Ayos lang

45 8 1
                                    

Sometimes, crying is the only way your eyes speak, when your mouth can't explain how broken your heart is...

{Rhea's POV}

"Huy! Tara gala tayo!"

Naputol ang kanina ko pang pagmumuni-muni nang marinig ko ang isang tinig na nuon pang nang-aakit sakin tuwing maririnig ko ito. Si Dave. Bestfriend ko siya since first year high school at nung 3rd year lang kami hindi naging magclassmate pero ngayong fourth years na kami ay classmate ulit kami. Naintindihan niyo? Haha!

Naupo siya sa tabi ko sa inuupuan kong gutter at saka tumitig sakin.

"B-Bakit?"

"Nakatulala ka?"

"Ha? Ah, hindi 'no. Pinapanuod ko lang yung mga bata," palusot ko sabay baling ng tingin palayo.

"Gala tayo," aya niya maya-maya.

"Tinatamad ako."

"Lagi ka namang tinatamad."

"Ganun e."

Katahimikan.

Ang awkward. Bakit ayoko yung feeling na kaming dalawa lang ang nag-uusap ngayon? At isa pa, ayokong tumingin sa mga mata niya. Baka kasi traydorin ako mismo ng mga mata ko at malaman nyang may nararamdaman ako sa kanyang higit pa sa pagkaka-ibigan. Ayokong malaman niya dahil baka mailang siya't layuan niya ako. Okay na ko sa ganitong... magkaibigan lang kaming dalawa.

"Rhea!" Sabay naman kaming napalingon sa sumigaw. Si Kat. Kumaway siya sakin at saka tumakbo palapit.

"May ginagawa kayong kababalaghan diyan no?" nanunudyong tanong ni Kat na agad namang kinontra ni Dave.

"Lul ka Kat. Wag kami."

Bigla ay parang nakaramdam ako ng lungkot. 'Wag kami.' Paulit-ulit 'yang nag-echo na parang sirang plaka sa tenga ko. 'Di ko tuloy maiwasang magdamdam at mapatanong.

Bakit, ayaw niya ba sakin?

Maya-maya pa ay tumayo si Dave at hinablot ang headband na suot ni Kat at saka ito iwinagayway sa ere. Indikasyon na kailangan itong agawin ni Kat sa kanya.

"Oy! Akin na!"

"Kunin mo!"

"Akin na nga!"

"Hahaha!"

Pinanuod ko lang silang masayang naghabulan. Hanggang sa mawala sila sa paningin ko.

"Hah."

Iniwan nila ako. Nakakatuwa.

- - -

Ilang buwan ang lumipas at napansin kong nagiging mas malapit sina Dave at ang bestfriend kong si Kat. Mas madalas na makikita silang magkasama kesa samin na dati ay halos hindi mo na mapaghiwalay. Nabalitaan ko pa ngang araw-araw na nagpupunta si Kat sa bahay ni Dave para magtanong ng mga assignments o activities na hindi ko alam kung bakit kailangang kay Dave pa siya magtanong samantalang mas malapit naman yung bahay ko sa kanila. Hindi ko maiwasang mag-isip ng kung anu-ano. Ayokong may mamuo sa pagitan nila. Lalo pa't alam ko sa sarili kong mas matagal ang pinagsamahan namin ni Dave kumpara sa kanila ni Kat na nitong taon niya lang naman nakilala.

Nandito ako ngayon sa likod ng kinauupuang silya ng dalawa kong 'kaibigan'. Nagmamasid. Nagpaparamdam. Umaasa. Umaasa na sana lingunin naman nila ako at iparamdam sakin na nasa paligid lang nila ako. Umaasa na pansinin naman nila ako. Umaasa na... baka sakaling mapansin nilang... nagseselos ako.

Kahapon, hindi ko sinasadyang marinig ang usapan nina Dave at ng kaibigan niya. Sinabi niyang balak na nyang umamin sa isang babae ngayong araw na 'to. Ah, nakalimutan kong sabihin, Valentines day ngayon. Isang perpektong araw para tanungin ang isang babae kung pwede bang maging sila. Naaalala ko pa, sinabi niyang matagal niya nang gustong umamin sa babaeng 'yon pero 'di niya magawa kasi nauunahan siya ng hiya at takot. Hindi ko alam kung bakit o kung saan siya natatakot pero bigla akong natuwa at umasa. Baka sakaling... hindi ako sigurado... pero sana nga.

Ayos lang naman kung umasa 'di ba?

- - -

Alas tres ng hapon.

Nandito tayo ngayon sa school ground habang napaliligiran ng sandaang eatudyante. Nakaluhod ka sa harap ko habang binibigkas ang mga salitang;

"Pwede ba kitang maging girlfriend?"

Nakakahiya, ang dami ng nakatingin at nagtitilian sa'tin. Ikaw, hindi ka man lang ba nahihiya?

Nakita kong tumingin sakin si Kat, at isang butil ng luha ang pumatak sa mata niya. Pero nanatili siyang tahimik. Sa mga mata namin, nagka-usap na kami.

Muling napadako ang tingin ko sa nakaluhod ngayong si Dave. Naghihintay siya ng sagot. Nakakakaba pala yung ganito. Hindi mo alam yung mga susunod na mangyayari.

Umalingawngaw ang malakas na hiyawan ng mga estudyanteng nanunuod sa napaka-romantiko mong gestura nang marinig sa hangin ang salitang;

"Oo."

Kasabay ng malakas na pagpatak ng ulan na nagpatakbo sa iba pabalik sa kanya-kanyang mga kwarto pero tayong tatlo ay hindi umalis sa kinatatayuan natin.

Tumayo ka at niyakap ang babaeng pinakamamahal mo. Ang babaeng kumumpleto sa araw at kukumpleto sa araw-araw mo. Dapat magpasalamat ka sakin. Kung hindi dahil sakin, hindi ka magiging masaya sa araw na 'to. Kung wala ang tulong ko, hindi mo magagawang umamin...

Sa bestfriend ko.

Ang sakit.

Ang dami-dami ng tao dito sa mundo na pwede mong mahalin. Napakarami ng taong pwede mong makarelasyon. Ilang taon na akong nasa tabi mo, nagmamahal, naghihintay, umaasa. Tanong ko lang;

Bakit siya pa?

Bakit yung bestfriend ko pa?

Masaya ka na bang masaktan ako?

Masaya ka na bang naging kayo?

Masaya ka na ba?!

Napakalakas ng ulan. Pero 'di tayo natinag. Habang yakap-yakap mo siya ay nakita kong ngumiti ka sakin bilang pagpapasalamat kaya ngumiti rin ako pabalik sayo. Kasabay ng pagtulo ng mga luha ko sa mata ko. Pero wala kang napansin, wala kang nakita. Kasi akala mo ulan lang ang lumuluha.

Marahil ngayon sobra-sobra ang pagpapasalamat niyo sa tadhana kasi nagkakilala kayo. Pero tangina! 'Di niyo lang alam kung gaano ako kagalit sa letcheng tadhana na 'yan kung bakit pa niya kayo pinagkita! Ngayon, ako na naman ang maiiwang mag-isa.

Ngumiti muna ako bago sumigaw.

"Ayiieh! Sila na! Congrats... bes~" Ayos lang.

At sa mga salitang 'yon ay tinalikuran ko na sila't naglakad palayo.

Ayos lang. Ako lang naman ang iiyak.
Ayos lang. Ako lang naman ang magpaparaya.

Ayos lang. Ako lang naman ang umasa.

Kahit na palaging ako na lang yung nasasaktan, basta masaya sila...

Sige na nga.

Ayos lang.

➻ 𝐀𝐘𝐎𝐒 𝐋𝐀𝐍𝐆Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon