Hello Again (Update 2.3.)

79.6K 4.5K 4.2K
                                    

"Hello Again"


Natutop ko ang aking bibig pagpasok ko sa ika-anim na kuwarto. Sa loob kasi nito nakaburol ang isang mahabang kabaong. Sinalubong agad ako ng masangsang na amoy. Napatakip ako ng ilong dahil nasusuka ako sa amoy na tila ba nabubulok na laman.


Ito ang ika-anim na kuwarto sa panaginip ko. Ang kaibahan lang nito ay nakakandado ito sa bangungot ko. Dito namin nadiskubre nila Klay at Green na rito ikinulong ang grandparents nilang sina Don Saul at Donya Soler. Dito rin ikinulong muna ang mag-asawang Rogelio at Corazon bago nangyari ang lahat ayon sa diary entry na nabasa ko.


May mga upuan na nakasalansan bago ang puwesto ng kabaong. Nakapagtatakang isang matandang babae lang ang nadatnan ko sa kabila ng dami ng upuan na naroon. Nakatalikod siya sa gawi ko.


"N-nasaan po ang mga nakikipaglamay?" tanong ko kay Lolo Saul na nasa likuran ko lang. 


Narinig ko ang malalim niyang paghinga. "Walang nakikipaglamay, hija."


"P-po?" Napabaling tuloy ulit ako roon sa matandang babaeng nakaluhod sa pagkakaupo. Magkasalikop ang mga palad niya at mukhang nananalangin siya. "Siya po? Hindi po ba siya nakikilamay?"


"Siya si Corazon."


Nanlaki ang mga mata ko. "A-asawa po siya ni Lolo Rogelio?"


Malungkot na tumango ang matanda. Bagama't may pagtataka sa mukha niya kung paanong naging tama ang hula ko.


Hindi ko maintindihan ang mga nangyayari. Sa diary ni Corazon na nabasa ko, ngayon pa lang mamamasukan bilang kawaksi ang dalawa sa mga Castellano. Pero bakit ganito na ang nadatnan ko? Bakit wala nang buhay si Rogelio?


"Matanong ko lang po, ilang araw na po nakaburol dito ang bangkay?" lakas-loob kong tanong. 


Hindi agad nakasagot si Lolo Saul. "Bakit mo naitanong, hija?"


"B-bakit po parang nangangamoy na?"


"Isang buwan na siyang nakaburol." Isang tinig ng matandang babae ang biglang nagsalita mula sa hallway. Lumapit ito sa amin habang pinapagulong ang wheelchair na kanyang kinauupuan.


Kilala ko siya. Siya si Donya Soler. Puti ang mahaba niyang buhok at may suot siyang clear glasses. Katulad ng naiimagine ko sa picture na pinagmasdan ko sa aking panaginip.


"Magandang hapon po, Donya Soler–"


"You must be Ember." Tumingala sa akin ang matandang babae nang makalapit siya sa amin.


"O-opo."


"Just call me Lola. Nakausap ko ang aking apo." Si Green tiyak ang tinutukoy niya. "Ikinuwento niya ang tungkol sa'yo." Nakangiti sa akin ang maamong mukha ni Lola Soler.

Casa Inferno (The heart's home)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon