Hindi mawari ni Ana kung ano ang kanyang dapat maramdaman nang marinig ang sinabi ng ina. Simula nang dumating siya sa bahay nila ay parang pinaglalaruan ng mga pangyayari ang kanyang utak. Naritong bumalik ulit si Oliver. Ginawa silang hostage at hindi pa rin direktang sinasabi kung nasaan ang kanyang bunsong si Ford. May hinahanap pa itong kwintas na 'di niya alam kung gaano kahalaga at kung bakit kayang gawin ng lalaki ang lahat makuha lamang ito mula sa kanila. Dumagdag pa ang dalawang Will ng ama na hindi niya alam kung alin ang totoo. Pagkatapos, nandito pa ang ina na nagsusumamong paalisin na siya. Ang mas kinakatakot niya ay parang hindi siya kasama sa plano nitong pag-alis.
Maluha-luha siyang nakatitig sa ginang, ngunit katulad ng kanina pa nitong ginagawa, hindi man lang siya nito tinitingnan.
"Ano bang plano mo, Ma?" gusto niyang isigaw dito ngunit pinipigilan niya ang sarili sa takot na baka ang isagot nito ay ang bagay ni kinakatakot niya.
"P-pakiusap, paalisin mo na ako rito," pagmamakaawa pa rin nito habang animo'y nagdarasal sa harap ng lalaki.
"Pag-iisipan ko," rinig ni Ana at biglang tumawa ang demonyong nasa likod niya. Napakunot noo na lamang siyang nakatitig sa ina, kinikwestiyon ang mga sinasabi nito.
"Anong masasabi mo, bunso?" Nabigla siya sa tanong nito dahilan para mailayo niya ang tingin mula sa ina at ipinunto sa mukha ng lalaking nasa likuran niya. "Huwag mo naman akong patayin, bunso."
Nang makita ang ngisi nito'y gusto niya ulit tadyakan ang paa nito, ngunit ibinalik na lamang ulit niya ang tingin sa ina. Masyado na siyang naiirita sa mga pinapakitang ngiti nito. Ayaw na rin naman niyang galitin ulit ito.
"P-pakiusap Oliver, ha-hayaan mo na ako."
Napanganga si Ana. May kaunting mga luhang gustong magsilabasan sa kanyang mga mata. Gusto niya itong sampalin dahil sa namumuong galit sa kanyang isipan. Hindi man nito sabihin ng direkta ay alam na niya ang gusto nitong ipagpalit kapalit ng kalayaan niya. Bakit kaya mong iwan ako rito, Ma?
"Ikaw lang?"
Nang marinig ang tanong na 'yon mula kay Oliver ay iginawi niya ang tingin sa ibaba at hinayaang lumabas ang mga luha na kanina pa namumuo dahil sa pinagsamang inis, galit, at takot.
"Sure ka?"
Hindi pa rin sumasagot ang ginang, ngunit nang itinaas niya ang mukha para makita ang nakapintang sagot sa mukha nito ay gusto niyang masuka. Wala mang ni isang salitang lumalabas sa bibig niya'y alam niyang kitang-kita ng ina ang namumula niyang mukha at mga mata. Natuyo na ang mga nagsilabasang luha. Anong klaseng ina ka?!
"Kawawa ka naman, Ana." Hindi magawang hindi tingnan ni Ana ang lalaki ng matalim. Lalong nagugustuhan nito ang buong pangyayari. Kitang-kita sa buong mukha nito ang pagkaligalig. Kung hindi lang siya nakagapos ay baka sinampal na niya ito.
"P-pwede na ba a-akong umalis?"
"'Di pa."
"P-pero—" Bigla itong napatigil nang itinaas ng lalaki ang mga supot na dala-dala kanina.
"Walang pero-pero." Tumigil pa ito at binaba ulit ang supot. "Nasa akin ang mga papeles na kailangan mo kaya gawin mo ang gusto ko."
"P-pero wala nga. Wala dito ang kwintas!" hindi mapigilang sigaw ng ginang kahit na kaawa-awa pa rin ang posisyon nito gawa ng kababaril lang na kanang paa. Gusto na talaga nitong umalis sa kaawa-awang posisyon. Gusto na nitong umalis at iwan si Ana. Wala kang kwenta!
"Huwag mo 'kong ginagago tanda."
"H-hindi nga—"
Napatigil ulit ito nang itinutok ulit ni Oliver ang baril sa kanya. Napatawa pa ito at ibinaba ang pagtutok ng baril diretso sa kama. "Sa ilalim ng kama."
BINABASA MO ANG
Pamilya Perfecto
Misterio / Suspenso"Sa pagbabalik ni Ana sa kanilang mansyon, nagbalik din ang kanyang kinakapatid sa ama, ngunit hindi sa dahilang inaasahan niya..." Perpekto ang pamilya ni Ana Santiago. Maraming negosyo at ari-arian ang kanyang ama, at ang ina naman niya'y dating k...