Panimula

155 10 9
                                    


Panimula
E L I A N A

"Pagmasdan mo Eliana, kalalagay ko lang ng tubig dito sa mga rosas ngunit naglalagas na ang mga talutot nito." dismayadong saad ni Binibining Miranda habang nakatingin ito sa lantang rosas.

"Matagal na araw na ito noong huli niyo itong nakuha Binibini, kung kaya't unti-unti na itong nalalanta." wika ko at sinara nang bahagya ang kurtina sa kaniyang silid.

Malapit nang magdapit hapon at sumisilip na ang kulay kahel sa kalangitan. At may manaka-naka na ring hangin sanhi upang pumasok ang ilang dahon sa kaniyang silid.

Napaismid siya at napaupo sa kaniyang katre. "Marahil ay kulang na sa sustansiya ang aming pananim. Hindi na siya kasing sigla at kasing ganda kumpara ng dati." wika niya habang nakatingin sa nalalantang rosas.

Napangiti ako habang pinagmasdan nang malapitan ang mga rosas na unti-unting naglalagas.

"Talagang maikli lamang ang hangganan ng mga rosas Binibini, hindi ito katulad ng ating buhay na mahaba ang hangganan. Maaari ko naman ulit kayong samahan kung sakaling nais niyo muling kumuha ng panibagong mga rosas." suhestiyon ko at ngumiti sa kaniya.

Napabuntong hininga ito at napatayo sa kaniyang katre. "Di bali na, magagawan din naman natin kaagad ito ng solusyon."
saad niya at ngumiti nang matamis bago isa-isang tinanggal ang mga rosas sa lagayan nito.

Isang mayumi, mahinhin, at kabigha-bighaning dilag si Binibining Miranda makinis at maputi ang mga balat niya at angkop sa kaniya ang mahaba, maitim at maalon-alon nitong buhok.

May malambot itong puso at likas na maunawain. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit sa halos sampung taon kong paninilbihan sa kaniya ay hindi ko kailanman binalak na umalis sa puder niya bilang kaniyang personal na soltera.

Naging mabuti rin ang pakikisama ko sa pamilya Villaflores. Sapagkat sila ang naging kanlungan ko simula nang pumanaw ang aking ama't ina. Dati silang naninilbihan dito bilang katulong sa mansyon at sa bukirin at hardin. Kaya't bata pa lang ako mulat na ako sa ganitong kalagayan.

"Eliana, naulinigan mo na ba ang bali-balita sa bayan? ukol sa pagdating ng pangalawang anak ng Mayor?" tanong nito habang abala sa kaniyang ginagawa.

Napailing ako at napatingin sa kaniya. "Narinig ko nga iyan na pinag-uusapan kanina nina Manang Lita at Linda." tugon ko.

Napatigil ito sa kaniyang ginagawa at napatingin sa kawalan. "Nahihiwagaan ako kung ano ang postura ng pangalawang anak ng Mayor. Sa kanilang magkakapatid ay siya na lamang ang hindi ko pa nakikilala." wika niya sabay tingin sa'kin.

"Ano sa palagay mo Eliana? sa tingin mo ba kasing hawig nito si Ginoong David? o ang kanilang bunso na si Solana?" tanong niya habang nakatingin sa'kin.

Napangiti ako at napakibit-balikat. "Siguro'y mas kahawig niya ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Ginoong David?" saad ko at ngumiti nang tipid sa kaniya.

Napatango-tango ito habang nakatingin sa kawalan na para bang nilalarawan niya na sa kaniyang isipan ang postura ng pangalawang anak ng  Mayor.

Tulad ni Binibining Miranda ay hindi ko pa rin nakikilala ang pangalawang anak ng Mayor. Ang huling balitang nakalap ko noon tungkol sa kaniya ay nag-aaral ito ng abogasya sa Europa.

"Hindi ko lang maunawaan sa kung bakit matunog ang kanyang ngalan. At pati sina  ama't ina'y nais na magtungo sa magaganap na salusalo." wika niya bago muli ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa.

"Wala ho ba kayong balak na kilalanin siya Binibini?" tanong ko habang nakatingin sa kaniya.

Napatigil siya at napakibit-balikat bago tumingin sa'kin. "Oo at nahihiwagaan ako sa kaniyang tunay. Ngunit, wala akong balak na kilalanin siya gayun na rin ang makipagsalamuha sa kaniya."




HALOS umikot ang aking mga mata dahil sa makukulay na mga banderitas na nakasabit sa itaas ng pamilihan. Marami ring mga banderitas at papel ang nagsilaglagan sa sahig.

Nagkalat din ang ilang mga talutot ng rosas, mirasol at iba pang mga halaman sa daan. Kadalasang ginagawa ito sa bayang ito kung may mga opisyal na darating.

Alas-sais na ng umaga at abalang-abala na ang mga tao sa loob ng pamilihan. Kaunti pa lang ang namimili ngayong umaga ngunit maya-maya ay dagsaan na rin ang maraming tao.

"Kay aga mo naman hija na magtungo rito halos hindi pa bukas ang ilang pamilihan." saad ni Mang Kanor habang inaayos nito ang binili kong kakanin sa kaniya.

Napangiti ako. "Sinadya ko ho talaga ng maaga para hindi po gaanong kadami ang tao." sagot ko habang inaabot sa kaniya ang bayad.

"Kung tutuusin baka sa ikatlong tilaok pa ng manok magsisidatingan ang ilang nagtitinda rito sa pamilihan. Halos lahat kasi ay nakiisa sa pagdiriwang na inihanda ni Mayor Delos Santos dahil sa pagdating ng kaniyang anak galing Europa." paliwanag niya sabay bigay sa'kin ng kakaning malagkit.

"May naganap po na pagdiriwang?" pag-ulit ko habang nakatingin sa kaniya.

Napatango siya. "Oo hija, hindi mo ba nalaman? sabagay hindi nga pala nagtungo roon ang bunsong anak ng Villaflores kaya marahil ay hindi mo rin iyon nabatid." patuloy niya habang muling naghahanda ng kakanin at inilalagay niya iyon sa isang takuyan.

Napatango-tango ako at napangiti. "Sige ho Mang Kanor, mauuna na ho ako. Salamat po."

"Sige mag-iingat ka." tugon niya at ngumiti nang tipid sa'kin. Kumaway na lamang ako bago naglakad paalis. Sigurado ako na iyon ang dahilan sa kung bakit punong-puno ng banderitas at nagkalat ang mga palamuti sa daanan.

Marahil ay kilalang-kilala sa bayan ng San Igancio ang pangalawang anak ng Mayor dahilan upang halos salubungin siya ng lahat ng naninirahan dito.

Napakibit-balikat ako at napatigil sa harapan ng Plaza De Mayor, may mangilan-ngilan ng tao roon at nagkalat na rin ang kaniya-kaniya latag ng mga maaaring itinda sa gilid nito.

Napasingkit ang aking mata nang mabasa ko ang pangalang nakasulat sa isang telang puti na nakasabit ang magkabilang gilid nito sa bulwagan ng munisipyo.

"Maligayang Pagbabalik, Samuel Delos Santos." bulong ko habang patuloy na inaaninag ang bawat letrang nakasulat doon. Mabuti na lamang at hindi pa nakaliligtaan ng aking isipan ang pagbabasa at pagsusulat nang minsang ginabayan ako ng kaibigang maestra sa kumbento ni Ina.

Napatango-tango ako sa aking sarili habang patuloy pa ring nakatingin sa kaniyang pangalan. Bumalik sa isipan ko ang minsang napag-usapan namin ni Binibining Miranda kung ano ang postura nito.

Ilang sandali'y napabalik ako sa ulirat nang biglang may humigit sa hawak kong kakanin at bigla itong kumaripas ng takbo.

"Magnanakaw!" sigaw ko habang sinundan ang batang palaboy na dumukot ng hawak kong kakanin. Patuloy lamang ako sa pagtakbo habang hindi inaalis ang paningin ko sa kaniya.

"Tumigil ka!" sigaw kong muli habang patuloy ang pagsunod ko sa kaniya.

Hanggang sa ako na rin ang sumuko dala ng pagod ko sa pagtakbo at pagsigaw. Binitawan ko ang hawak kong bayong at halos manlumo ako sa pagod at pagkadismaya. Ni isa sa mga nadaanan ko'y walang tumulong sa'kin.

"Binibini, gumilid ka!"

Napalingon ako sa aking kanang bahagi nang marinig ko ang sigaw na iyon. Halos manlaki ang aking mga mata at hindi ko maigalaw ang aking mga paa dulot ng isang mabilis na kalesang patungo sa'kin.

Sa hindi ko malaman na gagawin ay naipikit ko ang aking mga mata kasabay nang paghagip sa'kin at pagdama ko sa'king likuran ng mabatong daanan.

"B-binibini?" rinig kong bulong nito.

Buong sikap kong iminulat ang aking mga nanlalabong mga mata kasabay ng pag-aaninag ko at pagtataka kung sino ang lalaking nakaupo sa aking gilid.



Nagtataka,
Eliana








Liham ng Pamamaalam (Pahayagan Serye-Uno)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon