[Pamela]
HINDI niya mapigilan ang mapangiti habang magkahawak-kamay silang bumalik ni Alaric sa loob. Nakilala niya nang personal ang lahat ng mga kaibigan ng asawa niya na sina Zandro, Liam, Tres, Nicholas, Miguel, Jack, at Wendell. Sina Damon at Red lang ang hindi niya pa nakikita.
Nakita niya ang panunukso sa mga mata ni Vera sa kanya mula sa kalayuan kaya lalong lumaki ang ngiti niya. Shocks! Nadala na naman siya!
Nalukot ang mukha niya nang lumapit sa kanila ang babae na kausap kanina ni Alaric. Nakita pa niya na bumulong ito sa asawa niya kaya lalo lang siya nainis. Parang naghahamon pa ang malaki nitong hinaharap sa kanya. Gustong-gusto niya nang hilahin palayo ang asawa niya, kaso baka magmukha lang siyang katawa-tawa.
"Pam, meet my cousin, Kyla."
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ni Alaric. Pinsan daw?! Shocks! Pinagselosan niya ang pinsan ng asawa niya!
Nakangisi na bumeso sa kanya ang babae at saka bumulong. "Selos yarn?"
Pinamulahan siya ng mukha. "H-Halata ba?"
Mahinang natawa ang babae at lumayo na sa kanya. "Halatang-halata." Gusto niyang takpan ang bibig nito nang mas lalong lumakas ang tawa nito. Mapang-asar!
Tumingin siya kay Alaric nang ipalibot nito ang braso sa baiwang niya nang mahigpit. Kita niya ang paggalaw ng panga at pagdilim ng mukha nito habang nakatingin kay Alden na papalapit sa kanila.
Ngumiti at tumango si Alden sa kapatid saka bumaling sa kanya. "Pamela..." Alanganin ang ngiti sa labi ni Alden habang nakatingin sa kanya.
Iniwas niya ang tingin dito. Pinigilan niya ang inis. Nagsabi na siya na hindi niya ito gustong makausap kaya bakit kailangan na kausapin pa siya nito ngayon? Ang kapal ng mukha.
"What do you want, Alden?" madilim pa rin ang mukhang tanong ni Alaric. Halata na wala ito sa mood makipag-usap.
"May kailangan lang kaming pag-usapan ni Pamela."
Anong kailangan na pag-usapan?! Gusto niyang sapakin ito. Ano ang pag-uusapan nila? Ang ginawa nito na pangha-harass sa kanya? Ang kapal naman ng mukha!
"I see." Saglit na sumulyap sa kanya si Alaric pero agad ring binaling ang tingin sa kapatid. "Anong pag-uusapan niyo ng asawa ko na hindi ko dapat marinig?"
Ramdam niya ang lamig na nanuot sa balat niya nang marinig ang malamig na boses ni Alaric. Sa lamig n'on ay nanayo ang balahibo niya na para bang may hindi maganda na mangyayari 'pag nagtagal ang pag-uusap ng mga ito.
"Kuya, please—"
"W-Wala kaming kailangan na pag-usapan ni Alden," putol niya kay Alden. Napangiwi siya nang lalong humigpit ang braso ni Alaric sa baiwang niya. Galit ba ito?
"Pamela..." May pagmamakaawa na tumingin sa kanya si Alden. Napalunok siya. Bakit ba ang kulit ng lalaking ito?
"Stay away from my wife, Alden. You heard her, right? Wala kayong kailangan pag-usapan." Inalis ni Alaric ang kamay sa baiwang niya. Hinila siya nito at inilagay sa likuran nito kaya hindi niya makita ang mukha ng dalawang lalaki, tanging malapad na likuran ni Alaric ang nakikita niya ngayon.
"I just want to talk to her. Anong masama ro'n?" balik ni Alden. Gusto niyang hubarin ang suot na rubber shoes at ibato kay Alden. Hindi ba ito makaintindi?
"Anong masama?" Alaric laughed sarcastically. Nataranta siya nang lumapit si Alaric kay Alden. Gusto niyang pigilan ang asawa pero hindi niya magawa. Nanatili na nakapako ang paa niya sa kinatatayuan.