"Akala ko tayo na?"
Nakakunot ang noong tanong ni Cleria kay Cedrick nang makalapit siya ritong muli. Nasa isang fast food sila, nakapila. Tinatawag na ang numero nila pero hindi pa rin pumapasok si Cedrick.
Napakamot naman ng ulo si Cedrick at pinakita ang numero. "Binigay ko roon sa matanda 'yung number natin," alanganing ani nito. "Ang tagal mo kasi, Kinabahan ako baka hindi tayo sabay makapasok!"
Napa-irap sa hangin si Cleria dahil alam niya ang dahilan ng binata. "O-order lang, Cedrick! Hindi ka kakainin ng cashier!"
"Ayoko nga!" angal agad nito at binigay ang tag number. "Dito tayo sa 143 number kasama naman kita."
Hindi na napigilan ni Cleria pamulahan ng mukha dahil sa sinabi nito. Hindi pa rin talaga siya sanay sa mga patutyada nito. Sa araw-araw ba naman na ginawa ng Diyos at araw-araw rin siyang gustong kasama ng binata ay nahulog na lang siya bigla.
Pero hindi puwede.
Dahil kaibigan lang niya ito. At, ayaw niyang masira na lang 'yon dahil lang sa pakiramdam na alam niyang walang patutunguhan.
"Kinilig pa!" asar ni Cedrick kaya pinalo niya ito sa braso.
"Asa, boi!" aniya at pumasok na sa loob at um-order. Hindi niya pinansin si Cedrick na tatawa-tawa lang sa tabi niya at nang-aasar.
Kung puwede lang 'tong sampalin ng katotohanan ay ginawa na 'yon ni Cleria. Pero kilala niya si Cedrick. At, kilala rin niya ang kaniyang sarili.
Siya ang tipo na hindi nito magugustuhan. Kasi kung gusto siya nito, tatlong taon na sana sila.
"Anong balak natin sa anniversary natin?" ani Cedrick na ikinatingin niya rito agad.
"Anong anniversary?!"
"Yung pagkakaibigan natin. 'Di ba next week na 'yon? Libre ko, anong gusto mo?" Nagtataas-kilay habang nakangiti pang turing nito.
Nakatangang tinitigan lang niya si Cedrick dahil bago 'yon. Ito ang unang beses na niyaya siya nito sa 'anniversary' nila kaya naman hindi niya alam ang dapat na maramdaman.
"Ikaw," aniya at umiwas na rito ng tingin dahil ramdam na ramdam niya ang pagka-init ng kaniyang pisngi.
"Ako? Sigurado ka? Sige sabi mo 'yan ah." Pang-aalaska na naman nito kaya pabiro niya itong inirapan. Buti na lang ay mabilis siyang makapagbalat-kayo dahil dalang-dala agad siya sa mga patutsada nito.
"Feeling mo!" aniya at sinawsaw ang fries sa ice cream. "Kahit saan na lang. 'Yung hindi mo kailangan mag-disguise sana," aniya at inayos ang afro hair nito. "Pamapangit ka kasi lalo."
Umismid lang si Cedrick. "Pasensya ka na, nagmamahal ka ng artist, tiisin mo."
YOU ARE READING
Meaningless
General Fiction"Akala ko naman may meaning ang lahat.... akala ko ako." #RomancePH #ReMEMEberMe