Why black?

10 3 0
                                    

"Sweetie.."

Seryoso lang akong nakatingin kay mama. Andito sya sa harap ko at tuwang tuwa na makita ako. Hinawakan nya ang kamay ko na para bang ayaw nya nang bitawan 'yon.

Pero nagawa na nya ang bagay na 'yon.

"Wag mo akong tawagin na sweetie. May pangalan ako." masungit na sabi ko sakanya. Ngumiti pa rin sya sakin pero nakita ko ang sakit sa kanya nang sagutin ko sya.

"Uh, oo nga pala. Mayumi.. kamusta ka?"

Binawi ko ang kamay ko sakanya. Nanatili pa rin na seryoso ang mukha ko.

"Pagkatapos ng ilang taon na wala ka.. 'yan ang itatanong mo sakin?"

Yumuko sya at hindi na alam ang sasabihin. Ang daming tanong sa isip ko pero ayaw kong marinig ang magiging sagot nya dahil alam kong masasaktan lang ako.

"Bakit ka ba andito?" iritang tanong ko sakanya. Tumingin na sya sakin at nakangiti pa rin.

"Gusto kitang maki–"

"Bakit ka pa bumalik?" diretsong tanong ko sakanya. Dahil sa tanong ko ay hindi na nya napigilan ang luha nya.

"I'm sorry.. sorry sa lahat. Yumi, hindi ko ginustong iwan ka.. hindi ko ginusto lahat 'to, anak." Umiiyak na sambit nya.

"Wow," sarkastiko akong tumawa dahil sa sinabi nya. "Anak? 'Yan pa rin ang tingin mo sakin pagkatapos ng lahat? Pagkatapos mo akong ibigay.. sa mga taong hindi ko naman kilala."

"Mahirap, Yumi.. Hindi ko gustong ipamigay ka. Nagawa ko 'yon dahil gusto kitang bigyan ng magandang buhay. Ikaw lang ang iniisip ko. Kapakanan mo lang. Kayanga hinanap kita.. dahil gusto kong bumawi sayo." paliwanag nya na para bang magmamakaawa na patawarin ko sya.

"Mahirap pala, e... bakit nag anak ka pa?"

"Mayumi," patuloy na pag iyak nya. "Hindi ganon kadali 'yon. Intindihin mo naman ako, oh."

"Intindihin? Bakit, ako ba inintindi mo? Noong nagmakaawa ba ako sayo na wag mo 'ko iwan, inintindi mo ba ako? Diba, hindi naman? Kaya paano mo nagagawang humarap sakin pagkatapos mo akong... sirain?"

"Patawarin mo ako, anak.. ang nasa isip ko lang noon ay mabigyan ka ng magandang buhay."

"Impyerno. 'Yan ang binigay mo sakin. Kung sa tingin mo nabigay mo sakin 'yong 'Magandang buhay' na sinasabi mo, mali ka. Dahil halos araw-araw akong nakaramdam ng pananakit, pang-aabuso.. pangbababoy sa mga taong sinabi mong magbibigay sakin ng magandang buhay. Wala ka n-noong panahon na sinasaktan nila ako, wala ka nong wala silang ibang ginawa kundi pagsamalantahan ako. Ang bata bata ko pa noon p-pero natuto na akong magalit.. at tumanggap ng sakit."

"Anak, sorry. I'm sorry.. sorry.." pag iyak nya.

"Wala naman ng magagawa ang sorry mo, eh. Nangyari na, nasaktan na ako. Walang nanay na nagturo sakin maging matapang. Walang nanay na nag tali ng buhok ko at tinuro sakin ang mga bagay-bagay. Ilang beses ko hiniling na sana andito ka sa tabi ko pero wala ka.. wala ka noong mga panahong kailangan kita."

"H-hindi ko alam na ganon ang magiging buhay mo sakanila.. kung alam ko lang sana hindi na kita iniwan, anak.. patawarin mo ako."

Napailing ako. "Sorry pero.. hindi ko kaya."

"Yumi, andito na ako. Babawii ako sayo.."

"Huli na, ma. Huli ka na."

Alam ko sa sarili kong habang buhay kong dadalhin 'yong sakit.

"Ilang beses ko rin hiniling na sana hindi nalang ako nabuhay.."

Tinakpan ko ang mukha ko nang maramdaman kong hindi ko na kayang pigilan ang luha ko. "Hindi ako aso para ipamigay basta-basta.. anak mo ako, eh. Nanay kita pero hindi ko naramdaman 'yon."

Gustong gusto ko syang tanggapin pero sa tuwing nakikita ko sya, nasasaktan lang ako.

"15 years..15 years kang nawala. 15 years akong nangulila sayo. Si Papa ang nangloko sayo pero ako 'yong ginantihan mo."

"Anak," umiling sya. "Hindi.. hindi ganon."

"Hindi mo alam ang mga bagay na paborito ko, hindi mo alam ang paborito kong kulay. Wala.. kang alam."

Pilit syang ngumiti sakin. "Blue diba? Kasi sabi mo sakin noong bata ka, blue ang paborito mo dahil kakulay ng langit."

"Hindi," sagot ko. "Black ang gusto ko.. dahil simula nang iwan mo ako, 'yon nalang ang nakita ko 'yon nalang ang naramdaman ko. Wala ng kulay, madilim na.. lahat."

"M-mapapatawad mo pa ba ako?"

Umiwas ako ng tingin. "Hindi ko alam, hindi ko pa kaya.."

Tumayo na ako at sa huling pagkakataon, ngumiti ulit ako sakanya. "It's nice to see you again, Mrs. Salvador." 'Yon ang huling sinabi ko bago ako umalis sa harapan nya.

Everything is BlackWhere stories live. Discover now