Kabanata 11 - May 22, 2021

69 4 0
                                    

Napuno ang buong paligid ng boses ni Ana. Patuloy itong sumisigaw, tinatawag ang pangalan ng ina habang sinusuntok ang railings ng hagdanan. Ang mga luhang kanina pang pumapatak mula sa mga mata'y natuyo na at napalitan ng sakit... at galit. Ang kanyang ina, patay na. Hindi man niya ito nakitang nahulog, alam niyang ang ina niya ang nahulog. Inihulog. Kita niya mismo ang kasagutan mula sa mga mata ng lalaki.

"Bakit kailangan pang humantong ang lahat sa ganito? Bakit?!" gusto niyang isigaw dito habang tinititigan ng mariin. Ngunit walang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig. Hindi rin niya ito masunggaban dahil siya'y nakatali pa rin. "Bakit, Oliver? Bakit?!"

"Tangina! Tangina! Tangina!" sunod-sunod nitong wasak sa katahimikan habang nanggigigil na hinahawakan ang buhok.

"May gana ka pa talagang magalit, ha?!"

Hindi siya nito sinasagot. Nakatuon pa rin ang buong atensyon nito sa kanyang ina.

"Masaya ka na? Pintay mo si—"

"Hindi ko siya pinatay!"

Nag-aalab ang mga mata nito, ngunit may napapansin siyang kaunting lungkot sa mukha nito. Napaismid ang dalaga. "Demonyo."

"Sa tingin mo kaya kong pumatay, Ana?! Sa tingin mo—"

"Oo!"

Nahinto ito sa planong pagsampal sa kanya. Nawala ang galit nito at napalitan ng pagkabigla.

"Binaril mo siya kanina! Tapos ngayon sasabihin mo sa 'king 'di mo kayang pumatay?!"

Napanganga ito sa sinagot ni Ana. Miminsang bubuka ang bibig nito na parang may sasabihin, ngunit bigla rin nitong ititikom.

"May plano ka pa talagang mabigla? Oliver, mamamatay tao ka!"

"Sabing hindi!" sigaw nito at humakbang ito papalayo sa kanya. Tumingin ito sa ibaba ng hagdan at magsasalita na sana si Ana nang ibinalik ulit nito ang mga tingin sa kanya. "Kung mamamatay-tao ako, Ana, sana pinatay ko na kayo noon pa!"

Siya naman ang nabigla. Hindi na niya alam ang isusunod sa sinagot nito.

"Pero hindi, 'di ba?" Madiin ang pagkatitig nito sa kanya, animo'y hinihintay siyang sumang-ayon.

"P-pero pinatay mo pa rin siya," pilit niyang tugon dito.

"Tangina, Ana!" Hinanda na niya ang sarili sa maaaring paglapit nito. "Hindi ko siya pinatay! Nahulog siya! Nahulog!"

"Pa'no mo nasabing nahulog?" paghahamon niya sa lalaki. Hindi naman talaga niya alam ang totoong nangyari. Baka nga nagsisinungaling ito ngayon.

"Alam mo bakit?" mariing tanong nito sa kanya. "Dahil sa putanginang mga papeles na 'yan!"

Hindi niya alam ang sasabihin. Iginawi niya ang ulo pakanan at pakaliwa. Marami pa ring mga papeles na nasa sahig, pero hindi na niya kailangang tingnan ulit ang ina para masabing pinapaliguan ng dugo ang katawan nito kasama ng mga papeles na nakapangalan dito.

Napayuko siya sa naisip. Patay na ang ina, ngunit malinaw pa rin ang prayoridad nito. Pera at kayamanan kapalit ng kanyang buhay.

Gusto niyang burahin ang ideyang ito at ang imahe kung paano ginawa ng ina ang lahat para makuha lamang ang mga papeles mula kay Oliver, ngunit hindi ito mawala-wala. Bakit pa ba kasi napunta siya sa sitwasyong ito? Kung hindi na lamang siya umuwi ay sana nasa dormitoryo siya ngayon, nagbabasa ng nobela o nanonood ng telebisyon.

Biglang natigil ang kanyang pag-iisip nang marinig ang hakbang ng lalaki. Itinaas niya ang tingin dito.

"Tayo na," saad pa nito ngunit wala siyang planong umalis sa kinasasadlakan.

Ilang sandali rin itong nakatayo sa kanyang gilid. Ramdam niyang tinitingnan siya nito.

"Ano bang gusto mo?! Patay na si mama tapos may mga pera at alahas ka pang makukuha kaya umalis ka na! Umalis ka niya, pakiusap lang. Umalis ka na!"

Nag-aapoy pa rin ang kanyang buong mukha at akmang susunggaban niya ulit ito nang biglang lumamlam ang titig ng lalaki. Nabigla siya sa biglaang pag-iba ng emosyong nakikita niya sa mukha nito.

"Aalis ako kapag nasa akin na ang kwintas." Madiin ang bawat pagkakasabi nito ng mga salita.

May sasabihin pa sana ito nang biglang marinig nila ang tunog ng telepono. Sabay silang napatingin sa ibaba, hinihintay ang pagkawala ng tunog.

Ilang segundo pa'y nawala na nga ito, ngunit may narinig ulit silang tunog. Nakatingin pa rin ang lalaki sa gawing kaliwa kung nasaan ang kanilang sala. Hindi ito mula sa kanilang telepono, alam 'yan ni Ana. Dahil ang pangalawang tunog ay mula mismo sa kanyang cellphone.

Nabuhayan siya ng loob dahil sa naisip. Kung makukuha lamang niya ang cellphone ay maaaring matawagan niya ang ama. Ngunit nang tingnan ang lalaking nasa harapan ay napalunok siya sa ideyang baka mapansin nito ang pagkakaiba ng tunog. "Please. Sana naman hindi."

Animo'y ipinagkaloob ng langit ang kanyang kahilingan nang tumigil ang tawag mula sa kanyang cellphone. Nakahinga siya ng maluwag.

Ibinalik ulit ng lalaki ang tingin sa kanya at animo'y nag-iisip. Napalunok siya dahil baka mapansin nito ang pagkakaiba ng dalawang tunog. Kailangan niyang mag-isip. Paano niya makukuha ang cellphone mula sa bag na nasa sala?

"Kailangan nating bumalik sa loob."

Wala pa sana siyang planong sundin ang utos nito, ngunit walang anu-ano'y kinaladkad nito ang upuan kung saan nakatali ang kanyang buong katawan.

"Aray! Ano ba, ang sakit!" sunod-sunod niyang sigaw dito.

"Huwag kang masyadong mag-ingay," seryoso naman nitong utos kahit nahihirapang kaladkarin ang upuan at si Ana.

"Ano ba?!" sigaw pa ng dalaga nang pinahinto ni Oliver ang upuan sa gilid ng kama.

"Iyong kwintas," tanging sabi nito at itinuon ang tingin sa kama.

Napanganga na lamang siya dahil sa ginagawa nito. "Ano ba?! Iyan talaga 'yong iniisip mo?! Iyong mama k—"

"Tumahimik ka!" At bigla siya nitong sinampal.

Hawak-hawak ang namumulang mukha ay tiningnan niya ito, may nangingilid na luha sa mga mata. "Wala kang puso."

"Talaga?" Inilapit pa nito ang mukha sa kanya. "Hindi ko siya pinatay, Ana. Kasalanan niya kung bakit nangyari 'yon sa kanya!"

Sasampalin niya sana ito nang bumalik sa kanyang isip na nakagapos pa rin siya sa isang silya. Sinamaan na lamang niya ito ng tingin sabay pagpupumiglas ng kanyang paa para tadyakan ito.

Lumayo naman ang lalaki para hindi maabot ng mga paa ni Ana. Umupo pa ito sa higaan ng kanyang mga magulang. "Hindi ka naman talaga kasama sa plano, Ana."

"Anong pinagsasabi mo?" gusto niyang itanong dito.

"Hindi naman namin alam na uuwi ka."

Kumunot ang kanyang noo dahil sa sinabi nito. "S-sinong kayo?" Hindi niya alam kung handa siya sa isasagot nito, ngunit pinilit niya ang sarili. "Sabihin mo, sinong kayo?!"

Ngunit hindi ito sumagot. Pilit na inilayo ng lalaki ang mga mata mula sa kanya at tiningnan ang mga papeles at mga gamit na nasa sahig. Pagkatapos ay idineretso nito ang tingin palabas ng kwarto.

"Sundin mo na lang ang utos ko, bunso," may lungkot sa tinig nito habang hindi pa rin ibinabalik ang tingin sa kanya. "Ang gusto ko lang ay ang kwintas. Pagkatapos nito, magiging malaya ka na at si Ford."

Si Ford! Dahil sa sunod-sunod na nangyayari sa kanya at sa nangyari sa ina'y nawala na naman sa kanyang isip ang kapatid.

"Ano ba kasing halaga ng kwintas na 'yan, ha?! Bakit kailangan mo pang isali si Ford? At bakit," huminto siya at tiningnan ng mariin ang lalaki, "Bakit kailangan pang mamatay si mama?"

Ibinalik nito ang tingin sa kanya. Ramdam niyang pinipilit nito ang sarili na hindi magsalita. Ngunit, sinagot din nito ang kanyang tanong... ng sagot na sana'y hindi na lamang niya narinig.

"Hindi ko pinatay ang mama mo, Ana, pero siya..." Tumayo ito mula sa pagkakaupo sa kama. "Pinatay niya ang mama ko."

Pamilya PerfectoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon