Kabanata 13 - May 22, 2021

71 3 0
                                    

Walang masabi si Ana sa sagot ng lalaki. Pinatay? Kaya ginagawa niya ang lahat-lahat ng ito dahil pinatay ng ina niya ang ina ni Oliver?

Kunot-noo siyang nakatingin dito. Hindi makapaniwala sa pinagsasabi ng kinakapatid. Hindi niya mawari kung ito ba ay katotohanan o isa na naman sa mga kasinungalingan nito. "Ano ba talaga ang pinagsasabi mo?"

"Maniwala ka man o hindi, totoo ang mga sinasabi ko, Ana." Walang mababakas na ngiti sa mukha nito. "Pinatay ng nanay mo ang nanay ko."

Hindi pa rin siya makapaniwala rito. Hindi niya alam kung dapat ba siyang maniwala rito. "Pa'no mo mapapatunayan 'yan, ha?" paghahamon niya rito.

Hindi siya naniniwalang kaya ng kanyang ina na pumatay. Gahaman ito sa pera at kaya siyang ipagpalit para lamang sa kalayaan nito, ngunit hindi nito kayang kumitil ng buhay. Ni minsan, sa mga panahong naririto pa siya sa mansyon, nakita niya itong magbanta sa buhay ng iba. Liban lang sa mga panahong naririto pa si Oliver sa mansyon.

Tila nakita ng lalaki ang dahan-dahang pag-alala niya sa mga nangyari noon. Sa kanya. Sa kanilang dalawa. "Alam mong kaya niya, Ana. Kayang-kay—"

"Hindi!" pagpigil niya sa sasabihin nito. "Hindi! Hindi! Hindi!" Gusto na niyang umalis sa pagkakaupo. Pinipilit niyang pakawalan ang sarili.

"Huwag kang maniwala, ayos lang. Pero sisiguraduhin kong makikita ko ang kwintas."

Tumigil siya sa pagkalas sa sarili at tinitigan si Oliver. "Anong magagawa ng kwintas mo, ha?! Patay na si mama! Patay na 'yong taong sinasabi mong pumatay sa mama mo!"

"Hindi!" At ang lalaki naman ngayon ang hindi alam ang sasabihin. Nakakuyom ang mga kamay nito at parang gustong lumuwa ng mga mata sa galit. "Hindi totoo 'yan! Hindi!"

"Wala nang magagawa 'yang kwintas, Oliver. Tapos na! Tapos na ang lahat ng 'to!"

Hindi na napigilan ng lalaki ang sarili. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa kinaroroonan ng dalaga at walang ano-ano'y sinuntok ito sa mukha.

Napahiyaw ang dalaga sa sakit. Hindi man kita'y alam niyang puros sugat na ngayon ang kanyang tuhod at pati na rin ang siko dahil sa pang-ilang beses na yatang pagkahambalos niya sa sahig. Hindi na rin niya masyadong maramdaman ang mukha dahil sa pagsampal at ngayo'y pagsuntok ng lalaki. "Bwisit ka!"

Ngunit kahit ganoon man kasakit ang buong katawan ay hindi na niya pinilit pang iupo ulit ang sarili. Ginalit man niya ang lalaki ay hindi maikakailang alam nitong wala ng kwenta ang paghahanap nito ng kwintas. At kahit sa kaunting rebelasyong iyon ay nagawa niyang ngumisi.

Ilang minuto rin siyang nasa ganoong posisyon nang maisipan na niyang iupo ang sarili. Ang lalaki naman ay bumalik sa pagkakaupo nito sa may hulihan ng kama. Masama pa rin ang titig nito sa kanya. Gusto man niyang ngumiti ay pinilit niyang huwag itong ipakita.

"Huwag kang magsaya," seryoso nitong saad sa kanya na kanya namang kinabigla. "Sa tingin mo marunong kang magtago sa 'kin?" Itinaas pa nito ang kilay.

"Anong pinagsasabi mo?" iritable niyang tanong dito.

Sinagot siya nito ng ngiti at itinuro ang mga mata sa mga papeles, alahas, at iba pang mga gamit na nasa sahig. "Kulang pa 'yan sa lahat-lahat ng kinuha niyo sa 'kin."

"Ano ba talagang pinagsasabi mo?!"

Ibinalik nito ang tingin sa kanya habang dahan-dahang tumayo. "'Yong nanay mo ang kabit ni papa bago pinatay si mama." Idiniin pa nito ang pagbigkas sa salitang 'pinatay'.

Napalunok si Ana.

"Oo, bunso. Sa tingin mo talaga kayo 'yong unang pamilya? Na kayo 'yong perpektong pamilya... at ako naman 'tong anak ng kabit na dinala ng demonyong tatay ko sa mansyong ito?!"

Pamilya PerfectoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon