Kabanata 27 - October 3, 2021

88 3 0
                                    

Limang beses. Limang beses niyang sinaksak ang kanyang ama ng araw ding iyon. Kahit ngayong ilang buwan na ang nakalipas ay hindi pa rin pa rin mawala sa kanyang isip ang bawat pagkasunod-sunod ng mga pangyayari. Kailanman yata'y hindi ito mabubura, patuloy siya nitong minumulto at mumultuhin pa sa kanyang panaginip... at kahit ngayong gising ang kanyang diwa.

Hindi rin nakatulong na narito muli siya ngayon sa mansyon. Hindi naman kailangang puntahan niya ito, ngunit para na rin mabantayan ang kanyang bunso ay sinamahan na lamang niya ito. Gusto kasi nitong siguraduhing walang maiiwan kahit isa sa mga laruan nito, ngayong may bago ng nagmamay-ari sa bagay na ito.

Pwede namang bilhin nila ulit ito, ngunit naisipan niyang mas maigi ito para sa kanya at kay Ford. Para madali silang makalimot. Para mas madali siyang makalimot.

Kasi sa bawat bagay na iniwan ng kanyang ama ay parang minumulto siya ng mga nakakatakot na alaala nito. Kaya ayon sa lawyer nito na mukhang pera ay dapat lang na umalis na sila. "Talaga naman."

Gusto pa niyang maiyak nang bisitahin siya nito, ilang araw pagkatapos ng birthday ni Ford. Naroon sila noon sa isa sa mga bahay-bakasyunan na binili ng kanyang ama. Naglalaro pa si Ford sa labas nang dumating ito at sinabi na kailangan nilang mag-usap.

Inasahan na niyang bibisitahin siya nito para pag-usapan ang tungkol sa pera, pero hindi niya inasahang ang ibabalita nito ay sobrang lala. Hindi na niya maalala kung ano ang bawat salita ng pinagsasabi nito. Ngunit ang pinakapunto nito ay wala na silang pera... ni isang kusing wala silang makukuha.

Kahit noong bata pa siya ay alam na niya ang tungkol sa bisyo nitong pagsusugal, ngunit hindi niya inakala na naubos nito ang lahat ng kanyang pera dahil dito. May negosyo ang kanyang ama at maalam sa pera, pero nalulong yata ito nang sobra-sobra na pati ang mga negosyo at mga ari-arian nito ay hindi na nito inalagaan at piniling ibenta na lamang.

Itinanong pa niya nang araw na iyon kung paano itong nangyari, dahil sa pagkakaalala niya nakapangalan ang lahat-lahat sa kanyang ina. Tumawa lang ito sa kanyang sinabi, na parang wala itong parte sa mga ginawa ng kanyang ama, na wala itong kasalanan sa kanya. Ang isinagot nito? Na wala naman talagang kwenta ang mga papel na 'yon dahil peke ang lahat ng 'yon. Walang nakapangalan ni isang bagay sa kanyang ina, liban na lang sa mga gamit at alahas nito. At ang dalawang Will? Wala na ring bisa ang mga iyon dahil wala naman na silang makukuha ni isang kusing, dahil naipambayad na ng kanyang ama ang lahat-lahat ng pagmamay-ari nito.

Gusto niyang masuka sa mga pinagsasabi nito nang araw ding iyon. Ibig sabihin, ang lahat ng ginawa ng kanyang ina, ang pananahimik nito kahit ilang beses na itong saktan ng kanyang kuya Oliver at ang pagtraydor nito sa kanya ay walang kwenta? Ang pagkamatay nito ay para lang sa wala? Galit man siya sa masamang pagtrato nito sa kanya hanggang mawalan ito ng hininga, mas galit siya sa ginawa ng kanyang ama.

Buong buhay niya ginawa niya itong idolo. Mas gusto niya ito kaysa kay Martha dahil mas pinapakita nitong mahal siya nito. At galit na galit siya sa sarili, dahil nang gabing 'yon na nalaman niyang kinakalantari ng ama ang kanilang mga maid at sinabi nitong nangangabit din naman ang kanyang ina ay mas nagalit pa siya sa huli. Hindi niya inisip na parehong may nagawang mali ang mga ito... at sa kanyang katangahan at kawalang-utak ay inisip niyang aalagaan ng kanyang ama si Ford. Palagi itong wala! Bakit hindi niya naisip 'yon?!

At ano ang nangyari nang miminsang akala niyang sasagipin siya nito laban kay Oliver? Ito ang puno't dulo ng lahat! Nagpakatanga siya at hindi inalisa ang mga pangyayari, ang mga sinabi ng kanyang kuya at ang masayang ngiti sa mukha ng kanyang ama nang namatay na ito.

Siguro minahal siya nito, ngunit nang araw ding 'yon, napatunayan ng kanyang ama na simula pa lang ay wala na itong pakialam sa kanila. Mamatay man sila, basta makuha lang nito ang gusto nitong pera. At ang mapagkukunan lang nito... ay ang kanyang kuya.

Pamilya PerfectoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon