Chapter 2

292 2 0
                                    


CHAPTER TWO
 PANAY ang pag-tap ng mga kamay ni Hannah sa manibela ng kanyang kotse habang sinasabayan nya sa pagkanta ang isa sa mga paborito nyang awitin. Nasa tapat sya ng isang boutique na pagmamay-ari ng kanyang kaibigan.
 Napag-utusan sya ng kanyang kapatid na kunin ang damit na i-norder nitong pangregalo para sa babaeng nililigawan nito. Galante ang kanyang kapatid pagdating sa mga babaeng nililigawan o girlfriend nito. Syempre hindi sya papayag na walang suhol kapalit ng pagda-drive at pag-pick up ng mga order ni Hans.
 Napalingon sya sa kabilang side ng daan. May namataan syang pamilyar sa kanyang paningin. Tinitigan nya iyong mabuti. Napapitik sya sa hangin ng makilala ang taong iyon. Isang tao lang naman ang kilala nyang payatot bukod sa kanyang geek brother.
 According to her research, Jinn Lian Verde ang pangalan ng lalaking payatot na nagbintang na kabilang sya sa mga sward. Hindi kataka-taka ang itinakbo ng isip nito. Bagay sa apelyedo nito. Verde as in green─green minded!
 Napataas ang kanyang kilay ng makita itong halos magkandahaba na ang leeg nito sa kakatanaw sa kung sinuman na nasa loob ng isang fast food chain. Gumana ang mapaghinala nyang isip. Nawala ang atensyon nya sa pakikinig ng musika. Inobserbahan nya ito.
 Out of curiosity, bumaba sya ng kanyang sasakyan at maingat na nagtungo malapit sa kinaroroonan nito. Kumubli sya sa isang puno. Katapat lang iyon ng sasakyan na pinagtataguan nito. Guguluhin sana nya ito pero natigilan sya sa nakitang emosyon sa mukha nito. His eyes were misty. Hindi maikukubli sa kaseryosohan ng mukha nito ang kalungkutan sa mga mata nito.
 Minasdan nya kung sino ba sa mga tao sa loob ng fast food ang tinitingnan nito. Masyadong ingat na ingat ito. Kaduda-duda ang itsura nito. Kung sya ang masusunod, ipapadampot nya ito sa pulis.
 Isang babae na mahaba ang buhok na naka-uniform ng checkered ang napatanaw sa labas ng fast food. Todo ang ginawang pagkubli nito sa Ford Expedition na nakaparada. Sa ikinilos nito, doon nya napagtanto na ang babaeng iyon ang sinisilip-silip nito. Na-curious tuloy sya kung anong relasyon nito sa babaeng naka-uniform. Base sa suot noon, supervisor o manager ang posisyon ng babae sa fast food chain na iyon.
 Hindi nya natagalan ang tanawing iyon. Ipinasya nyang pumasok sa fast food. She needs to investigate. Nagpatay malisya syang nakita nya si Lian. Hindi sya lumingon ng dumaan sya sa pinagtataguan nito. Malay nya ba kung kilala pa sya nito.
 Pagpasok nya sa fast food, dumiretso agad sya sa counter na walang pila. Nag-order sya ng pagkain for take out. Habang naghihintay sya ng kanyang order, nag-iisip na rin sya ng paraan kung paano i-a-approach ang babae.
 Mabilis ang service crew. Na-prepared na agad nito ang order nya. Nginitian nya ito at pinasalamatan. Natutuwa sya sa bilis ng mga kilos ng mga iyon. Nakakita sya ng tyempo para kausapin ang babaeng sinisilayan ni Lian. Nagsusulat ito sa gilid ng counter.
 “Excuse me─Ruth?” nakita nya ang name plate nito. Ngumiti ito sa kanya. “You looked familiar to me. Let me think.” kunwari'y nag-isip pa sya.
 “Ahm, I remember. I saw your picture with Lian.” Natigilan iyon sa pangalang binanggit nya . Tinitigan sya.
 “H-How is he? Okay lang ba sya?” tanong agad nito.
 Nag-fake sya ng tawa. “Malungkot pa rin. Still broken as ever. At nangangayayat ng husto.”
 “Ang tagal na, hindi pa rin sya nakakamove-on? Paano matatahimik ang kunsensya ko kung hindi pa sya nakakalimot.” anito.
 Nabigla naman si Hannah sa mga naririnig nya. May something sa dalawa. Ang tindi naman ng kalibre ng Lian na iyon kung naging girlfriend nito ang babae. Mas maputi lang sya ng kaunti rito. Simple ngunit mapang-akit ang ganda nito. Hindi kataka-takang nababaliw pa rin dito si Lian. Para itong stalker sa labas.
 “Hindi pa sya makawala sa nakaraan. Ganoon lang 'yon, girl. Anyway, mauna na ako. Nice seeing you in person, Ruth.” paalam nya rito.
 “Kapag nakita mo si Lian, tell him to move on. Sana matanggap nyang hindi kami para sa isa't isa.” pahabol nito sa kanya.
 Bingo! Ex-girlfriend nga nito ang babae. Impressed na sya sa payatot na iyon. Kaya pala napakasungit dahil brokenheart. Nagdidiwang ang kanyang puso dahil nagtagumpay ang kanyang panunubok na makakuha ng impormasyon. Buong pangalan lang ni Lian at iba pang hindi kapaki-pakinabang na impormasyon ang nakuha nya sa kanyang source.
 May X mark na sa kanya ang Lian na iyon. Nainsulto sya ng todo ng pagkamalan sya nitong bading. Genuine ang dibdib nyang iyon na walang pusong dinutdot. Kulang pa ang sampal na natamo nito sa kanya. Hindi sya kuntento.
 Nang makalabas sya ng fast food, hindi na nya nakita roon si Lian. Agad syang nagtungo sa kinapaparadahan ng kanyang dilaw na Honda Civic. Ipinasok nya sa loob ang nabiling pagkain. Nakita nyang sinenyasan sya ng kanyang kaibigan na si Beth. Ibig sabihin noon tapos
ng balutin ang mga damit na order ni Hans.
 Pumasok si Hannah sa loob ng boutique. Iniabot sa kanya ni Beth ang apat na paper bag at isang kahon. Siguradong gown na naman iyon.
 “Naka-charge ba ito sa credit card ni Hans?” tanong nya sa kaibigan si Beth.
 “Nope! Tseke na ngayon ang gamit ng kapatid mo. Hay, naku Hannah, yayain mo sa gym ang lampayatot na iyon at i-makeover mo. Kapag hunk na sya, malamang na mapikot ko sya. 'Yun na lang ang kulang, eh.”
 Natawa si Hannah sa sinabi ng kaibigan. Crush nito si Hans since college kaya lang lanky ang kanyang kapatid. Turn off agad ang bruha.
 “You wish! Have to go, amiga!”
 “Bye!”
  NA-FOCUS ang atensyon ni Hannah sa lalaking nakaupo sa living room. Katatapos nya lang mag-jogging. Naka-all white syang racerback sando at short. Nakaponytail ang mahaba at tuwid na tuwid nyang buhok. May headband pa syang suot na kulay puti rin. Hindi mawawala ang paborito nyang rubber shoes na Puma.
 Nagpunas ng pawis sa mukha si Hannah. Hindi nya makita ang mukha ng kanilang panauhin dahil nakatalikod iyon sa kanya.
 Umikot si Hannah papunta sa likod ng kanilang bahay. Sa may kusina sya dadaan para makita iyon ng hindi napupuna ang kanyang presensya.
 “May gagawin ka na namang kalokohan.” puna kay Hannah ng kanilang katiwala na si Manang Eba. Mula noong high school ay sa kanila na iyon naninilbihan kaya kabisado na noon ang kanyang ugali. Medyo may katandaan na ito. Nasa sisienta na ang edad nito pero kung pumorma ay todo pustura.
 “Grabe ka naman, Manang.” kunwari'y nagtatampong wika ni Hannah.
 “Magtigil-tigil ka. Bisita ni Hans 'yung nasa sala.”
 Napataas ang kanyang dalawang kilay at namilog ang kanyang nguso. Dumiretso sya sa refrigerator at nanguha roon ng malamig na maiinom.
 “Sino raw 'yun?” tanong nya sa kanilang katiwala. Naka-focus ang attention nito sa ginagawang pagluluto ng isa nilang katulong.
 Maarte si Hans pagdating sa pagkain kaya naman hindi basta-basta ititiwala ni Manang Eba ang pagluluto noon. Game naman sya sa kahit anong pagkain 'wag lang masarsa ang ulam.
 “Hindi ko itinanong. Nawala nga sa isip ni Hans na mayroon syang bisita.”
 Napatango-tango sya sa sinabi nito. Inubos nya ang malamig na juice sa baso at inilapag iyon sa may lababo. Natuon ang kanyang atensyon sa niluluto ng katulong na si Sita.
 “Sisig,” pagbibigay-alam ni Manang Eba sa kanya.
 Sisig fo breakfast? Napasimangot si Hannah. Ayaw nya ng sisig. First time nyang kumain noon sa food court ng mall. Isinuka nya iyon kasama ang lahat ng nakain nya. Doon nagsimula ang pag-iwas nya sa masarsang ulam. Ang hilaw na itlog na halo ang inayawan nya sa sisig. 
 “Pa-fried na lang ako ng egg at ham. Magsa-sandwich na lang ako.”
 “Ayaw mong tikman itong niluluto namin?” alok ni Manang Eba. “Paborito raw ito ng bisita ni Hans kaya ito ang pinaluto.”
 Sosyal! Kinalimutan sya ng magaling na kapatid. Hate nya ang sisig kaya hindi sya kakain noon. Maraming nagsasabi na masarap iyon pero hindi na sya mapapakain noon kahit kailan.
 “Ang aga naman ng bisita nya.” Alas otso pa lang sa wall clock na nasa kusina nila.
 “Mukha ngang naiinip na 'yong bisita ni Hans. Makipagkwentuhan ka roon para hindi magmukhang tanga 'yung tao. Pagkatagal-tagal babain ni Hans, eh.”
 Humalukipkip sya. Ayaw nyang mag-intertain ng kahit sinong bisita ng kapatid. Lahat naman na barkadang lalaki ni Hans ay mga geek. Wala man lang kasing gwapo at macho ng super crush nyang si Freedom.
 Lumakad sya patungo sa may dining area mula roon ay masisilip nya ang tao sa sala.
 Nakayuko ang lalaki ng matanaw nya mula sa dining area. Napuna nya ang pananamit ng lalaki. Malaking t-shirt na blue at kupasing maong ang suot nito. Luma na rin ang suot na rubber shoes. Long hair iyon dahil abot na sa baba ang haba ng buhok. Payat ang pangangatawan. Well, anong aasahan nya sa kakilala ni Hans?
 Mukhang pulubi ang bisita ni Hans. Kulang na lang na pahiran iyon ng uling at grasa sa katawan para kumpleto ang detalye. Geek rin ba ito? Kulang sa fashion sense at kulang sa pagkain.
 Bumalik sya sa kusina para sabihin ang kanyang opinyon sa kanilang katiwala.
 “Damihan nyo ang ipapakain nyo sa lalaking iyon. Kulang sya sa vitamins at nutrients sa katawan. Mukha syang gusgusing bata sa kalye na pinabayaan ng magulang!” eksaheradong pagkakalahad ni Hannah na ikinalingon ng dalawang kasambahay. Inihahanda na noon ang pagkain upang idala sa dinning area.
 “Susme! Nambatikos ka na naman ng mga payat. Hindi ka katabaan, Archer.” sita sa kanya ni Manang Eba.
 Nanulis ang kanyang nguso sa sinabi nito. Ayaw na ayaw nyang tinatawag syang Archer dahil tunog panlalaki. Dapat Archer Hans ang pangalan ng kapatid nya at siya naman ay Gay Hannah. Nagkamali ang empleyado sa civil registry noong ipinarehistro sila kaya nagpalit ang first name nila ni Hans.
 “Manang, sexy ako at Hannah ang pangalan ko.” maarteng wika nya. Naalala na naman nya ang taong tumawag sa kanyang Harriette.
 Bumalik sya sa dinning area para muling silipin ang bisita ni Hans. Naroon na ang  paimportante nyang kapatid. Naligo pa pala ang hudyo kaya naman halos tumirik na ang mata ng bisita nito.
 Nanlaki ang dalawang mata ni Hannah ng makita ang mukha ng bisita ni Hans─si Jinn Lian! Paano nakilala ni Hans ang maniac na iyon! Aba naman, napasok na ng kaaway ang kanyang teritoryo.
  Padabog na lumakad si Hannah pabalik sa kusina. Iyon ang tamang pagkakataon para makaganti sa kanyang kaaway. Akalain mo nga naman ang pagkakataon. Ito na mismo ang lumapit sa kanyang teritoryo.
 “Manang, lagyan nyo ng lason ang pagkain ng payatot na 'yon!” Tila haring bumalandra si Hannah sa pinto ng kusina.
 “Anong pinagsasabi mong bata ka, balak mo bang pumatay ng tao?” sita sa kanya ni Manang Eba.
 “Joke lang!”
 Natawa si Sita sa ginawa nyang paggaya sa pananalita ni Ruffa Mae Quinto. Pinadaan nya ang mga iyon para mailagay na sa dinning table ang mga dalang pagkain.
 Pumasok si Hans sa dinning area. Agad iyong sinitsitan ni Hannah. Tinutuyo pa noon ang buhok sa pamamagitan ng twalya.
 “Anong ginagawa rito ng payatot na 'yan, ha? Paano mo 'yan nakilala?”
 Nakapamaywang pa ang kamay ni Hannah, animo kakain ng tao dahil pinandilatan nya ng mata si Hans.
 “Sino? Si Lian ba?” takang tanong ni Hans.
 “May ibang payatot pa ba dito bukod sa'yo?”
 “O, pinag-iinitan mo naman ang bisita ko. Porke payat lang, eh.” Hinagis nito sa kay Hannah ang dalang tuwalya.
 “Hans!” singhal nya rito. “Well, malaki ang atraso sa akin ng Verde na 'yan.”
 “Uy, kilala mo si Lian, ah.” tukso nito sa kanya.
 “Duh!” Maarteng pinilantik ni Hannah ang kanyang daliri. Hinampas nya kay Hans ang tuwalyang hinagis nito.
 “Aray ko!” daing nito ng tamaan sa braso. Napaingos si Hannah.
 “Nakalimutan mo na ba? 'Yang Lian na 'yan at 'yung sinasabi ko sa'yong nagsabing bading ako ay iisa!”
 “What?!” maarteng bulalas nito. Gustong batukan ni Hannah ang kapatid. Ngayon pa naisipang mag-inarte, kanina napakaseryoso.                                                     
 “Gano'n? Hay masisira ang beauty ko sa inyong dalawa! Cannot be, Sis. friend ko ang lolo mo.” Namroblema si Hans sa natuklasan.
 “Nah! Babawiin mo ang suggestion mo? No! No! No! I will take my avenge, brother.” taas noong wika ni Hannah. As if she was really going to a battle field.
 “Haaa!” tili nito. Bigla rin iyong natigilan. “Ikaw kasi, eh!” paninisi sa kanya.
 Napataas ang kilay ni Hannah. Aba, sino kayang umaarteng bakla? Sya pa ang sisihin ng loko. Isa pa talaga at mababatukan na nya ito.
 “Kaloka!” patuloy sa pag-iinarte ito. “Mamaya na tayo mag-usap. Papakainin ko muna ang bisita ko.”
 Iniabot ni Hannah ang tuwalyang ginamit ni Hans kay Sita. Alam nyang papasok roon sa dinning area si Hans at ang bisita nito kaya lumabas sya ng bahay.
 Kakalbuhin nya si Hans oras na hindi sya mabigyan ng magandang paliwanag. Napakapilosopo pa ng lalaki. Ibabangon nya ang bandera ng mga kababaihan laban sa mapang-aping lalaki tulad ni Lian.
 Ilaladlad nya ang kanyang underwear bilang flag!
 

Complicated loveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon