parang sumikip na naman ulit ang dibdib ko sa kaba. Napansin kong naka-dim na lang din ang ilaw ng buong bahay. Umakyat ako sa kwarto ni Lanz at nakaawang ng kaunti ang pintuan.
Huminga ako nang malalim bago ito silipin habang kabang-kaba na ako sa kung anong makikita ko sa loob nito. Iniisip kong itutuloy ko pa ba o hindi na? Kaso lang kung gagawin ko 'to. Parang sasaktan ko lang din ang sarili ko. Mas mabuti pa ba na 'wag ko nang alamin?
Kaya lang hindi rin naman ako makakatulog sa kaiisip kung sakaling hindi ko malaman kung anong mayro'n sa loob.
Humapdi na ang mga mata ko at nagsimula nang sumakit ang lalamunan ko dahil sa pagpipigil ko ng iyak. Hindi ko na matiis pa ay gusto ko na rin makita at makausap si Lanz.
Nanginginig pa ang mga kamay ko habang marahan kong tinulak ang pintuan ng kwarto.
"Who are you?" Isang maputing babae na mukhang may lahi dahil sa kanyang blonde na buhok at matangos na ilong. Tila magkasing tangkad sila ni Lanz.
Nadatnan ko siyang nakaupo sa higaan ni Lanz habang umiinom ng wine.
"Nasa'n si Lanz?" tanong ko at hindi ko na nagawang sagutin pa ang tanong ng babae. Parang gusto ko nang umiyak sa harapan niya. Hinagilap ko kaagad si Lanz sa loob ng kwarto niya pero wala siya ro'n.
"Who are you? What are you doing here?" tanong ulit niya.
Kumunot ang noo 'ko at lumingon sa kanya. Pinipigilan kong umiyak kasi ayokong makita niya ako na umiiyak.
Since mukha nga naman siyang banyaga feeling ko ay need ko pa mag-English para lang makausap siya. Mukhang mali ang desisyon kong pagpunta rito ah. Pero sige. Ako na ang mag-adjust. Nahiya naman ako na siya ang nandito sa Pilipinas. Pero sige. Ako na ang mag-English para sa kanya.
"Ahhhm—where is Lanz?" tanong ko.
Napatayo siya sa higaan at nag-angat ng kilay habang bitbit ang kanyang baso na may laman na wine.
"First of all, why would I tell you? Second, who are you?" tanong niya habang nakatitig nang masama sa 'kin.
Kahit 'di ako magaling mag-English ay nakakaintindi naman ako ng kaunti sa English.
"I'm—" Nag-isip ako sandali. Anong sasabihin ko ngayon? Pumikit ako at huminga nang malalim. "I'm his bestfriend," sabi ko.
Kumunot ang noo niya. "Bestfriend?" tanong niya.
Tumango lang ako. "Oo nga bestfriend! Paulit-ulit?" sabi ko, tapos biglang nag-ring ang cellphone ko.
Nakita kong si Shaina ang tumatawag kaya sinagot ko kaagad. Alam kong magaling siya mag-english kaya matutulungan niya ako kung sakali.
Pagtapat ko pa lang sa tainga ko ay narinig ko kaagad si Lanz na sumigaw sa kabilang linya at nagagalit sa akin.
"Bakit ka ba sumisigaw? Nasa'n ka?" tanong ko.
"Ikaw ang nasaan Barbi! Saan ka ba pumunta? Nag-aalala na ako sa 'yo!" sigaw niya.
Napakunot-noo ako. "Huh? Nandito ako ngayon sa bahay mo eh. Hinahanap kita," sabi ko.
Narinig ko siyang nag-tsk! sa kabilang linya. "Anong ginagawa mo dyan? Nandito ako ngayon sa Orphange!" sabi niya.
"Huh? Ay! Teka lang wait mo ko dyan," sabi ko sabay lingon sa blonde girl na nakatayo habang nakatingin sa akin.
"Tsk! Ano ka ba naman! Bakit umalis ka nang ganitong oras? Ipapasundo kita dyan kay Dan. Wait ka dyan. Iwasan mong masundan ka ni Candace okey?" sabi ni Lanz.
Napabuntong-hininga ako habang nakatitig sa amerikanang nakatayo sa harapan ko. Baka siya si Candace.
"Oo na. Sige na. Papuntahin mo na dito si Dan," sabi ko.
Binaba ko na ang cellphone ko at ngumiti kay Candace. "By the way. I have to go now. Have a good night. Sleep well sabi ko na lang sabay ngiti at nagmadaling umalis sa harap niya.
Kaagad akong nagmadali na lumabas ng bahay ni Lanz at hindi ko na hinintay ang sagot niya. Pagsarado ko sa gate ay nakita ko si Candace na nakatanaw sa 'kin mula sa bintana ng kwarto ni Lanz. Tila hinatid talaga niya ako nang tingin palabas ng gate.
Kaya lang... Kung dito ko hihintayin si Dan ay makikita kami ni Candace. Kapag naglakad naman ako papunta sa kanto ay mataas ang talahib sa daanan. Baka naman matagpuan na lang akong nakahandusay bukas sa damuhan.
Tumingin ako sa bintana ulit at nakatingin pa rin sa akin si Candace. At ngayon ay may kausap na siya sa cellphone. Tinawagan ko kaagad si Shaina at sinabi kong sa Gaisano Mall na lang nila ako sunduin ni Dan.
Nagmadali akong maglakad papunta sa kanto kahit madilim. Wala naman sigurong mangyayaring masama sa akin.
Tatlong oras bago dumating si Dan at Shaina. Pagsakay ko sa backseat ng kotse ay nandon si Lanz na nakaupo at seryoso ang mukha. Mabilis niya akong hinila palapit sa kanya at inakbayan. "Ano bang ginagawa mo Barbi?" galit niyang tanong.
Sumimangot ako. "Eh kasi nag-alala ako sa 'yo eh. 'Di ka kasi dumating kanina," sabi ko.
Hindi ko na sinabing narinig ko si Shaina at baka maging komplikado pa ang lahat.
"Nakapasok ka ba sa bahay?" tanong ni Lanz.
Tumango ako at sumandal sa balikat niya. "Oo," sagot ko.
Huminga siya nang malalim. "Anong ginawa niya sa 'yo? Sinaktan ka ba niya?" tanong ni Lanz.
Si Candace yata ang tinutukoy niya. Wala namang ibang pwedeng manakit sa akin sa loob ng bahay niya eh.
Umiling ako. "Hindi naman niya ako sinaktan. Mukha rin naman siyang mabait. Yun nga lang nagulat siya bakit ako nandon sa bahay mo," sabi ko.
"Wala ba siyang... Sinabi sa 'yo?" tanong niya.
Kumunot-noo ako at umiling ulit. "Kung mayro'n man siyang sasabihin ay hindi ko rin naman maiintindihan. English kasi eh," sabi ko.
Ngumiti si Lanz at tumango-tango. "Yung sinabi ko sa 'yo kahapon ah. 'Wag mong kalimutan," sabi niya.
Tumango ako. "Teka lang! Bakit pala pumunta ka ng orphanage?" tanong ko.
Ngumisi siya. "Kasi ikaw ang gusto kong kasama eh," nakangisi niyang sabi.
BINABASA MO ANG
Dear Chocolate Box
RomanceAng buhay ay parang kahon ng tsokolate. kapag natanggap mo, wala kang ideya kung ano ang nilalaman nito. Ngunit para sa isang taong tunay na nagmamahal, handang lasapin ni Barbi Dixon ang pait ng mga pagsubok ng buhay makita at makasama lang niya u...