Kabanata 11

219 19 8
                                    

Dahan-dahan kong naisara ang pinto ng silid. Sa unang pagkakataon ay ngayon lang ako sobrang nasaktan sa binitawang salita ng aking ina. I’m a disappointment. I understand that they are mad at me for what I did. Sinuway ko ang kanilang bilin. 

Masakit pala na marinig ito ng harap-harapan. Maaaring natakot sila sa nangyari kanina dahil hindi ako natagpuan sa aking silid at ganoon pa ang nangyari. Hindi ko sila masisisi. 

Nagsimula na akong maglakad sa pasilyo at sa bawat tapak ng aking mga paa ay siyang pagtulo ng aking mga luha. Hindi nila kailanman nakita ang pag-iyak ko dahil pilit ko itong itinatago sa kanila. At kahit anong pilit kong pakalmahin ang aking sarili ay hindi ko ito mapigilan. Kahit anong punas ko sa aking mga mata ay lalo lamang may lumalabas na mga luha.

Lumabas ang mahihina kong hikbi at tinakpan ko ang aking bibig ng isa kong kamay upang hindi makagawa ng ingay, habang ang isa kong braso ay iniyakap ko sa aking sarili. Tuluyan na ngang tumigil sa aking paglalakad.

Dalawang araw na ang nakalipas ngunit sobrang sariwa pa rin sa akin ang mga nangyari. Ang pagsugod ng hindi ko napapangalan na kumpol ng mga tao na may iibang kasuotan. Mga pagsabog. Mga sugatan na kawal. Ang mga sigaw at iyak ng mga tao. At higit sa lahat... ang pagkabigo sa mukha ni ama at ang galit na mukha ni ina.

Simula no'n ay hindi na ako napahintulutan pa na lumabas. Sa dalawang araw na nakalipas ay nanatili ako sa loob ng aking silid. Nagbabakasakali na pupunta si Adina rito upang sabihin na maaari na akong lumabas muli.

Ngunit wala. Kahit si Adina ay hindi pinalapit sa akin. 

Totoong nasasaktan ako ngayon. Hindi nila napakinggan ang aking paliwanag. Ni hindi nga ako maaaring sumali sa gaganaping selebrasyon ng kaarawan ng aking ina.

Sigurado ako na marami nang tao sa labas. Mga bisita galing sa ibang lugar ng Hua Albanzious.

Niyakap ko ang aking mga tuhod habang nakasandal ako sa ulunan ng kama. Ang suot ko lang ay ang aking kulay berdeng mahaba na kasuotan. Simple at walang kahit anong palamuti. 

Para saan pa? Hindi rin naman ako maaaring lumabas kahit pa mag-ayos ako ng aking sarili.

Bumuntong-hininga ako. Nais kong mabati si ina kahit saglit lang. 

May parte naman sa akin na tanggap ang parusa lalo't sumuway ako sa kanilang utos. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit kahit sa kaarawan ni ina ay hindi nila ako maaaring makasama?

Hindi naman ito ang unang beses ngunit hanggang ngayon ay nagtatanong pa rin ako sa aking sarili, sa kanila, kung bakit lagi akong nasa ganitong sitwasyon?

Gusto ko lang naman sila na makasama. Gusto ko silang makausap at masabi sa mga ito ang mga nangyari sa aking mga araw habang may masayang ngiti sa labi. Ngunit alam ko rin na sobrang imposible ng aking naiisip.

Nakarinig ako ng katok sa aking pintuan. Dahan-dahan itong bumukas at lumitaw ang isang taga-silbi. Matipid akong ngumiti rito ngunit nanatili siyang nakayuko at hindi man lang nagawang tumingin sa aking direksyon. May bitbit itong pagkain at inilagay lang sa aking lamesa.

"Sandali," tawag ko rito ng akma na siyang aalis.

"Ano po ang maipaglilingkod ko, mahal na prinsesa?" 

Magalang nitong sabi ngunit hindi pa rin tumingin sa akin at nanatiling nakayuko.

"Ah... nakita mo ba si Adina?"

"Hindi po, mahal na prinsesa," bago pa ako magsalitang muli ay mabilis niya ng nalisan ang aking kwarto.

Mukhang sinabihan din sila ng Kamahalan na huwag akong kausapin.

Scarlet of Arrows (Book 1)Where stories live. Discover now