Kabanata 25

4K 116 35
                                    

Kabanata 25


“Ito na ang isuot mo…”

Lumapit sa akin si Clarisse nang sa wakas ay hawak-hawak na ang bestida na aking isusuot bukas, matapos ang kanyang napakatagal na pagpili. Kulay dilaw iyon at may disenyong mga bulaklak.

Nakaupo ako sa kama habang pinapanood ko siya kaninang nahihirapan sa pagpili. Nag-ingat ako ngayong natapos rin siya. Nilapag ni Clarisse sa aking tabi ang bestida, pagkatapos ay dumiretso naman sa lalagyan ko ng mga sandals na halos maagnas na dahil hindi ko naman ginagamit.

Sobrang dami niyon. Puro si mama ang bumili. E, hindi naman ako mahilig mag-sandals.

“Sayang nito!” ani Clarisse.

“Sa ’yo na lang,” alok ko.

Umikot ang mga mata niya. “Ewan ko sa ’yo! Ganito ba talaga ang mga mayayaman? Nagsasayang kayo ng pera.” Umiling-iling siya.

Ngumuso ako. Hindi naman ako, e. Si mama.

“Ito na! Bagay ’to sa damit mo!” sabay taas ni Clarisse sa isang high heels na kulay dilaw rin.

Napangiwi ako.

“Hindi ako marunong gumamit niyan.”

“Marunong ka! Nagsuot ka dati ng ganito sa Prom Night natin noong Junior High! Huwag mo ’kong niloloko!”

Lumapit siya sa akin at hinawakan ang paa ko para isuot ang high heels, ngunit iniwas ko ito habang tumatawa.

“Ayoko niyan, Risse! Flats na lang!”

“Bahala ka!”

Sa huli, napilit ko na rin siya. Pinasuot niya sa akin ’yong bestida at isang flat shoes na kulay dilaw din para makita niya kung maayos na ba. Ngiwi ako nang ngiwi habang tinititigan niya ako, inaalam kung ano pa ang kulang.

“Ayos na ’to. Baka matalbugan ko ’yong may birthday sa balak mo. Nakakahiya naman.”

Umirap siya. “Huwag ka nga, te! Hindi pa nga ’yan nangangalahati sa isusuot ko bukas, e. Saka, hayaan mo ’yon! Mas nakaka-excite ngang may mas maganda sa birthday celebrant, e!”

Napanguso ako.

Hindi ko alam kung ilang minuto pa kaming nanatili sa loob ng kuwarto hanggang sa kinatok na kami ni mama para kumain ng hapunan. Dahil Sabado naman, binalak ni Clarisse na mag-overnight na lang sa amin para sabay na kaming mag-aayos bukas at pupunta sa party. Pumayag naman si mama, tuwang-tuwa pa nga.

Mabilis kaming bumaba at nagtungo sa hapag. Gulat na gulat si Clarisse nang makita si Zach doon na normal na kinakausap si papa.

“Teh, ano ’to?” bulong ni Clarisse habang naglalakad kami palapit.

Pinandilatan niya pa ako.

Napangiwi ako. Sa sobrang abala naming dalawa kanina sa loob ng kuwarto, nakalimutan ko nang sabihin sa kanya na kahit Sabado ay tinuturuan ni Zach ang kapatid ko.

“Nakalimutan kong sabihin,” bulong ko pabalik.

“Kayo na ba? Shocks. Nakakalokang pasabog ’to. Hindi mo ’ko ininform!”

Umiling ako para itanggi ang iniisip niya ngunit dumiretso na siya kay papa at nagmano. Humalik din ako sa pisngi nito bago kami sabay na naupo sa lamesa. Nakalimutan ko nang itanggi pang muli ang sinasabi niya kanina, lalo na dahil nagkatinginan kaming dalawa ni Zach nang maupo na ako. Muntik na akong masamid dahil doon.

Nakaupo sa kabisera si papa, nasa kaliwa niya si Gold na katabi si Zach. Nasa kanan kami ni papa kaya naman nasa harap lang namin si Zach.

Napalunok ako nang maalala ang ginawa niya kahapon. Kung bakit tila nawawala na ang lakas ng loob ko ay hindi ko alam. Baka nagkakape o nagpapahinga saglit. Sana bumalik din siya agad. Kung nasaan man siya.

TVD #5: The Day She ConfessedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon